NORDIS WEEKLY
October 10, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

JBIC, sinisingil na ng Pangasinan

SAN MANUEL, Pangasinan (Okt.8) — Panahon na upang singilin ang mga pananagutan sa taumbayan ang Japan Bank for International Cooperation (JBIC), ang international credit institution na nagpautang sa San Roque Power Corporation (SRPC) at National Power Corporation (NPC) ng halagang $1.19 bilyon upang maitayo ang kontrobersyal na San Roque Multi-Purpose Dam Project.

Mariing ipinunto ang pahayag ng mga militanteng grupong humarap sa dapat sana’y konsultasyon sa pagitan ng JBIC at apektadong komunidad sa pangunguna ng Tignay dagiti Mannalon a Mangwaya-waya ito Agno (TIMMAWA) noong Oktubre 6 sa opisina ng SRPC.

Noong Oktubre 5, naghaharap ang mga kinatawan ng NPC, SRPC at may 200 kasapi ng TIMMAWA kasama ang kaalyadong grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pangasinan at Task Force Anti-San Roque Dam-UP-Diliman at binigyang-diin na dapat nang saluhin ng JBIC ng mga reklamong matagal nang inihaharap sa NPC at SRPC.

Itinanggi naman ng mga kinatawan ng Environmental Monitoring Team ng JBIC na dapat silang sumagot sa mga ibinatong reklamo ng mga mamamayan sapagkat ang konsultasyon ay dapat na maganap sa pagitan ng mga proponent at sa komunidad. ‘Observer’ lamang umano ang grupo sa naturang konsultasyon. Ngunit sa bandang huli ay napilitang dinggin ng mga ito ang mga petisyon ng mamamayan kahit pa agad na umalis sa naturang konsultasyon ang mga kinatawan ng SRPC at NPC.

Validation

Bago pa man ang konsultasyon, nagpulong noong Setyembre 5 ang TIMMAWA, JBIC, SRPC, NPC at lokal na pamahalaan ng San Nicolas hinggil sa isinasagawang validation sa mga karapat-dapat na mabigyan ng kumpensasyon para sa mga nawalan ng kabuhayan sa “pagsasayyo” (gold panning).

Setyembre pa nagsimula ang validation ngunit sa naturang pulong lamang inalam ng magkabilang panig kung paano umuusad ito. Inireklamo ng TIMMAWA na halos hindi makasagot sa mga tanong na inihanda ng NPC ang mga mamamayan sapagkat hindi umano angkop sa naabot nilang edukasyon. Ayon kay Jose Doton, tagapangulo ng TIMMAWA, “Mahirap sagutin ang mga tanong, lalo kung elementarya lamang ang inabot ng karamihan dito. Baka balang araw, ito pa ang magamit laban sa amin upang hindi kami kilalanin bilang mga tunay na gold panner” .

Hindi umano ito ang makakapagpatibay kung tunay ngang magsasayyo ang isang apektadong residente. Ang higit na batayan, ayon kay Doton ay pagkakilanlan ng bawat isang myembro na makakapagtukoy sa karapatan nilang mabigyan ng kumpensasyon.

Umaga pa lamang ng Setyembre 6 napagkaisahan ng TIMMAWA na umatras sa isinasagawang validation. Iminungkahi ng mga ito sa konsultasyon na kilalanin ang listahang pinagtibay ng TIMMAWA bilang mga tunay at dapat na magawaran ng kumpensasyon. # Jong de la Cruz para sa Nordis

ITUTULOY SA ISANG LINGGO


Home | Back to top

Previous | Next