Select Page

Minahan sa kamay ng dayuhan
FEATURE| February 24, 2013
5 MIN READ

Ni ANNALYN REBECCA M. EISMA / OUTCROP

Ang Pilipinas ay kilala sa estratehikal na lokasyon at yamang likas nitong tubig, lupa, at mineral. Hindi maikakaila na ito ang pangunahin na dahilan kung bakit tayo sinakop ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapones.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagdagsa ng mga dayuhan sa layuning pakinabangan ang yaman na dapat ang bayan natin ang siyang nakikinabang. Ito ang rason kung bakit hindi tayo binibitiwan ng Amerika at pinananatiling mala-kolonya nito.

Maliit at mabuway ang ekonomiya ng Pilipinas, hindi nito pinag-uukulan ng prayori-dad ang mga kagamitan upang malinang ang mga yamang taglay nito at ito ang sina-samantala ng mga dayuhang may kapital, kapalit ng kaka-rampot na barya o kung tawagin ng nakararami ay ‘consuelo de bobo’. Kabilang pa sa mga pribelehiyo ng mga dayuhang minahan ang pagkakaroon ng holiday tax exemption at iba pang kaluwagan sa kanilang operasyong magmina na nag-eengganyo sa mga dayuhang kumpanya, ayon sa Kalikasan Party-list.

“Ang kasalukuyang mga palisiya [ng Pilipinas] ay anti-industriyalisasyon, sapagkat pinanatili ang bansa na maging exporter ng hilaw na mga materyales at importer ng yaring mga produkto. Matutugunan ng kasalukuyang direksiyon ang pangangailangan ng pandaig-digang merkado at hindi ng lokal na pangangailangan para sa lokal na pag-unlad,” pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan sa nakaraang 3rd People’s Mining conference na ginanap sa Tagaytay City noong Marso.

Abusadong Pagmimina

Ang pagmimina ay matagal nang ginagawa ng ating mga ninuno: pagbibistay sa Gitnang Luzon at panag-abukay kung sa Kordilyera. Ang tradisyunal na pagmimina ay ang paghahanap ng ginto na pinahihintulutan ng komunidad, pagbababad sa tubig para maihiwalay ang lupa sa gold ore at pagbababad muli para maihiwalay ang ore sa ginto. Malayo kung ikukumpara sa pinapalaganap na large-scale capitalist mining na walang habas na pagyurak sa kalikasan, hindi pinapahintulutan ng mamamayan at kinakamal ng mga dayuhan ang ganansya.

Ang rehiyon ng Kordilyera ay isa sa may pinakamaraming reserbang mineral sa bansa, 18 porsyento ng yamang mineral ng Asya, at isa sa may pinakamaraming dayuhang minahan na tinatayang aabot sa 200 operasyon. Ang iba ay may 100 taon na ang operasyon tulad ng Benguet Corporation mula pa 1903. Subalit, nananatili ang Kordilyera na isa sa mga pinakamahihirap na rehiyon sa Pilipinas.

Sa pagpasok na lang halimbawa ng Lepanto Consolidated Mining Company noong 1936 sa Mankayan, Benguet–puno ng pangako ng pag-unlad ang eksplorasyon: sementa-dong kalsada, kuryente, trabaho, at paglalapit ng mga serbisyong panlipunan.

Ang trabaho ay ekslusibo sa mga skilled na enhinyero, ang mga manggagawa ay hindi binigyan ng sapat na sahod, at hanggang ngayon, hindi pa nababayaran ang mga ipi-nangakong benepisyo ng naturang kumpanya. Ang mga bahay na inalis sa kinatitirikan nito ay hindi binigyan ng sapat na kompensasyon gaya ng napagkasunduan.

Ayon sa Ibon Foundation, isang grupo ng mga mana-naliksik, may 15 beses mas maraming Pilipinong nagta-trabaho bilang kasambahay kaysa nagtatrabaho sa indus-triya ng pagmimina. May 1.95 milyong kasambahay sa bansa (5.2% ng kabuuang bilang ng kabuuang empleyo), maliban pa sa may 1.3 milyon sa ibang bansa. Ikumpara ito sa 211,000 (.6% ng kabuuang empleyo) lamang sa pagmimina. Sa ekonomiya, taong 2007 naitala ang pinakamataas na kontri-busyon ng pagmimina sa bansa na umabot lamang sa 1.4% ng Gross Domestic Product ng bansa, ayon mismo sa datos ng Mines and Geosciences Bureau o MGB.

Butas na Batas

Taong 1995, naisabatas ang Philippine Mining Act of 1995 na sa esensya ay higit na pagbubuyangyang ng likas na yaman ng Pilipinas sa mga dayuhan dulot ng mga neo-liberal na palisiya tulad ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon na pawang nagbibigay daan sa pakinabang ng iilang may kapangyarihan sa ngalan ng tubo sa negosyo.

Ibinibigay nito ang karapatan sa mga dayuhang gahaman sa pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan ang walang habas na pananamantala sa ating kalikasan, hindi namo-monitor kung ang mga paraan nga ba ng malalaking kapi-talistang korporasyon ay “Best Practices in environmental management committed to reducing the impacts of mining while efficiently and effectively protecting the environment” gaya ng nasasaad sa Mining Act of 1995.

Ipinagkakaloob rin ng batas na ito ang 100 bahagdang pagmamay-ari sa malalaking dayuhang kapitalistang kum-panya para samsamin ang lahat ng mahihita nila sa ating likas na yaman-lupa, tubig, at mineral. Sa ganitong balangkas, mas higit na nawawalan di lamang ng likas na yaman na hindi na maibabalik, kundi maging soberanya ang Pilipinas na gamitin ang sariling likas na yaman.

“Nagkakaroon ng mahigpit na polisiya sa pagmimina ang ibang mga bansa upang tiyakin ang pakinabang mula sa pag-mimina ng lokal na industriya, samantalang ang Pilipinas ay higit pang ibinubuyangyang ang bansa para sa dayuhang kompanya imbes na pakina-bangan at magamit ang mga mineral para sa pambansang industriyalisasyon,” paliwanag ni Sonny Africa, Research Head ng Ibon Foundation sa naturang kumperensiya sa pagmimina nitong Marso.

Dagdag pa rito, ang mga aplikasyon para sa pagmimina ay sumasaklaw sa halos 60 bahag-dan ng lupang ninuno, kung kaya’t ilang daang libong katutubo ang nawawalan ng tirahan sa bawat pag-apruba ng aplikasyon sa pagmimina. Ito ang ligalig na dulot ng batas na dapat ay nagpoprotekta sa mga Pilipino, ngunit nakaangkla sa interes ng mga dayuhan.

Pinsala sa kalikasan, mamamayan

Habang patuloy ang mga nakamamatay na kalamidad tulad ng matinding pagbaha at landslide na naganap sa Cagayan De Oro City at Iligan City sa Mindanao na kumitil ng libong buhay, tila nananatili pa ring bulag ang rehimeng US-Aquino 2 sa panganib ng LSCM sa bansa sa pagbebenta ng lupang hindi niya pagmamay-ari.

Sa Bikol, may naitalang kaso ng sakit sa Rapu-Rapu kung saan nagkakasakit at namamatay hindi lamang mga isda kundi pati ang mga mamamayan dahil sa taas ng mercury content sa lugar dulot ng pagmimina.

Isang malupit na singil ng kalikasan ang paglubog ng isang pampublikong paaralan sa Lepanto, Mankayan kung saan natuklasan ng MGB na maaaring lumubog ang buong komunidad sa loob ng dalawampung taon dahil sa unti-unting pagka-hungkag ng pundasyon nito. Ang isinagot ng inampalang korporasyon na responsable: talagang sinking area ang lugar at walang kinalaman ang minahan, ngunit hindi ganito ang resulta ng pag-aaral ng mga iskolar at ng MGB. Hanggang sa ngayon, nananatiling bingi ang korporasyon sa singil ng taumbayan.

Subalit ang higit na masakit ay ang pagpatay sa mga indibidwal na nagtataguyod ng maka-kalikasang adbokasiya at lumalaban upang ilantad ang mapaminsalang pagmimina tulad nina Dr. Gerry Ortega, Dr. Leonard Co at iba pa na nagbuwis ng buhay kung saan karamihan sa mga suspek ay militar o may katungkulan sa gubyerno.

Ayon sa Kalikasan PNE, walong environmentalists ang namatay ng may kinalaman sa laban sa minahan mula Nobyembre 2010 hanggang Oktubre 2011. Samantala, libu-libong katutubo rin ang napapaalis sa kanilang lupaing ninuno tulad ng mga Ibaloi sa Benguet, Ifontok sa Mountain Province, Mangyan sa Mindoro at Manobo sa Andap dahil sa pagmimina at operasyong militar.

Pagsulong at Paglaban

Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 400 na FTAA at eksplorasyon ang nakaambang magpatuloy kung hindi masigasig na aaksyunan ng mamamayan. Ang pagmimina ay esensyal sa pag-unlad ng isang bansa. Subalit laging tanong kung aling bansa ba talaga ang nakikinabang sa paghuhukay ng yamang hindi na kailanman maibabalik sa kalikasan at mamamayan.

Habang patuloy ang pagkaganid ng mga dayuhan at nasa kapangyarihan sa likas na yaman ng bansa gamit ang mga batas upang gawing ‘legal’ ang pag-angkin sa yaman ng lupa, nanatiling hindi magpapalinlang ang mamamayang ramdam ang kamatayang dulot na ng kasakiman. Kailangan ang tuluy-tuloy na pagsuporta sa mga kilos-protesta, pagpepetisyon at mariing pagtutol rito ng masang inaapi kaagapay ang mga kabataan, propesyunal, alagad ng simbahan at lahat ng nagpapahalaga sa kalikasan, pambansang industriyalisasyon at soberanya ng Pilipinas. # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights