FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
July 16, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Ang mga salarin

Hindi nakuha sa santong dasalan, kinuha sa santong paspasan.

Ang paglusob at pagsunog sa DwRC Radyo Cagayano, sa Baggao, Cagayan ay hindi na bago sa kadahilanang sa mga nagdaang araw ay sunud-sunod ang pagpaslang sa mga mamamahayag na hanggang ngayon ay wala pang nalulutas.

Noong itinatayo pa lamang ang nasabing community station tatlong taon na ang nararaan, ay nakakitaan na ng pagtutol sa panig ng mga naghaharing uri sa pamamagitan ng mga sundalo ng 17th IB na noon ay nakabase sa bayan ng Baggao. Sa katunayan, sa groundbreaking pa lamang ay nauna nang tinaga ang noon ay lider ng mga magsasaka na si Joey Javier. Ang salarin…ang 17th IB dahil ang radyo raw ay pinapatakbo ng Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army.

Wala pa ring hustisyang nakamtan ang biktima sa kabila ng mga malalakas na ebidensiya. Ang mga magsasakang ito ay nakapaloob sa Kagimungan, isang malawak na organisasyon ng mga magsasaka sa buong Cagayan. Ang Kagimungan ang siyang nagpupursigeng maitayo ang Radyo Cagayano sa layuning magkaroon ng boses ang mga magsasaka roon na madalas na hindi napapakinggan ang kanilang boses.

Sa pamamagitan ng pawis, pagod at dugo ng mga magsasaka, naitayo ang Radyo Cagayano at sa mahigit lang dalawang buwang pagsa-sahimpapawid nito ay biglang naalarma ang mga naghaharing uri, dahilan para sunugin nila ang Radyo Cagayano.

Nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso ang mga kagamitang nasunog maliban pa sa personal na kagamitan ng mga staff nito. Kasama ang lahat ng mga cellphones ang nawala dahil ang mga ito ang unang sinamsam ng tinatayang walong kataong sumunog sa istasyon.

Piniringan ang mga mata, iginapos at tinutukan ng baril ang mga staff ng Radyo bago ito sinunog sa gitna ng naglalagablab ding damdamin ng mga staff.

Nakapanghihinayang ang milyong halaga ng mga gamit ngunit mas higit na nakapanghihinayang isipin na ang istasyong sinunog ay mula sa pagod, dugo at pawis ng mamamayan sa komunidad. Ang mga mamamayang umaasang magkakaroon na ng daluyan para sila ay mapakinggan. Ang mga magsasakang umaasang kahit pano ay masasabi na nila sa himpapawid ang totoo nilang kalagayan. Mas nakapanghi-hinayang isipin na sa isang iglap lang ay naging abo lahat ang kanilang pinagpaguran.

Nakapanlulumo ngunit sa panahon ngayong gustong patahimikin ng mga naghaharing uri ang lahat ng mga kumokontra sa isang bulok na lipunan ay walang lugar ang panlulumo. Sinunog man ang Radyo Cagayano, naging abo man ang mga gamit nito pero hindi ang diwang bumubuhay sa kalayaan sa pamamahayag.

Sa pagkakasunog ng Radyo Cagayano, hindi lang ang mga gamit ang sinunog kundi maging ang hirap ng mga magsasakang nagpursigeng maitayo ito. Nagawa ito sa Radyo Cagayano, maaari rin itong gawin sa lahat ng mga media entities na nakakakita kung gaano kabulok ang sistema ng ating lipunan.

Ngayon patunayan ni Gloria Macapagal-Arroyo ang sinsiredad niyang lutasin ang mga kasong kinasasangkutan ng mga mamamahayag. Hindi lang karapatan ng mamamahayag ang sangkot dito kundi pati na rin ang karapatan ng mga mamamayang malaman ang nangyayari sa lipunan.

Gayunpaman, ang mga mamamahayag na nagmamalasakit sa kalayaan sa pamamahayag ay hindi kayang patahimikin ng bala at di pauupos sa kahit gaano kalakas na apoy. Magtatagumpay man silang patahimikin ang aming katawan ngunit hindi ang aming diwa.

Kaisa ako sa mga mamamahayag na bukas sa pagsasabing dapat nang wakasan ang isang administrasyong walang pakialam sa kanyang mamamayan. #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next