LETTERS AND STATEMENTS
NORDIS WEEKLY
August 7, 2005
 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Reaksyon ng mga Iskolar ng Bayan sa aroganteng pahayag ng DOJ

Ni Eddie Mancila
Spokesperson
Student Christian Movement of the Philippines-Metro Baguio

August 4, 2005

Noong nakaraang linggo, matatandaan nating nagpahayag ang kalihim ng Department of Justice (DOJ), si Raul Gonzales, na kailangan nang palitan ng mga State Universities & Colleges (SUCs), lalung-lalo na ang Unibersidad ng Pilipinas, ang kanilang mga Charter sa kadahilanang ang mga ito ay isa sa mga nasa unahan ng “anti-gubyerno” at anti-Gloriang kilusan. Dagdag pa ni Gonzales na pondo ng gubyerno ang nagpapatakbo sa mga SUCs kung kaya’t hindi dapat nilalabanan ng mga SUCs ang gubyerno.

Kitang-kita ang kawalang-hustisya sa mga pangungusap ng mismong kalihim ng DOJ at numero-unong tagapagtanggol ni Gloria Arroyo. Ang mga hindi pinag-isipan at aroganteng pahayag ni Gonzales ay mas lalong maglulubog sa administrasyong pinaglilingkuran nito at mas lalong magpapaalab ng miltanteng tradisyon ng mga iskolar ng bayan, sampu ng mga makabayang kawani at guro ng mga SUCs.

Ating matatandaan na noong dekada 60 ay binasag ng mga bago at kritikal na estudyante ng UP ang tradisyunal na kaisipan sa scholarship: na ang iskolar ay pasibong tagasunod lamang ng mga proyekto at naisin ng mga nagpapaaral sa kanya. Ang kaisipang ito ay hinulma ng mahabang panahon mula pa noong panahon ng mga mananakop na imperyalistang Amerikano. Ang mga pensyonados ay mga matatalinong Pilipinong kabataan na pinag-aral ng US sa Amerika upang pag-aralan, gamayin at gayahin ang sistemang pampulitika, pang-ekonomya, at kaisipang burges-Amerikano at kinalauna’y magiging lokal na katuwang ng mga Amerikano sa pagsasamantala, pang-aapi at panloloko sa sambayanang Pilipino. Ang kaisipang pensyonado ay nanatili hanggang sa neo-kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas pagkatapos ng bogus na independensyang pinagkaloob nila sa ating bansa noong July 4, 1946. Itinatag din ng mga Amerikano ang UP noong 1908 upang maging daluyan ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Ngunit nang sumiklab ang kilusang pambansa-demokratiko ng kabataan noong 1960’s ay nagkaroon ng bago at radikal na interpretasyon sa scholarship: na ang iskolar ay aktibo at magiting na tagapagtanggol ng karapatan at kagalingan ng mamamayang siyang tunay na nagpapapaaral sa kanya. Ang tungkulin ng mga iskolar ng bayan ay siyentipikong pag-aralan at suriin ang tunay na problema ng lipunang Pilipino at maging aktibong kaparte ng paghahanap at paglalapat ng sulusyon kahit habang tayo ay nag-aaral pa lamang.

Ang walang-kahihiyang pag-agaw ng Malacañang sa pangunahing papel ng mamamayang Pilipino sa pagpapaaral sa mga iskolar ng bayan at pagpapasahod sa mga kawani ng SUCs ay pag-aalipusta sa mga sakripisyo at pasakit ng mga mamamayang nagbababayad ng buwis. Ang pahayag ni Gonzales laban sa mga SUCs ay asal-batang panunumbat at pamumulitika upang isalba ang papalubog na rehimen ni Gloria. Walang moral na batayan ang rehimeng Gloria na manumbat sapagkat mahaba ang listahan ng mga krimen nito laban sa mga iskolar ng bayan at sa taumbayan:

1. Ang malalang sitwasyon ng kurapsyon sa bansa at kawalang-aksyon ng gubyerno ni Gloria ay naglalagay lamang ng buwis ng mamamayan­na nagpapaaral sa mga iskolar ng bayan­ sa bulsa ng mga burukrata-kapitalista. Tinatayang P100 milyon ang nakukurakot sa kabang-bayan kada araw sa Pilipinas.
2. Hindi rin makakalimutan ng sektor ng edukasyon ang walang kapantay na pagkaltas ng gubyerno sa badyet ng edukasyon at badyet ng UP noong nakaraang taon habang umaabot sa 90% ng badyet ng gubyerno ay napupunta lamang sa pambayad-utang sa mga dayuhang ahensya at pagtustos ng badyet-militar na pumapatay sa ating sariling mga kababayan sa kanayunan.
3. Hanggang sa ngayon ay nagbibingi-bingihan pa rin si Gloria sa matagal ng hinihinging P125 na dagdag sahod ng mga pribadong manggagawa kada araw at P3000 na umento sa sahod ng mga kawani ng gubyerno (kasama na rito ang mga kawani ng mga SUCs) kada buwan.
4. Dagdag pa rito ay ang pinakamalalang tantos ng dis-empleyo sa bansa (13.7%) at under-employment (16.9%) ayon na rin mismo sa DOLE.
5. Ang napakalalang paglapastangan sa karapatang-pantao ng AFP, PNP, Cafgu at iba pang mga para-military groups na sumusupil sa mga lehitimong ligal na organisasyong-masa na kritikal sa kabulukan ng gubyerno. Mahigit 30 katao na ang pinaslang na mga sibilyang lider-aktibista ngayong taong ito pa lamang.
6. Panghuli sa napakarami pang dahilan ay ang kawalang-kakayahan ng gubyernong pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at kuryente kahit na lagpas na sa kakayanan ng mamamayan na magbayad.
7. Ngunit sa lahat ng mga nabanggit na mga pahirap na ginawa ni Gloria sa sambayanan ay may mukha pa siyang magpataw ng walong (8) karadagang pahirap na buwis sa mamamayan, kasama na rito ang E-VAT.

Sa ganitong kalagayan ng gubyerno ay hindi makaka-asa si Gonzales at ang amo nitong si Gloria na susuporta ang mga iskolar ng bayan at mga kawani at mga guro ng mga SUCs sa isang gubyerno at pangulong siya mismo ang nagpapahirap at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Lipas na ang bulok na kaisipang pensyonado at nararapat lamang na ipagpapatuloy ng mga iskolar ng bayan ang tradisyong palaban, kritikal at militante. At hinding-hindi kailanman tatalikuran ng mga tunay na iskolar ng bayan ang katapatan nito sa mamamayang tunay na nagpapa-aral sa kanya.

ILANTAD, ITAKWIL, LABANAN AT TULUYANG IHIWALAY ANG REHIMENG US-ARROYO!
ITATAG ANG DEMOKRATIKONG KONSEHO NG MAMAMAYAN!
ISKOLAR NG BAYAN PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN!
#


Home | Back to top

Previous | Next