WOMEN'S FRONT By INNABUYOG-GABRIELA
NORDIS WEEKLY
October 2, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

OWWA ibalik sa OFWs

Sa mga Pilipino, ang kapasyahang lumabas ng bansa ay tulak ng kawalan ng oportunidad sa trabaho, kahirapan at mababang sweldo sa Pilipinas. Ang ilan ay nangangarap na sana’y maging masuwerte sa kanyang trabaho, maiwasan ang anumang mga problema at pagmamaltrato o anumang kapahamakan habang nasa dayuhang bayan.

Ayon sa istatistika ng DOLE, mula noong Enero hanggang Hunyo 2005 umaabot sa 270,624 ang lumabas ng bansa para magtrabaho at kalakhan sa kanila ay kababaihang nasa edad 21-35 taong gulang.

Hindi lingid sa lahat ng migranteng Pilipino na sila ay nagbabayad ng US$25 o humigit kumulang sa P1,400 para sa Overseas Worker’s Welfare Assistance (OWWA). Ibig sabihin, ang halagang ito ay bumubuo ng bilyun-bilyong pondo ng OWWA na kung tawagin ay OWWA Trust Fund. At dahil dito, masasabi nating ang OWWA ay hindi maiigang balon ng pondo na siyang dahilan kung bakit hindi tumitigil ang gobyerno sa paghahanap ng paraan para makontrol ito. Sa kasalukuyan umaabot na sa P6 bilyon ang pondong ito at bawat taon ay may halos P1 bilyon pa ang nadadagdag dito.

Ang OWWA ay nabuo sa pamamagitan ng Executive Order at mga batas. Binuo upang pangasiwaaan ang pondo nito mula sa US$25 kontribusyon ng mga OFW’s. Layunin nitong mabigyan ng proteksyon ang interes at kagalingan ng mga OFW’s at kanilang pamilya bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon sa bansa sa pamamagitan ng serbisyong sosyal at serbisyo para sa kagalingan ng mga OFW’s katulad ng insurance, social work assistance, legal assistance, placement assistance, cultural services at remittance services.

Subalit saan nga ba napupunta ang pondo ng OWWA? Totoo nga bang nagagamit ito para sa kapakanan at kagalingan ng kababaihan,migranteng Pilipino at kanilang pamilya?

Si Marie, 35 taong gulang at halos walong taong nagtrabaho sa abroad bilang domestic helper ay napilitang umuwi sa Kordilyera dahil sa sakit na tuberculosis. Ang kanyang bayarin sa gamot ay umaabot ng P2,500 kada araw. Ayon sa OWWA, non-refundable ang naturang gamot dahil di ito sakop ng Philhealth.Makalipas ang ilang araw, napilitan na siyang lumabas sa ospital dahil di na niya matustusan ang gamutan.

Si Tess, may dalawang anak ay napilitang magtrabaho sa Hongkong matapos maigupo ng sakit sa puso ang kanyang asawa at pauwiin ng employer matapos ang dalawang linggong pagkakaospital sa Korea. Dalawang linggo matapos makauwi ng Pilipinas, Nobyembre noong nakaraang taon, nag-aplay ng refund sa OWWApara sa mga nagastos niya sa ospital sa Korea at pagpapatuloy sana ng gamutan ditto. Subalit ayon sa OWWA, hindi na nila ito saklaw dahil naabutan na ng paglipat sa Philhealth ang OWWA Medicare Fund. Hanggang sa kasalukuyan wala pa siyang nakukuha kahit singko sa Philhealth.

Si Wilma, 58 taong gulang, makalipas ang labin-dalawang taong pagtatrabaho bilang domestic helper at care giver sa Hongkong at Singapore ay nagdesisyong manatili na sa Pilipinas at magtayo ng maliit na sari-sari store. Tinangka niyang mag-loan sa OWWA sa pamamagitan ng Livelihood Program, subalit laking dismaya niya ng hingan siya ng tax declaration bilang collateral para masigurong mababayaran niya ang naturang uutangin.

Mas malala pa, sa pamamagitan ng OWWA Omnibus Policies higit pang tinanggalan ng karampatang serbisyo at benepisyo ang mga OFW’s at kanilang pamilya. Tuwiran nitong nilalabag ang mga karapatan at kagalingan ng mga OFW’s at kanilang pamilya.

Iligal na tinanggal ang ilang mayor na programa katulad ng medicare, legal assistance program at buong pakete ng on-site at direktang serbisyo para sa mga OFW’s at mga serbisyo para sa kanilang pamilya. Inilipat din ang Livelihood Program ng OWWA tungo sa National Livelihood Service Fund sa ilalim ng Office of the President. Dagdag pa, na kada kontrata na ang pagiging miyembro sa OWWA. Ibig sabihin,gaano man kahaba ang ipinagtrabaho ng isang OFW sa ibang bansa at sakaling magdesisyon ang isang OFW na manatili na sa Pilipinas upang makasama ang kanyang pamilya ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanyang membership sa OWWA.

Sa pangkahalatan, ang Omnibus Policies ay paglusaw sa nalalabi pang karapatan ng mga migranteng sa kanilang inipong pondo.Dagdag pa,inabswelto rin ng polisiyang ito ang gobyerno sa kanyang tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng migrante at kanilang pamilya at ipinapasa na pangunahin sa mga migrante mismo.

Lulubusin din ang paggamit ng pondo ng OWWA sa iba’t-ibang paraan na walang kinalaman sa kapakanan ng mga migrante at kanilang pamilya.

Dahil dito, ang mga kababaihan, migranteng Pilipino at kanilang pamilya ay nananawagan na ibasura ang Omnibus Policy at ibalik ang katangian ng OWWA bilang quasi-government institution na protektado mula sa pakikialam at pangungulimbat ng mga opisyal ng gobyerno, pulitiko, at iba pang makapangyarihang indibidwal. #


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next