FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
May 28, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Baby Mendiola, Ric Balauag: Mga bayani ng CV

Apat na araw matapos unang ilibing si Tita Baby Mendiola (tawag sa kanya) ay inilibing na rin noong Mayo 22 si Ricardo Balauag, 61 asawa ni Mendiola.

Inilibing si Balauag sa tabi mismo ng kinahihimlayan ni Tita Baby.

Umaaasa ang mga kamag-anak ng mga biktima na sana ay matulungan sila ng kahit anong ahensiya ng pamahalaan para sa pagbibigay hustisya sa malagim na sinapit ng kanilang kaanak. Ganunpaman, sa panig naman ng mga kasamahan nina Mendiola at Balauag hindi na sila umaasa pang mareresolba ang kaso ng mag-asawa dahil ayon sa kanila marami nang mga kasamahan nila ang napaslang na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya.

Hindi natin masisisi ang mga progresibong organisasyon. Ilang aktibista na nga ba ang pinaslang? May naresolba na ba? Madali lang sana kung seryoso ang pamahalaan sa pagresolba sa mga kasong ito kaya lang, tama ang mga aktibista sa pagsasabing hindi seryoso ang kasalukuyang administrasyon. Responsibilidad ni GMA bilang commander in chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na utusan ang kanyang alipores para madaliin ang pagresolba dito. Pero gaya nang dapat na asahan, mahirap kalabanin ang sarili. Kapag pinahuli ni GMA ang mga may kagagawan ng mga ito, para na rin niyang pinahina ang kanyang puwersa dahil huwag na tayong magbiruan pa, alam ni GMA kung sino ang mga may kagagawan ng mga ito. Itanong natin kay Director Soriano ng Philippine National Police (PNP) sa Region II.

Ang karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawa ay naganap sa pagitan ng 8:30-9:00 ng gabi. Agad na nagpasaklolo ang bunsong anak ni Mendiola sa PNP Echague pero ayon sa kanya, hindi siya agad na pinaniwalaan ng mga pulis. Umiiyak itong nagmakaawa para saklolohan sila ng mga 10 kapulisan ng Echague. Dumating ang mga pulis bandang alas-onse na ng gabi at doon naabutan nilang nakahandusay ang mga biktima. Sa pangyayaring ito, minsan pang pinatunayan ng kapulisan ang kanilang kainutilan. Sabagay noong una ngang pagtatangka sa buhay ni Tita Baby, di ganu’n din ang reaksyon ni Chief Of Police Amorsolo dela Cruz? Di ba parang wala lang sa kanya ang sumbong ni Mendiola? Hindi agad sila rumesponde. Mahirap nga naman baka magkita-kita sila ng mga kasamahan nila sa pinangyarihan ng insidente. Mahirap nang masira ang plano di ba, mga sir?

Ang mag-asawa ang pangatlo at pang-apat na biktima ng political na pagpatay dito sa Cagayan Valley. Nauna sa kanila sina Warlito Nagasao Bayan Muna coordinator noong panahon na ‘yun ng Echague rin. Siya ay kinidnap at ibinaon ang bangkay sa dalampasigan ng isang ilog sa bayan ng Alfonso Lista, Ifugao noong 2002. Sumunod sa kanya si Jake Soriano isa pang coordinator ng Bayan Muna sa Jones, Isabela. Pinaslang siya noong 2003.

Mula 2001, halos taun-taon ay may pinapatay na aktibista dito sa Cagayan Valley. Sa iba’t-ibang sulok ng bansa, laganap din ang ganitong uri ng pagpatay. Maaari pa itong magtuloy-tuloy kung nananatiling nasa kapangyarihan ang gumawa ng mga ito. Nakakalungot pero ang katotohanan ay naghuhumiyaw. Hindi lumalaganap ang tamang hustisya. Ang mga mamamayahag na pinaslang hanggang ngayon imbes na matigil ang pagpatay ay lalo pang dumarami ang bilang ng mga biktima.

Habang patuloy na tinutuligsa ang napakabulok na gobyerno ay tuloy din ang parang hayop na pagpatay sa mga may lakas ng loob na tumuligsa.

Napakasakit pero naghuhumiyaw ang katotohanan na hindi na ligtas ang isang bansa na pinamumunuan ng isang pekeng presidenteng walang ibang ginawa kundi ang pangalagaan ang kanyang pansariling interes kasama ang kanyang mga alipores habang hindi sila magkandaugaga sa pagsunod sa kanilang dayong amo! #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next