4 MIN READNg ALLIANCE OF CONCERNED TEACHERS — CAGAYAN VALLEY
March 16, 2015
Naisabatas at ipinatupad ang Kindergarten to 12 years of basic education o K-12 sa panahon ng Pangulong BS Aquino III. Layon ng K-12 na makasabay ang edukasyon ng Pilipinas sa global standard. Ayon sa DepEd, ang pagbabago ng kurikulum ang solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
Magdadagdag ng dalawang taon para sa basic education kaya ga-graduate ang unang batch ng Senior High School sa taong 2018. Dahil dito, inaasahang tataas ang drop-out rate sa mga Higher Education Institutions (HEI) hanggang 2022. Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), maaaring mawalan ng trabaho ang halos 78,318 na teaching and non-teaching staff sa public at private HEI pagdating ng 2016, sa full implementation ng K-12. Mas mababa ito sa tantiya ng GMA News Online na 86,001. Unang maaapektuhan ang mga nagtuturo ng General Education at lalung-lalo na ang mga faculty na ang istatus ay kontraktwal, kaswal, o job order.
Sa kaso ng Cagayan State University, maaaring mawalan ng trabaho ang 798 na kontraktwal, casual at job order na faculty at staff. Nababahala naman ang faculty ng Isabela State University dahil ang pinakamarami sa kanila ay mga kontraktwal. Ang iskema sa maraming mga State Universities and Colleges (SUCs) ay renewal lamang ng temporary appointment. Humihingi ang CHED ng P29 Billion transition fund. Mula dito, P14 Billion daw ang gagamitin upang sahuran ang mga retrenched and displaced teaching and non-teaching personnel na permanente ang istatus sa mga SUCs. Paano na ang mga hindi permanente ang posisyon?
Isa pang kailangang siyasatin ay ang kahandaan mismo ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng K-12. Hanggang ngayon ay pinupunan palang ang mga kulang noong 2010 pa na pasilidad, guro, at textbooks. Hindi pa naidedeliver ang mga modyul na kailangan ng mga guro sa pagtuturo kaya nagmumula na lamang sa kanilang mga bulsa ang pagpapa-reproduce ng mga ito. Ang iba ay wala pang training, kurikulum at course outline na susundan.
Maliban dito, maraming mga Kinder Volunteer Teachers (KVT) ang hindi pa nare-regularize kaya nagtitiis parin sila sa P3000-P6000 na sahod kada buwan. Ilang mga High School pa lamang sa mga probinsya dito sa rehiyon ang nagpahayag ng kanilang kahandaan na tumanggap ng SHS. Ang sabi ng DepEd, makikipag-ugnayan sila sa CHED, TESDA, at mga pribadong paaralan upang magamit ang kanilang mga pasilidad. Kung gayon, anong kalidad ng edukasyon ang inaaasahan ng ating mga kabataan sa ganitong kalagayan?
Ang K-12 ay magdadagdag ng dalawang taon na pagpapa-aral ng mga magulang sa kanilang mga anak. Katumbas ito ng dalawang taon na gastusin ng mga magulang para sa edukasyon. Ayon sa Ibon, isang independyenteng research institution, 66 milyong Pilipino ang nabubuhay sa P125/araw. Limampu’t anim na milyon naman ang nabubuhay sa P100/araw. Noong huling kuwarto ng 2014, tumaas ng 27% ang unemployment rate na katumbas ng 12.4 milyon.
Sa huling 10 taon, P10 lang ang itinaas sa sahod ng mga manggagawa, samantalang sumisirit ang presyo ng mga bilihin. Kung sa mga magsasaka dito sa rehiyon, nagtatanim lamang sila upang makabayad ng utang, kaya halos wala na silang kinikita. Pinalala pa nito ang kawalan ng sariling lupang kanilang sinasaka. Para sa isang magulang na ganito ang kalagayan ng kanilang kabuhayan, dagdag pahirap ang K-12. Mas maraming kabataan ang mailalayo sa edukasyon, at mawawalan ng pag-asa, tulad na lamang nina Kristel Tejada ng UP Manila at Rosanna Sanfuego ng Cagayan State University na piniling magpakamatay dahil sa hindi makabayad ng edukasyon.
Ipinagmamalaki ng Gubyernong BS Aquino na ang K-12 ay magiging sapat upang maihanda ang mga estudyante sa pagtatrabaho. Anong trabaho ang naghihintay para sa ating mga kabataan kung ngayon pa lamang ay tumataas na ang bilang ng kawalan ng trabaho? Noong huling kwarto ng 2014 umaabot na 12.4 Milyon ang mga Pilipinong walang trabaho. Tumaas ito ng 27% mula sa 22.9% ng taon ding iyon.
Ngayong 2015, umaabot na sa 665,000 ang walang trabahong mga gradweyt ng kolehiyo. Walang mga batayang industriya na naitatayo dito sa Pilipinas at nang-aakit na lamang tayo ng dayuhang pamumuhunan. Ang isang paraan upang makaakit ng mamumuhunan ay ang murang lakas-paggawa. Sa K-12, mas dadami pa ang surplus ng kabataan na mga skilled workers na pagmumulan ng murang lakas-paggawa. At dahil hindi sapat ang empleyo dito sa Pilipinas, itinutulak at ipinagpapatuloy ng gubyernong BS Aquino ang Labor Export Policy o polisiyang pagtutulak sa mga manggagawang Pilipino na mangibang-bansa. Kung gayon, kanino tunay na nagsisilbi ang K-12?
Hindi ang pagpapalit ng kurikulum ang magreresolba sa problema ng edukasyon sa Pilipinas tulad ng sinasabi ni Pangulong BS Aquino. Sa loob ng limang taon niyang panunungkulan, lalong lumala ang krisis sa edukasyon. Hahayaan ba nating magpatuloy pa ito? Kung ang layunin ng gubyerno ay mapabuti ang edukasyon at pamumumuhay ng mamamamayan, kinakailangang ibasura ang K-12 dahil ito ay kontra-mamamayan at makadayuhan.
Tugunan muna ang mga pangunahing pangangailangan. Paunlarin ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon upang makalikha ng trabaho at kabuhayan para sa mamamayan. Sa kagyat, ipatupad ang 6% mula sa Gross Domestic Product (GDP) na badyet para sa edukasyon.
Tugunan ang mga kakulangan ng DepEd sa guro, klasrum, libro, at iba pa. Ganun din sa mga SUCs. Itigil ang iskemang kontraktwalisasyon sa mga guro at itaas sa sapat ang sahod ng mga guro at kawani. Higit sa lahat kailangang managot ng Pangulong BS Aquino sa kanyang kapabayaan sa edukasyon, sa kabataan, at sa mamamayan.
Ibasura ang K-12 ni BS Aquino!
Itaas sa sapat ang badyet sa edukasyon!
Ipaglaban ang disente at nakabubuhay na sahod! # nordis.net