Select Page

Youth Speak: Pilipinas, kailan ka aasenso?

3 MIN READ

By MARISA S. GALUT, ROBERT A. PAMBID, PRINCESS A. TEJARES

Ang ekonomya ng ating bansa ay sadyang mahirap ipaliwanag. Sinasabi ng pamahalaan na ang ekonomya ng ating bansa ay umuunlad. Ayon sa Administrasyong Arroyo, ang implementasyon ng Revised Value Added Tax (RVAT) ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-unlad ng ating bansa. Patunay rito ang pagbaba ng palitan ng piso sa dolyar, pagkakaroon ng katuparan sa mga proyektong inilulunsad ng pamahalaan at patuloy na pagdagsa ng mga turista sa ating bansa dahil sa mga magagandang tanawin.

Subalit naniniwala kaya ang mga mamamayan ng bansa na umuunlad ang ating ekonomya?

Narito ang mga pahayag o komento ng mga tao na aming nakapanayam hinggil sa estado ng ekonomya ng Pilipinas at ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.

Armando Mabanglo, 47, photographer, Burnham Park, Baguio City: Hindi ako naniniwala na umunlad ang ating bansa dahil patuloy pa ring naghihirap ang mga tao. Dahil sa mga makabagong teknolohiya gaya ng “digital camera” humihina na ang aming kita. Hindi na kami kumikita sa aming trabaho dahil marami na rin kaming photographer na nagkukompetensya.

Paul Calimlim, 19, estudyante, Baguio City: Para sa akin hindi umunlad ang Pilipinas dahil hindi naman lahat ng ipinapangako ng Administrasyong Arroyo ay natutupad gaya ng libreng edukasyon. Naghihirap din ang mga estudyanteng katulad ko dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula taun-taon.

Caleb Bautista, 21, estudyante, Angeles, Pampanga: So far, so good! Sa tingin ko umunlad naman ang ekonomya ng ating bansa sa termino ni Pangulong Gloria. Kaya nga lang, tumataas pa rin ang matrikula pero sabagay natural lang naman ito.

Raymund Calica, 19, estudyante, DMMMSU, La Union: Sa aking pananaw, hindi pa rin umunlad ang ekonomya ng bansa dahil marami pa rin sa mga opisyales ng pamahalaan ang kurakot. Ginagamit nila ang kaban ng gobyerno para sa pansarili nilang interes.

Adora de Leon, 42, accountant, Bulacan: Walang pag-asang umunlad ang ating bansa dahil sa patuloy na pangungurakot ng mga pulitiko. Napupunta lang naman ang pera ng mga tao sa bulsa ng mga pulitiko. Ang kailangan kasi ng ating bansa ay disiplina para kahit papaano ay umunlad ang ekonomya.

Jun Sotto, 39, turista, La Union: Marami pa ring problema ang ating bansa kaya malabo ang pag-unlad. Imbes na umunlad ang ating ekonomya, ito ay papalubog nang papalubog. Puro pangako kasi si Gloria, pero hindi naman niya ito tinutupad, at saka patuloy pa rin ang pagtaas ng mga bilihin.

Jesusa Reyes, 36,maglalako, Burnham Park, Baguio City: Hindi, dahil lalong naghihirap ang mga tao. Konti lang kasi ang nabebenta ko araw-araw at kung hindi ka kakayod ,wala nang pambili ng pagkain para sa aking pamilya. Mas mabuti pa noong panahon ni Marcos dahil mas maganda ang buhay namin. Hindi katulad ngayon.

Elena Lazaro, 31, maglalako, Burnham Park, Baguio City: Hindi ako naniniwala sa sinasabi ni Gloria dahil pahirap nang pahirap pa rin ang buhay. Humihina ang kita ko dahil nagtitipid maging ang mga turista.

Lito Peraja, 40, maglalako, Burnham Park, Baguio City: Dahil sa korupsyon na ginagawa ng ibang pulitiko, ang ating bansa ay hindi pa rin umuunlad. Sa ngayon, dumadalang na ang mga turista rito sa Baguio kaya humihina na rin ang kita namin. Naghihirap ang pamilya ko dahil nga sa kakaunti lang ang kinikita ko.

Alvin Mampao, 32, magaalahas, Burnham Park, Baguio City: Sa aking paniniwala, hindi umunlad ang ekonomya ng Pilipinas. Magulo pa rin ang ating bansa ngayon. Marami sa mga kababayan natin ang naghihirap. Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang mga krimen dahil nga sa kahirapan. Marami ang natututong magnakaw para lang may makain sila sa pang-araw-araw. Marami pa rin ang namamalimos sa daan, mga bata at matatanda na walang tirahan.

Lloyd Mendoza, 22,drayber, Baguio City: Sa tingin ko hindi umunlad ang ekonomya ng ating bansa dahil marami pa ring tao ang naghihirap. Kung makikita ninyo, marami pa rin ang nagugutom; marami pa rin ang walang matirhan dahil sa mga demolisyon na ipinapatupad ng gobyerno; marami pa ring bata ang nasa lansangan imbes na paaralan. Malabo na sigurong umunlad ang ating bansa kung palagi na lang ganito ang nakikita sa paligid natin. Paano na kaya ang mga tao ngayon?

Maricris Acob, 43, guro, Pangasinan: Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng pamahalaan na ang ating bansa ay umunlad kasi talaga namang lumulubog pa rin tayo sa kahirapan. Sana naman ay matigil na ang paglaganap ng korupsyon sa Pilipinas. Tuparin sana ng mga pulitiko ang kanilang mga pangako at sana ay paglingkuran nila nang maayos ang mga mamamayan na bumoto sa kanila lalo na ang mga mahihirap. #

About The Author

northern dispatch

is an online, alternative media outfit reporting events and issues from the people’s perspective in Northern Luzon.

Share This
Verified by MonsterInsights