Select Page

Poetry: Kahon
FEATURE| August 30, 2015
< 1 MIN READ

Ni DESIREE CALUZA
www.nordis.net

ano ba ang kahon sa panahon ngayon?
Ito’y pinagpaguran at sagrado sa atin
patunay na ang mga kamay nila
nanay, tatay, kuya, ate, at ni irog
ay nagsikap upang makapagpadala ng biyaya

ang kahon na ginamit sa bahay-bahayan
ay nagdulot din ng tuwa sa mga batang musmos
ginamit din nila para magpadausdos
sa madulas na damuhan
upang lumipad at ipalaya ang diwa sa hangin
at kakahuyan
kung bakit ang kahon ay tahanan din ng mga
pamilyang naghihikahos
at naging panangga ito sa sobrang init at ulang di
mapagpatawad
ayun si bunso, nakahubad, kinakamay
ang kaning ipinanglimos para
sa nangangalam na sikmura
huwag ninyong hawakan ang aming kahon
kung ang puso’y mabigat at mapaghari
ang ganid
huwag pagpyestahan ang aming kahon
hindi ito magtatago ng lechon. # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights