FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
May 14, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Baby Mendiola: ina, martir ng bayan

“Hay naku Miko, kahit ilang bala ang iharang sa akin, di ako natatakot sa kanila! Kahit ano pa ang mangyari, tuloy-tuloy pa rin ako sa paglilingkod sa mamamayan.”

Ang mga ito ang masiglang sagot sa akin ni Gng. Baby Mendiola, Secretary-general ng Bayan Muna-Isabela nang makapanayam ko siya noong March 12 hinggil sa unang tangkang pagpatay sa kanya. Sa mga oras na iyon nakita ko sa kanya ang isang babaeng punong-puno ng prinsipyo at may matatag na paninindigan. Kitang-kita ko sa kanya ang determinadong maglingkod para sa mga sinasabi nilang inaapi at pinagsasamantalahan.

Iyan si Baby Mendiola na di kayang patahimikin ng pananakot, di nagpapigil sa mga harassments para maglingkod sa bayan. Siya si Baby Mendiola na nang dahil sa prinsipyo at paninindigan, pinatahimik ng bala ng baril. Walang-awa siyang pinatay kasama ang kanyang asawang si Ricardo Mendiola noong May 10, 2006 ng gabi.

March 10 noong una siyang pinagtaangkaang patayin. Eksaktong dalawang buwan ang nakalipas. Sinadya man ito o hindi, plinano man ito o hindi, pero iisa ang tiyak: talagang pursigido ang walang-awang kriminal para patayin ang mga katulad ni Baby Mendiola na walang takot sa pagsasabing bulok ang sistema ng gobyerno. Pursigido ang mga nasa likod ng mga planong ito na busalan ang mga umaalingawngaw na boses ng taong bayan sa pagsigaw ng pagpapalayas kay GMA.

Si Baby Mendiola, isang babae ngunit hindi basta babae dahil isa siyang babaeng nagsilbing inspirasyon ng maraming kababaihang pinagsasamantalahan. Isa siyang babaeng naghahangad ng pagpapalaya hindi lamang ng kanyang sarili kungdi ng sangkatauhan!

Si Baby Mendiola, isang ina na may hangaring hubugin hindi lamang ang kanyang pamilya kungdi ang buong lipunan, ay pwersahang itinumba sa pamamagitan ng anim na bala mula sa malalakas na armas.

Higit sa lahat si Baby Mendiola, isang martir ng bayan na walang ibang hinangad kungdi kalayaan ng lahat. Nagtagumpay man ang mga nasa likod ng pagkamatay niya na wakasan ang kanyang buhay, napatumba ang kanyang katawang-lupa pero hindi kailanman ang kanyang mga nasimulan.

Wala na si Baby Mendiola sa mundong ito pero ang kanyang ala-ala ay nananatiling kasama ng mga masang kanyang pinagsilbihan at minsang nakaututang-dila. Ang kanyang hangarin ay nananatiling nasa puso ng bawat indibidwal na may hangaring palayain ang bawat isa mula sa pagsasamantala at pagkaalipin.

Ang mga katulad ni Baby Mendiola ay sinasaluduhan at pinaparangalan. Wala na siya, ngunit ang kanyang mga prinsipyo at paninindigan ay nakapunla na sa puso ng bawat masang nakakaranas ng matinding pagsasamantala. Ito ay uusbong para ipagpatuloy ang mabuting hangaring naumpisahan ni Baby Mendiola.

Sa mga nangyaring ito kay Baby Mendiola, hinahamon natin ang Chief of Police ng Echague na si Amorsolo dela Cruz na dakpin ang mga kriminal. Dapat pumapel din dito si PNP Provincial Director Percival Barba. Mga sir, patunayan n’yong may hustisya dito sa Isabela! O baka naman natutuwa pa kayo dahil wala nang isang Baby Mendiola na kritikal at obhetibong bumabanat sa kainutilan ninyo!

Ikaw AFP Captain Jeorge Domingo, ano ang magagawa mo para sa ikalulutas ng kasong ito? Kung hindi bulag o nagbubulag-bulagan ang mga opisyal na ito, sa palagay ko madaling malutas ang kasong ito. O baka naman kailangan pa nina Captain Domingo, PNP Prov’l Director Barma at COP Dela Cruz ng salamin para makita kung sino ang may kagagawan. Kung ganu’n, humarap lang sila sa salamin at makikita nila kung sino ang salarin! At kailangan nilang humingi ng salamin kay GMA! #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next