WOMEN'S
FRONT By
INNABUYOG-GABRIELA |
NORDIS
WEEKLY August 14, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kailangan ng pagbabago |
||
SIlang linggo makalipas ang SONA ni Gloria, usap-usapan sa eskwelahan, tindahan, palengke, pagawaan, maging sa umpukan sa kanto ang sistemang parlyamentaryo at pederalismo para raw tuluyang umunlad ang ekonomiya ng bansa at pag-amyenda sa Saligang Batas para makamit ang pagbabago. May maaasahan ba ang mamamayan ng Kordilyera at ang sambayanang Pilipino sa panukalang pagpapalit ng sistema ng gobyerno na pilit isinusubo ni GMA at ng kanyang mga alipores sa kongreso? Malulunasan ba nito ang laganap na kagutuman sa buong Pilipinas? O isa lamang “graceful exit” ni GMA para mapawalang sala ang kanyang mga krimen sa bayan? Ilang kababaihan ang nagbigay ng kanilang pananaw. Ayon kay Aling Susan, 56 taong gulang, isang tindera sa palengke, di mababago ng kahit anong pagpapalit ng sistema ng gobyerno ang kabuhayan nilang mag-anak. Kahit anong gawin ni GMA, di nito maibibigay ang pagkain sa mesa. Patuloy ang mga rali para sa panawagang mapababa siya sa Malacañang. Ayon kay Florence, isang dating OFW, 48 taong gulang, hindi nito mareresolba ang kahirapan bagkus lalo pa itong lalala dahil ang mayayaman pa rin naman ang kokontrol sa pamunuan nito at lalo lang silang maghihirap. Ibayo lamang lalakas ang mga panginoong maylupa dahil sila ang may hawak ng kapangyarihan sa gobyerno. Halimbawa sa Ilocos, mananatili pa ring maghahari ang pamilyang Singson at Marcos. Ayon kay Teresa, estudyante, ang maraming problemang kinakaharap ng mamamayang Pilipino ang nararapat na kagyat bigyang pansin ng gobyerno tulad ng laganap na kawalan ng trabaho, sobrang kahirapan, patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at patuloy na militarisasyon sa kanayunan, kung saan marami ang nagiging biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Ayon kay Aling Inciang, manggagawang bukid, “Hirap na nga tayo ngayon, paano pa kung parlyamentaryo at pederalismo na? Tiyak na mas lalong mahirap yun!” Marami ang naniniwala na hindi malulutas ng agarang pagbabago ng Konstitusyon at sistema ng gobyerno ang mga problemang kinakaharap ng bansa. Ang sistema ng ating gobyerno ay salamin lamang ng umiiral na sistemang pang-ekonomiya na nakabatay sa pagsasamantala ng mga panginoong maylupa na nagmamay-ari ng malalawak na lupain sa mga magsasaka at malalaking negosyante/kapitalista sa mga manggagawa. Hanggat nananatiling kontrolado ng iilang mayayaman ang pulitika at ekonomiya ng bansa, habang ang malaking bilang ng mamamayang Pilipino ay lugmok sa sobrang kahirapan dahil sa kawalan ng hanapbuhay, lupang mabubungkal, kakulangan sa serbisyo publiko, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pa ay ibayong titindi pa ang disgusto ng mamamayan sa bulok, korap, papet at pekeng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Kaya’t dapat na siyang magbitiw sa kanyang pwesto. # |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |