NORDIS WEEKLY
October 17, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

JBIC, sinisingil na ng mga Pangasinense

(Panghuli sa dalawang yugto - unang yugto)

SAN MANUEL, Pangasinan (Okt. 8) — Sa ipinasang petisyon ng Tignay dagiti Mannalon a Mangwaya-waya ito Agno (TIMMAWA) at Bayan-Pangasinan, iginigiit na itigil na ng San Roque Power Corporation (SRPC) at National Power Corporation (NPC) ang operasyon ng San Roque Dam (SRD) sapagkat ito ang nagdadala ng panganib sa buhay at kabuhayan hindi lamang ng mga Pangasinense kundi pati karatig-bayan tulad ng Tarlac at Bulacan maging komunidad sa Itogon.

Ayon sa dalawang grupo, malawakang pinsala umano sa mga lupaing sinakop para sa konstruksyon ang naidulot ng SRD mula noong maipatupad ito noong 1998. Sa taya ng Bayan, may humigit-kumulang 5,000 ektarya ng lupain ang nasayang upang maitayo ang istruktura ng dam at reservoir nito. Aabot sa 741 pamilya ang inilikas at maaaring 259,000 indibidwal ang apektado ng paglikas.

Ibinunyag ng grupo na ang iba pang panukalang proyektong may kaugnayan sa operasyon ng dam tulad ng Agno River Integrated Irrigation Project (ARIIP), Poponto Catch Basin Project at Bayambang Short Cut Channel ay muli na namang sisira sa malalawak na lupaing napakikinabangan sa kasalukuyan. Maaaring madamay sa pinsala ang Poponto swamp at Mangabul. Ang konstruksyon ay sasakop sa 10 baranggay sa Bayambang, dalawa sa Bautista at 12 sa Tarlac na siyang dibersyon kaya’t kailangang mailubog sa 70% tubig mula sa dam.

Ayon kay Rev. Fr. Eleuterio Revollido, “Kamakailan lang, pininsala ng malawakang pagbaha ang Pangasinan na sumira sa P338 milyong halaga sa produktong agrikultura at pangisda. Bunsod ito ng hindi maampat na pagpapalabas ng tubig na naiipon sa dam. Pinalalala ng dam ang taunang pagbaha at mas higit pang mga pinsala ang dadalhin nito kung magpapatuloy ito sa operasyon”.

Dapat pagbayarin

Samantala, dapat ding panagutin umano ang SRPC sa patuloy na pagtaas ng singil ng kuryente ng Napocor dahil sa obligasyon nitong magbayad ng $10 milyon kada buwan para sa 85 megawatts ng nalikhang kuryente para sa susunod na 12 taon. Sa napagkasunduang kontrata, kailangang magtaas ng halagang 40 centavos kada kilowatt hour o katumbas ng P17 hanggang P22 pagtaas.

“Nararapat lamang itong pahintuin dahil nagsisilbi itong balon ng pagkautang ng sambayanan at nagdudulot pa ng higit na pagkapinsala sa kabuhayan,” pahayag ni Revollido. Ipinanawagan naman sa ipinasang petisyon ng TIMMAWA na agad na mabayaran ang humigit-kumulang 3000 kataong nawalan ng kabuhayan sa gold panning at mga lupaing hindi pa nababayaran ng SRPC. Iniatras nito ang pagsangkot sa validation dahil ayon dito, nakakapagpalito lamang sa mamamayan ang mga tanong at hindi ito matibay na batayan kung nararapat ba silang magawaran ng kumpensasyon. “

“Sa halip na muling pangungutang na higit na magpapabaon sa kanila sa kahirapan, sapat na kumpensasyon ang dapat na ibigay ng SRPC sa mga nawalan ng kabuhayan bunsod ng konstruksyon ng dam”, pagtatapos ng TIMMAWA.

Alinlangan

Sa pahayag ni Hirobumi Takaoka, JBIC Environmental Monitoring Team Advisor, malinaw na dapat na muling rebyuhin ang naging proseso ng implementasyon ng SRD mula noong 1998 hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t dalawang beses pa lamang bumabalik sa bansa ang monitoring team, ngayon lamang umano humarap sa taumbayan ang mga ito at hindi agarang makakapagbigay ng kanilang tugon sa mga ibinabatong panawagan.

Ngunit bibigyang-tuon umano ang mga petisyon ng taumbayan at ipaparating ito sa mga kinatawan ng SRPC, NPC at pamahalaan ng Pilipinas. Nagpasalamat ang grupo na nabigyan sila ng pagkakataong marinig ang karaingan ng taumbayan at inaasahan na agad na maresolba ang mga isyu. Ngunit naniniwala ang grupo na ang pagresolba ay dapat na maganap sa pagitan ng SRPC, NPC at apektadong mamamayan.

Binigyang-diin naman ni Anakpawis Regional Coordinator Joseph Canlas na panahon na upang ang nagpondo sa dambuhalang proyekto naman ang sumagot sa mga panawagan ng taumbayan. “Kung wala ang JBIC na siyang nagpautang, hindi maisasakatuparan ang dam,” pahayag niya.

Nasasayang umano ang mga buwis na ibinabayad ng mamamayang Hapon sa mga walang kapakinabangang proyekto sa mamamayan ng Pilipinas. Higit aniya, ay nababaon pa sa krisis ng kahirapan ang mga Pilipino sa pagbabayad sa mga utang ng pamahalaan para sa mga proyektong tulad ng San Roque Dam.

Gayundin ang naging pahayag ni Francisco Dangla III, myembro ng Task Force Anti-San Roque sa UP Diliman. Aniya, dapat ay direktang komunsulta ang JBIC sa mamamayan at hindi sa SRPC o NPC sapagkat ang dalawang panig ay may magkasalungat na interes.

Ang Pampanga-Delta Project sa pagitan ng bayan ng Tarlac at Bulacan ay umaasa rin ng pautang mula sa JBIC at tinututulan ito ng mamamayan.

Daing

Inireklamo ni Diosdado Rodrigo, residente ng Cabuloan, San Nicolas at lider ng Irrigators Association na ang mga gawang-taong dam o brass dam ay nasira sa isinagawang quarrying para sa mga materyal na ginamit sa konstruksyon ng SRD. Apat sa 11 na brass dam ay nasira dulot ng quarrying na siyang dahilan upang maiba ang natural na daloy ng tubig para sa kanilang sakahan.

Gayundin ay inireklamo naman ni Julian Lampa, edad 70 at residente ng Pensikan, San Nicolas ang pagkawasak ng kanyang sakahan dulot ng nakaraang pagbaha. Ayon sa kanya’y dati ring napapakinabangan ng kanyang pamilya ang gold panning ngunit nang mahinto ito’y dumepende na lamang sila sa pagsasaka. Ngunit ngayon na nalunod sa baha ang kanyang lupa ay hindi magkamayaw ang kanyang pamilya kung saan kukuha ng ikabubuhay. Negatibo naman ang naging reaksyon ni Hozue Hatae, myembro ng Friends of the Earth-Japan (FoEJ) sa mga pahayag ng mga kapwa Hapon. “Dapat nilang akuin ang responsibilidad sa mga problemang dulot ng San Roque Dam. Ang layunin ng monitoring team ay upang dinggin ang boses ng apektadong komunidad, direktang kumausap sa mga taumbayan,” ani Hatae.

Sa darating na Oktubre 25, hiniling ng FoEJ na makipagpulong sa mga kinatawan ng JBIC upang rebyuhin ang mga polisiya at metodo nito sa pagmonitor. Gayundin, makikipag-usap ito sa Gobyernong Hapon at Ministry of Finance upang talakayin ang mga lokal na isyung dulot ng proyektong pinondohan ng JBIC.

Ang FoE ay may mga ugnayan sa 70 bansang nagbabantay sa mga isyung pangkapaligiran. Ang FoE-Philippines ay nakatutok sa mga usapin ng Indigenous People sa Mindanao samantalang ang Legal and Natural Resource Center (LNRC), kaalyado nitong grupo ang tumitingin sa mga legal na usapin kaugnay ng San Roque Dam.

Hindi na umano umaasa ang TIMMAWA na matutugunan ng ‘nagbibingi-bingihang’ mga kinatawan ng SRPC at NPC ang kanilang mga panawagan sapagkat makailang-ulit nang nagsagawa ang dalawang grupo ng konsultasyon ngunit wala umanong nangyari. Sa kabila nito’y patuloy nilang igigiit ang panawagan sa kumpensasyon at pagpapahinto sa operasyon ng dam. Ang validation ay maaaring pakana lamang ng SRPC at NPC upang lituhin umano ang mamamayan.

Samantala, hindi nakapagbigay ng pahayag ang mga kinatawan ng SRPC at NPC dahil pinili nitong ‘tumalikod’ sa naganap na pag-uusap sa pagitan ng JBIC at mga militanteng grupo.# Jong de la Cruz para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next