Select Page

Walang Jueteng sa Bicol kung Walang Sabwatan
February 08, 2026
2 MIN READ

By ARTEMIO DUMLAO
www.nordis.net

Hindi na dapat ikagulat ang muling paglaganap ng jueteng sa Albay at iba pang bahagi ng Bicol. 

Ang dapat ikagalit ng sambayanan ay ang malinaw na katotohanang ito’y nagaganap sa harap ng mga may kapangyarihan — at dahil sa kanilang kapabayaan, katahimikan, o tahasang pakikipagsabwatan.

Ang jueteng ay hindi muling nabuhay dahil sa galing ng mga operator kundi dahil pinabayaan itong mabuhay. Walang iligal na sugal na tumatagal nang dekada kung walang proteksyon mula sa mga opisyal ng gobyerno at hanay ng kapulisan.

Kung may jueteng sa isang bayan, may pumalyang alkalde. Kung laganap ito sa isang lalawigan, may pananagutan ang gobernador. At kung kumakalat ito sa buong rehiyon, tahimik o inutil ang pambansang pamahalaan.

Taun-taon, paulit-ulit ang eksena: may raid, may hulihan, may press release. Nahuhuli ang mga kubrador, kinukumpiska ang ilang libong piso, at pagkatapos — balik-operasyon. 

Ngunit walang nababago dahil maling tao ang pinapanagot. Ang maliliit ay pinaparusahan habang ang mga padrino, pulitikong protector, at tiwaling opisyal ay nananatiling hindi man lang nasisilip.

Nasaan ang DILG? Nasaan ang liderato ng PNP? Nasaan ang Malacañang kapag ang batas ay hayagang binabalewala sa mga probinsya? 

Hindi sapat ang retorika tungkol sa “rule of law” kung hindi kayang durugin ang isang lantad at matagal nang iligal na operasyon. Kung hindi kayang sugpuin ang jueteng, paano pa aasahan ang pamahalaan na labanan ang mas malalaking krimen?

Ang jueteng ay salamin ng bulok na sistema — sistemang pumapabor sa konektado at walang awa sa karaniwang mamamayan. Habang ang mahihirap ay kinakaltasan ng ilegal na taya, ang tiwala ng publiko sa pamahalaan ay unti-unting nauubos.

Hindi kailangan ng panibagong task force. Ang kailangan ay tunay na paniningil: sibakin ang mga opisyal na bigong pigilan ito, imbestigahan ang mga pulis na nagbubulag-bulagan, at pangalanan ang mga pulitikong nagiging protektor. 

Hangga’t walang natitinag sa itaas, mananatiling buhay ang jueteng sa ibaba.At bawat araw na pinipiling manahimik ang may awtoridad, ang mensaheng nakakarating sa taumbayan ay— ang batas ay opsyonal sa maliliit kumpara sa makapangyarihan.#nordis.net

Editor’s note: The opinions expressed do not reflect the views or positions of Nordis. They are published to encourage open dialogue and diverse perspectives. Nordis reserves the right to edit for clarity and length, but the opinions remain solely those of the author.

Concerned about the big businesses. What about the people? 

2 MIN READThese “businesses” that are actually losing millions of pesos are the big hotels and event venues, like the five-star Baguio Country Club. Maybe the big restaurant chains are also losing profits due to the declining number of tourists with purchasing power.

Share This
Verified by MonsterInsights