< 1 MIN READ
By ARTEMIO DUMLAO
www.nordis.net
Laging bukambibig ng mga pulitiko tuwing halalan na lalabanan nila ang korapsyon.
Totoo, malaki ang epekto ng korapsyon sa pagkaantala ng pag-unlad ng Pilipinas. Ngunit hindi lang ito ang dahilan kung bakit tayo naghihirap.
Ang kahirapan sa bansa ay hindi simpleng usapin ng ninakaw na pondo.
Malalim at matagal na ang mga ugat nito na nagsimula pa noong panahon ng kolonyalismo.
Hanggang ngayon, iilan lang ang may hawak ng malalawak na lupa habang ang mga magsasaka ay nananatiling walang sariling lupa.
May problema rin sa edukasyon. Hindi pantay ang kalidad ng pagtuturo sa mga probinsya kumpara sa siyudad. Sa ganitong sistema, paano makakaahon ang mahihirap?
Dagdag pa ang patronage politics at mga political dynasty. Kapag iisang pamilya lang ang may kapangyarihan, paano uusad ang bansa? Maraming proyekto at polisiya ang naaantala dahil sa pansariling interes.
At huwag kalimutan ang mga kalamidad. Bawat taon, sinisira ng bagyo at lindol ang mga komunidad. Higit na naaapektuhan ng mga kalamidad ang mga nagdarahop, na lalo pang ikinababa ng kanilang kabuhayan.
Dapat labanan ang korapsyon, ngunit hindi ito sapat. Kailangan ding ayusin ang sistemang pumapabor sa mayaman at makapangyarihan.
Kailangan ng reporma sa lupa, edukasyon, kalusugan, at imprastruktura.
Kailangan ng tunay na lider—hindi artista o anak ng politiko.Ang korapsyon ay nagpapalala sa kahirapan, ngunit hindi ito ang nag-iisang dahilan.
Hangga’t hindi natin kinikilala ang kabuuang larawan, mananatili tayong paikot-ikot sa parehong problema.#nordis.net
Editor’s note: The opinions expressed do not reflect the views or positions of Nordis. They are published to encourage open dialogue and diverse perspectives. Nordis reserves the right to edit for clarity and length, but the opinions remain solely those of the author.