FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY July 23, 2006 |
|
Previous | Next |
||
GMA, ikaw ang makinig |
||
Bago ang SONA ni GMA sa Hulyo 24 ay isa na namang militanteng aktibista ang pinatay sa Echague, Isabela. Dito rin binaril at napatay ng mga salarin ang anim pang biktima mula noong 2002. Bandang 7:30 ng umaga noong Hulyo 10 nang pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo si Madonna Castillo, 27 sa harap ng Isabela State University. Sa limang balang pinawalan ng mga kriminal, tatlo ang tumama kay Castillo, dalawa sa binti at isa sa tiyan. Sa harap ng kanyang anak, parang kandilang naupos si Castillo. Binawian siya ng buhay bandang 6:30 ng hapon matapos makipagbuno kay kamatayan sa Isabela Provincial Hospital sa Ilagan, Isabela matapos siyang ilipat doon mula Aslicia Isabela. Si Castillo ay pang-anim na militanteng napatay mula 2002 at lahat ng anim na kasong ito ay nangyari sa Echague. Sa kabila ng mga sunud-sunod na pagpatay sa mga kagaya nina Castillo, nananatiling walang nalutas na kaso. Nanatiling walang alam ang kapulisan sa bayan ng Echague at maging sa buong lalawigan ng Isabela. Sa mga nangyayaring ito, bigla akong nagkaroon ng interes na makinig sa SONA ni GMA hindi para palakpakan siya kundi para pakinggan kung ano ang kanyang ipagdadakdak. Gusto kong makinig dahil gusto kong malaman kung isasali ba niya sa kanyang talumpati ang malawakang kagutuman ng nararanasan. Babanggitin niya kaya ang garapalang pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag? May maipagmamalaki ba siyang naresolbang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at ang pagkasunog ng Radyo Cagayano? Gusto kong malaman kung kasali rin sa kanyang speech ang walang tigil na pagpatay sa lahat ng mga kontra sa mga kontra-mamamayan niyang programa. Gayundin, gusto kong malaman kung bakit napakatagal ng pag-rescue ng pamahalaan sa mga kababayan natin sa Middle East. Isasali rin kaya niya sa kanyang speech ang muling pagsulong ng peace process? Kung wala siyang mababanggit kahit isa man lang sa mga inaasahan ko, e ano pa ang kanyang sasabihin? Hindi ko maisip dahil mula nang mapunta sa malakanyang si GMA ay lalong napariwara ang mamamayang Pilipino. Kung noon ay gutom lang ang mga tao, sa administrasyon niya ay gutom na gutom na gutom na gutom na gutom ang mga ito. Kung wala siyang mababanggit, mabuti pang hindi na siya mag SONA dahil ngayon pa lamang ay batid na ng taombayan na puro kasinungalingan lang ang maririnig nila mula sa kanya. Alam na ng mamamayan na muli na naman siyang mangangako — bagay na kinasasawaan na ng mga tao. Isinusuka na ng sambayanang Pilipino ang mga boladas niya. Suggestion ko lang kay GMA: imbes na mag-SONA siya, siya na lang ang pumunta sa mga rally at siya na lang ang makinig. Doon, makikita niya kung gaano siya kaipokrita at kapasista. Doon, baka sakaling maliwanagan pa siya at matanto niyang wala pala siyang karapatang tawaging pangulo. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com Post your comments, reactions to this article |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |