FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY May 7, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Demolisyon sa araw ng paggawa |
||
Mayo Uno… habang nakabilad sa matinding sikat ng araw ang humigit-kumulang na 600 raliyista sa Tuguegarao City, ay abala naman ang mga tauhan ni Mayor Bentong Pangilinan ng Angadanan, Isabela sa pag-demolish sa mga bahay ng mamamayan sa Centro I ng naturang bayan. Kasabay ng mga malalakas na tunog sanhi ng paggiba sa mga bahay at sigaw at pagmumura ni mayor Bentong, ang iyak ng mamamayan ay umaalingawngaw sa mga lansangan ng Region 2. Mga sigaw ng paniningil sa gobyerno dahil sa kapabayaan ng administrasyong Arroyo. Noong araw ding ‘yun ay sinimulan nang tambakan ng militaristang mayor ng buhangin ang mga bahay ng mga mamamayang tumututol. Sinimulan ni mayor ang pagpapalayas at pagdemolish sa mga bahay kahit wala silang ipinapakitang court order. Ang masaklap pa rito ay hindi pag-aari ng local na pamahalaan ng Angadanan ang lupa. Wala silang naipakitang papeles sa pagdedemolish ng mga bahay. Umiiyak ang mga tao sa ginawang ito ni Mayor Panganiban kasama ang ilan niyang alipores na Sangguniang Bayan. Mahigit-kumulang na 50 taon nang naninirahan ang mga mamamayan sa naturang lugar. Doon na sila lumaki, nagkaisip at nabuhay. Pinagyaman nila ang nasabing lugar sa kabila ng kakulangan ng suporta ng pamahalaan. Sa lupang iyon din nila natutunang lumaban dahil sa hindi makataong ipinakita ni Mayor Panganiban. Pumunta siya sa lugar at dinuro-duro ang mga tao. Puwersahan niyang pinapalayas ang mga tao. Gawain ba ito ng matinong lider? At sa mga kasama niyang SB particular kay SB Martin Go, matino bang gawain ng isang opisyal na murahin ang mamamayan? Sa ginanap na dialogue mga malulutong na P_T_ NG _NA ang mga namumutawi sa kanyang bibig sabay ng mataas na boses at panduduro sa mga taong tumututol sa proyekto nila. Sabi ng LGU magtatayo raw sila ng palengke kaya dapat lamang na lisanin ng mamamayan ang kanilang mga bahay. Ang apela naman ng mamamayan doon ay bakit wala na bang ibang lugar na pagtayuan ng palengke? Iginiit ng taongbayan ng Angadanan na kailanman ay hindi sila tutol sa development. Ang gusto nila ay kasama sila sa sinasabing development na gustong mangyari ng LGU. Tama ang punto ng mamamayan ng Angadanan. Sa pagpunta natin sa lugar ay nakita natin na hindi lang iyon ang maaaring pagtayuan ng palengke. Nagtataka nga tayo kung bakit sa dinami-rami ng lugar ay doon pa mismo sa kinatatayuan ng bahay ng mga tao roon ang gustong wasakin. Bakit hindi na lang ang dating palengke ang ayusin? Bakit sa mga mismong kabahayan na kung saan ay nandun ang tanging pinagkakakitaan ng taong bayan? At bakit ang lupang iyon ang pinipilit ng LGU samantalang sila mismo ay walang kaukulang papeles? Ang lupang iyon ay hindi pag-aari ng LGU Angadanan. Anong karapatan nilang palayasin ang mamamayan? At anong karapatan ng isang mayor Panganiban na duru-duruin ang mamamayan doon? Si Mayor Panganiban ay isang larawan ng kasalukuyang gobyerno. Ang naranasan ng mamamayan ng Angadanan, Isabela ay naranasan din ng iba pang mamamayang Pilipino. Maaaring sa iba’t-ibang porma nga lang. Katulad din ng mga magsasaka na imbes ibigay sa kanila ang lupa na kanilang pinagyaman sa mahabang panahon ay inaaagaw pa ng malalaking panginoong maylupa at siyempre, kasabwat ang pamahalaan. Sa ganitong punto, para sa mamamayang labis na pinagsasamantalahan, ang paglaban ay hindi na kasali sa kanilang pagpipilian kungdi ito na lang para sa kanila ang natitira nilang gawin para makamit nila ang hustisyang ipinagkait sa kanila sa mahabang panahon. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com Post your comments, reactions to this article |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |