Select Page

Poetry: Sa ala-ala ni Fr. Paco

Poetry: Sa ala-ala ni Fr. Paco
< 1 MIN READ

Ni RENE BOY E. ABIVA
www.nordis.net

Ika’y nanula nang nanula
gamit ang titik at talinhaga.

Ika’y nanuligsa nang nanuligsa
gamit ang nag-aalab mong pagsinta.

At ngayong lilisan ka na ngang ganap,
ang lupang waring pandayang bakal ay uugaog!
sa yugtong luluha ang kayraming matang maalat
at mga pusong waring babayuhin
ng libo-libong ligalig!

At kung ganap nang lamunin ng lupa
ang ‘yong katawan,
ay s’ya namang pagsidhi
ng mga gaserang waring bulalakaw kung bumuga
ng apoy.

At sa sandaling papatak nang ganap
ang unang buti ng luha sa lupa,
kukulo ang kaibuturan nito at sisingaw,
sisingaw ang daantaong nakulob na himagsik!
aabutin nito ang lahat ng tungki
at kakalat ang agipo,
sa dibdib ng mga api!

At may muling magtutula sa ‘yong mga katha,
may muling magtutula sa mga titik ng salita,
sasaliw ito’t aanib paring ganap
sa anino ng sanlaksang bayang nakikidigma,
at gagampanang ganap
ng mga natitirang Magigitng na Uwak
ang kanilang makasaysayang tadhana
nang sa gayo’y sa huli’y
ang dakilang adhika nating lahat
ay maging ganap. # nordis.net

P.S. Sa libro n’yang “ Clearing” na nalimbag noong 1987, ang ‘Magigiting na Uwak’ ay ‘di lamang simbulo kundi ito’y metapora sa isang Pulang Mandirigma at naratibo sa kabilang bandang ang pakay ay ilarawan ang digmang bayan sa Pilipinas.

About The Author

northern dispatch

is an online, alternative media outfit reporting events and issues from the people’s perspective in Northern Luzon.

Share This
Verified by MonsterInsights