WOMEN'S
FRONT By
INNABUYOG-GABRIELA |
NORDIS
WEEKLY October 9, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kalagayan ng kababaihan sa kanayunan |
||
Sa okasyon ng World Rural Women’s Day, igiit ang karapatang mabuhay, singilin ang kapabayaan ng gobyerno sa kapakanan ng kababaihan sa kanayunan! Tuwing ika-15 ng Oktubre bawat taon, ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan o “World Rural Women’s Day.” Idineklara ito sa Women’s World Conference na ginanap sa Beijing, China noong 1995 bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga kababaihan sa pag-unlad ng kanayunan. Ayon sa datos na ipinalabas, ang mga kababaihan sa kanayunan ay bumibilang ng 1.6 bilyon sa buong mundo, at lumilikha sila ng mahigit 50 % ng pagkain sa buong mundo. Sa Asia, umaabot sa 60% ng pagkain ng rehiyon ay nililikha ng kababaihan, habang sa kontinente ng Africa, umaabot pa ito ng 80%. Subalit sa kabila nito, nanatiling hindi kinikilala ang kanilang kahalagahan na pinapatunayan ng sumusunod na pandaigdigang datos: ang mga kababaihan ay nagmamay-ari lamang ng 2% ng lupang sinasaka; tumatanggap lamang sila ng 1% ng kabuang pautang sa pagsasaka; at 5% lamang ng mga serbisyo sa pagsasaka ang umaabot sa kanila. Dagdag pa, mahigit 60% ng lahat ng mangmang o mga di nakakasulat at nakakabasa sa mundo ay kababaihan. Sa Pilipinas, makikita rin ang kakulangan sa pagpapahalaga sa kababaihan sa kanayunan. Sa accomplishment report ng Kagawaran ng Repormang Agraryo sa usapin ng pamamahagi ng lupa, umaabot lamang sa 26% ang kabuang naipamahagi sa kababaihan kumpara sa kalalakihan na umaabot sa 74%. Maliit na bilang din ang naeempleo na kababaihan sa agrikultura, na umaabot lamang sa 27% kumpara sa 47% sa kalalakihan noong taong 2000. Sa klasipikasyon pa ng mga nakaempleo, karamihan sa mga kababaihan ay nabibilang sa “unpaid family workers.” Masahol pa, kung makapasok man ang mga kababaihan sa mga trabahong may sahod, kadalasan pa ay mas mababa at di nakakabuhay ng pamilya ang kanilang tinatanggap, at kung ikumpara sa kalalakihan ay mas mababa. Sa kabuan, biktima ang sektor ng pagsasaka sa kapabayaan at pangungurakot ng gobyerno. Sa kasalukuyang gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo, kinurakot niya ang P728M pondo ng Department of Agriculture para sa Ginintuang Masaganang Ani na nakalaan sa pataba at binhi para sa mga magsasaka. Ginamit niya ang pondong ito sa kanyang “presidential campaign” noong 2004. Ginamit itong panuhol sa mga kongresista, mga gobernador at mga mayor upang matiyak ang pagsuporta sa kanya sa panahon ng eleksyon. Di pa nakontento, ibinukas din ng gobyernong Arroyo ang 1-2 milyong ektarya ng lupain sa kanayunan para sa dayuhan at negosyante. Sa kasalukuyan 457,000 ektarya ng lupain na ang inilaan sa Nestle, Dole at San Miguel Corporation. Sinuhayan pa ng Korte Suprema ang programang ito sa pagtitibay ng Philippine Mining Act of 1995, na magbubukas sa malalawak na lupain at kabundukan sa kanayunan sa malawakang eksploytasyon ng mga local at dayuhang mamumuhunan. Bunga rin nito, sinimulan nang ilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang militarisasyon sa kanayunan sa layuning bigyang daan at proteksyunan ang pagpasok ng agribusiness at iba pang mamumuhunan. Sa ngayon, walang habas na pambobomba at operasyong militar ang isinasagawa sa Surigao del Sur, Bukidnon, North Cotabato, Samar-Leyte at maging sa Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera. Resulta nito, napipilitang lumikas ang mga magsasaka at nawawalan ng kabuhayan. Sa lahat ng mga karahasang ito, pinakamatindi ang tama nito sa mga kababaihan at mga bata. Taun- taon mula noong ito ay idineklara, pinangunahan na ng AMIHAN, Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid, ang pagdiriwang sa araw na ito sa ating bansa. Ito ay upang maipakita ang ganitong abang kalagayan ng mga kababaihan sa kanayunan at, mula dito, ay igiit sa gobyerno na bigyan niya ng pagpapahalaga ang mga kababaihan sa kanayunan. # mula sa Amihan |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |