LETTERS AND STATEMENTS
NORDIS WEEKLY
January 22, 2006
 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Sagot ng kabataan sa hamon ng pekeng pangulo: hindi cha-cha kundi tang(l)o*

Efren Victor Soliman
Spokesperson, YOUTH DARe

January 20, 2006

Dalawa lamang ang tahakin sa bulubundukin ng Cordillera, pababa at paakyat. At hangga’t hindi pa bumababa sa puwesto ang tuko sa palasyo, ang daan-daang anak ni Apo Macliing ay patuloy na susulong upang bawiin ang mga karapatang ninakaw sa mamamayan.

Muli na namang magaganap ang isang historikal na pangyayari katulad ng People Power II. Sa pagkakataong ito, isang kapit-tukong pangulo na hayok at gahaman sa kapangyarihan ang patatalsikin sa pwesto.

Limang taon na ang nakakaraan nang muling maganap ang People Power 2 upang patalsikin ang isang “incompetent at corrupt” na pangulo na si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada. Malaki ang naging partisipasyon ng malawak na hanay ng kabataang Pilipino na nakibahagi sa pag aalsang ito sa pag asang mababago ang sitwasyon ng kabataan at mamamayan sa panibagong administrasyon. Ngunit nabigo ang kabataan sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ang pangakong binitawan ni Gloria ay hindi lamang napako, trinaydor pa niya ang mga kabataan.

Binugbog ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo ang malawak na hanay ng masa at kabataan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga kontra – mamamayan at kontra – kabataang polisiya. Malaki ang naging epekto sa kabataan ng malakihang pagkaltas sa badyet ng edukasyon. Hindi maampat ang pagsirit ng matrikula dahil simula 1999, 64.16% ang itinaas ng matrikula. Ngayong 2005-2006 academic year, umaabot sa 36.43% ang itinaas ng matrikula sa mga state, colleges and universities. Ang mga ito ay patunay ng pagtalikod niya sa mga pangako niya na magkakaroon ng moratorium sa pagtaas ng matrikula.

Lalong nagpahirap sa malawak na hanay ng masang kabataan ang pagpapataw ng 12% Expanded Value Added Tax na nagbunsod ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Kasabay pa nito ang hindi mapigilang sunud- sunod na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa kawalan ng political will ng administrasyong Arroyo. Ang mga ito rin ang nagbunsod ng pagtanggal sa student discount sa mga pampublikong sasakyan.

Ngayong Pebrero, napipintong kaltasan ng 675 milyong piso ang badyet para sa edukasyon. Taliwas ito sa nakasaad sa konstitusyon na kailangang may pinakamataas na alokasyon ng badyet ang sektor ng edukasyon ngunit nagiging pangatlo na lamang ito sa prayoridad ng administrasyon ni Arroyo. Mas pinapahalagahan ng kasalukuyang administrasyon ang pagbabayad ng panlabas na utang na may pinakamalaking alokasyon ng badyet ng Pilipinas at sinusundan naman ng badyet para sa militar.

Sa mga pribadong institusyong pang-edukasyon ay sunud–sunod naman ang pagtaas ng matrikula at miscellaneous fees. Lalong nagpapahirap sa kabataang Pilipino na makamit ang karapatang makapag–aral. Bukod dito ay patuloy pa rin na umiiral ang kolonyal, komersyalisado, at mapaniil na sistema ng edukasyon sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Hindi na rin nakakapagtaka na sa panukalang Cha-Cha ni Gloria, nais na rin nilang burahin kahit sa konstitusyon ang mahalagang papel ng kabataan sa nation-building. Kung kaya’t magpupursige ang mga kabataan na palaganapin ang kahungkagan ng pakanang cha-cha ng rehimeng US-Arroyo. Ang cha-cha ay maniobra lamang ni Gloria upang makapanatili sa pwesto. Kinakailangan munang mapatalsik sa pwesto si GMA bago simulan ang pagpapanawagan ng pagbabago ng konstitusyon.

Patuloy rin ang pagsupil ng rehimeng US - Arroyo sa mga karapatan ng kabataang Pilipino. Isa na rito ang pagsupil sa mga makabayang organisasyong masa ng kabataan sa mga paaralan. Patuloy rin ang pagpatay, pagdukot, at pananakot sa mga aktibista at lider-kabataan upang pigilan ang mga ito na maglabas ng mga hinaing.

TAMA NA, SOBRA NA, PALITAN NA!! – yan ang patuloy na isinisigaw ng malawak na hanay ng kabataang Pilipino sa administrasyong Arroyo. Hindi titigil ang malawak na hanay ng masa lalung – lalo na ang hanay ng mga kabataan sa pagkalampag sa kasalukuyang rehimen hanggat hindi bumababa sa puwesto si Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi Cha-Cha na urong-sulong ang sagot sa krisis pampulitika na kinakaharap ng sambayanan. Bagkus, naniniwala ang malawak na hanay ng kabataang Cordilleran na ang tanging hakbang patungong pagbabago ay sinisimulan ng pagpapatalsik kay GMA at pagtataguyod ng makabayang konseho (Transition Council) na kung saan ay maisusulong ang mga lehitimong kahilingan at interes, di lamang ng kabataang Pilipino, kundi maging ng iba pang pinagsasamantalahang mga sektor sa lipunan. Para sa tunay na demokrasya at pagkakaisa: TUTULAN ANG CHA-CHA NG TRAPOS!

Pekeng Pangulo, Tanggalin sa pwesto! Pahirap sa masa, patalsikin si Gloria!!! Sigaw ng kabataan, patalsikin si Gloria!!! #
* TANggalin si GLORIA

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next