WOMEN'S FRONT By INNABUYOG-GABRIELA
NORDIS WEEKLY
June 12, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Sina Anita, Suzette, Tina at Elyrose: mga migrante

“Ang pangarap natin ay ang pagtatatag ng isang lipunan kung saan hindi sapilitang nagkakahiwa-hiwalay ang mga pamilya dahil sa matinding pangangailangan na mabuhay — isang lipunan na may pantay na oportunidad ang lahat na mabuhay nang disente, matiwasay at marangal.”

Taun-taon tuwing ika-7 ng Hunyo ipinagdiriwang ng ilang ahensya ng gobyernong Arroyo ang anibersaryo ng pagsasabatas ng “1995 Migrant Workers Act” at ang araw ng Migranteng Pilipino. Ngunit mayroon bang dapat ipagdiwang ang migranteng Pilipino at ang kanilang pamilya? Nagbago ba ang kanilang kabuhayan matapos nilang magtrabaho ng ilang taon sa ibang bansa? Kumustahin natin ang ilan sa kanila.

Si Anita, 33 taong gulang, ay mula sa Mt. Province. Mahigit walong taong nagtrabaho sa Hongkong sa kagustuhang maipagawa ang malapit nang magibang bahay. Ayon sa kanya, regular syang nagpapadala ng pera sa kanyang asawa para makaipon ng pampagawa ng kanilang bahay. Subalit ilang taon na, hanggang sa siya ay makauwi, ay wala pa ring bahay na naipagawa. Wala na rin siyang asawang babalikan. Iniwanan nito ang kanilang mga anak at tuluyan nang nakisama sa ibang babae.

Si Suzette ay may asawa at isang anak. Dalawang taon siyang nagtrabaho sa Taiwan. Matapos ang kanyang kontrata, nagdesisyon siyang mag-TNT (o mag-“tago nang tago”) dahil wala pa ring ipon para sa kanyang pamilya. Kapit sa patalim, napilitang mag-asawa muli roon at tuluyang tinalikuran ang pamilya sa Pilipinas na minsang pinangarap niyang maiahon sa kahirapan. Sa kasamaang palad namatay siya sa panganganak sa kanyang ikalawang anak sa Taiwan noong Setyembre 2004. Sa kasalukuyan, hindi pa rin naiuuwi ang kanyang bangkay dahil walang pambayad ang kanyang pamilya sa Ilokos para sa kanyang repatriation. Ayon sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), hindi dokumentadong miyembro si Suzette kaya wala silang magagawa para sa pagpapauwi ng kanyang mga labi.

Si Tina ay ipinakulong ng kanyang amo sa Singapore sa kasong pagnanakaw ng alahas at pera. Anim na buwan siyang nakulong sa kasong hindi naman niya ginawa. Makalipas ang ilang buwang pagkakakulong nakabalik na siya sa Pilipinas. Gayunpaman sa kabila ng naging mapait niyang karanasan sa Singapore nagbabalak na muli siyang magtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa kanya, “Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis kasabay nang di maawat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ng iba pang batayang serbisyo tulad ng kuryente, tubig, matrikula at bayad sa doktor at gamot kung mamalasin kang magkasakit sa panahong ito…mamamatay ka nang dilat ang mga mata, dahil sa gutom dito sa Pilipinas!”

Kaya kahit may konting takot at alinlangan sa dibdib, mangutang man ng patubuan sa kakilala at magbenta muli ng kaunting ari-arian mag-aaplay siya uli sa Taiwan bilang manggagawa sa pabrika.

Si Elyrose ay mula sa lalawigan ng Kalinga. Nagpakamatay daw dahil sa depresyon ayon sa otoridad ng Taiwan. Subalit sa pagsusuri ng medico-legal dito sa Pilipinas, nakitang hiwa-hiwalay ang mga bahagi ng kanyang katawan at nawawala ang lahat ng kanyang “internal organs”. Pagkaubos ng dugo mula sa isang malalim na sugat sa likod ang kanyang ikinamatay.

Sina Tina, Anita,Suzette, Elyrose at daan-libo pang kababaihan ang nagnanais makipagsapalaran sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi para sa sariling kaalwanan, kundi para tumulong sa pamilyang isang kahig isang tuka. Handa silang tiisin ang hirap, lungkot, at among masungit para sa kaunting dolyar na maipadadala sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umaabot sa $6.9 bilyon ang remittance na ipinadadala ng OFWs noon lamang Disyembre 2004 (PDI,12/16/04). Hindi pa kasama rito ang mga padala na hindi dumadaan sa bangko, sa halip pinapadala sa mga kakilalang nagbalikbayan.Tinatayang umaabot mula sa $8 bilyon hanggang $16 bilyong remittance taun-taon ang pumapasok at sumusuhay sa bagsak na ekonomiya ng Pilipinas. Nito lamang nakaraang Enero ipinangako ni Gloria Macapagal Arroyo ang isang milyong dagdag na trabaho sa labas ng bansa. Dagdag pa rito ang pagpasok ng gobyernong Arroyo sa mga kasunduan at patakarang inihahain ng bansang Hongkong, Japan, Taiwan, Saudi Arabia at iba pa, kaugnay ng “wage cut”, “denial of benefits” at iba pang polisiya na tahasang lumalabag sa batayang karapatan ng migranteng Pilipino kapalit ng mas sistematiko at tuloy-tuloy na pagpasok ng dolyar.

Kasabay pa nito ang pagsasabatas ng OWWA Omnibus Policy, kung saan nililigalisa ang pwersahang pagbabayad ng $25 membership fee ng OFW kada kontrata. At ang pagpapasa ng P530 milyong pisong pondo ng OWWA sa Philhealth at P6 bilyong pondo ng OWWA sa Land Bank at Asia Development Bank.

Tinaguriang “bagong bayani” dahil sa malaking ambag nila sa ekonomya ng bansa, subalit nananatiling pipi at bulag ang gobyernong Arroyo sa araw-araw na kaso ng paglabag sa batayang karapatan ng migranteng Pilipino. Ayon kay Allan Ignacio, pinuno ng OWWA repatriation team, mayroon silang naitalang 127 OFWs na namatay sa kanilang trabaho mula Enero hanggang Marso taong kasalukuyan. Dagdag pa ang 1,886 na bumalik ng Pilipinas. Karamihan dito ay kababaihan. Ilan sa mga dahilan ay di pagbabayad ng sweldo, emosyunal at pisikal na pang-aabuso. Araw-araw may anim hanggang sampung bangkay ang iniuuwi sa Pilipinas sa di malamang kadahilanan ng pagkamatay.

Sa ganitong kalagayan, walang dapat ipagdiwang ang mga migrante at ang kanilang pamilya. Habang nananatili ang pagtinging komodipikasyon o lakas paggawang pang-eksport ang malaking bilang ng ating “skilled” na manggagawa at hindi binibigyan ng karampatang solusyon ang ugat ng suliranin ng migranteng Pilipino at ng mas malawak na bilang ng mamamayang Pilipino magpapatuloy ang kwento nina Anita, Tina, Suzette, Elyrose at marami pang bilang ng mga kababaihan ang mababaon sa limot sa kwento ng kasaysayan. #


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next