Pagpupugay kay Fr. Francisco Paco Albano
Ng DANGGAYAN DAGITI MANNALON TI CAGAYAN VALLEY (DANGGAYAN)
www.nordis.net
Kaisa ng mamamayan at ng naiwang kapamilya, lubos na nagdadalamhati ang mga magsasaka sa pagyao ng mahal nating si Fr. Paco Albano, matapang at walang sawang nagmamalasakit sa interes at kapakanan ng mga magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Malaking kawalan sa mamamayan ng Isabela at Lambak Cagayan, lalung-lalo na sa mga magsasaka ang pagkawala ni Fr. Paco. Hindi matatawaran ang naiambag ni Fr. Paco sa kilusang magsasaka sa Isabela at iba pang probinsya. Sa matagal na panahon, taos pusong sinuportahan ni Fr. Paco ang mga makasaysayang pakikibakang magbubukid para sa karapatan sa lupa sa mga hasyenda at sa forest region, laban sa mapanira at mapandarambong na pagmimina ng coal mining, sa mapang-agaw na cassava plantation project at sa matinding pang-uusura.
Kinupkop niya ang mga organisasyong magsasaka para makapagpalakas ng pagkakaisa, pagkamulat at pagsisikhay para sa ipaglaban ang tunay na repormang agraryo – panlipunang hustisya na kay tagal naming minimithi.
Sa kabila ng mga panggigipit mismo ng estado, ng 5th Infantry Division ng AFP sa mga taong simbahan, patuloy na nag-ambag si Fr. Paco sa mga makabayan at maka-mamamayang adhikain ng mamamayan ng Lambak Cagayan. Bilang tagapagsalita ng Promotion of Church People’s Response – CV, matapang siyang tumindig sa panig ng mga magsasakang biktima ng pang-aabuso ng karapatang pantao sa sunud-sunod na mga operasyong militar sa Isabela at nanawagan ng pagtigil sa militarisasyon sa mga pamayanang magsasaka.
Sa mga kampuhang magsasaka at mga pagkilos ng mga magsasaka at manggagawa sa Mayo Uno, laging kakapit bisig ng mga maralita at inaapi ang mahal nating si Fr. Paco para igiit ang makabubuhay na sahod, karapatan sa lupang masasaka at matitirahan, seguridad sa trabaho, sapat na serbisyo para sa mga maralita. Hinding hindi natin makakalimutan ang tinuro niya sa KAMPUHAN Para sa Tunay na Reporma sa Lupa sa Matusalem, Roxas na kailangang hilingin ng mga aping magsasaka sa ating simbahan na mahalin at paglingkuran ang sambayanan lalo na ang mga binubusabos na magsasaka at manggagawa.
Palaging bukas ang kanyang puso para pakinggan ang boses ng mga maralitang mamamayan lalo na ang mga magsasaka at katutubo. Hindi natin malilimutan ang marami niyang pagsisikap para maiangat ang kamulatan ng mga kabataan, magsasaka at manggagawa sa marubdob na pagmamahal sa bayan at sa sambayanan.
Ginugunita namin ang mga gintong aral na itinanim sa aming mga puso at damdamin sa mga panahong nakasama namin si Fr. Paco sa mahirap, mapanganib at dakilang pakikibaka para sa mga pambansa demokratikong adhikain ng ating bayan, ang paglaban sa tiranya at pang-aabuso ng kapangyarihan na deka-dekadang naghasik ng walang kaabug-abog na karahasan laban sa mamamayan, ang pagtatanggol sa karapatang pantao at paglaban para sa hustisya sa gitna ng kaapihang kinasadlakan ng masa.
Nakatanim sa puso at isip ng mamamayang Isabelinos ang kabayanihan ni Fr. Paco. Ang kanyang pagtindig sa panig ng inaapi at pinagsasamantalahan sa napakaraming pagkakataon ay nagsisilbing inspirasyon sa mamamayan lalung-lalo na sa kabataan at mga magsasaka. Sa huling pagkakataon, sama-sama nating parangalan ang kanyang kadakilaan at walang pagkasaid na pagmamahal sa masa at sa bayan. # nordis.net
