FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
April 16, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Ang bagsik ng militar!

Dukot diyan, pandarahas dito, tortyur dun. Yan ang senaryo ngayon dito sa Cagayan Valley. Ang mga salarin—ang militar at ilang elemento ng Philippine National Police (PNP). At ang biktima—ang mga inosenteng masa.

Nakakaalarma ang sunod-sunod na pagdukot at pagkulong sa mga inosenteng mamamayan dito sa Cagayan Valley. Ang dahilan ay ang luma at gawa-gawang paratang na sila ay mga suporter, kung hindi man ay mga kasapi ng New People’s Army (NPA). Nitong mga nakaraan lamang ay nauna nang kinasuhan ng robbery-in-band ang anim na magsasaka ng Brgy. Caruppian, Baggao, Cagayan. Sumunod ay ang pamamaril at pag-aresto sa dalawang magsasaka ng Sta. Margarita, Baggao, Cagayan sa kasong rebelyon. Nitong huli lamang ay dalawang kabataan naman ang inaresto (Michael Sibbaluca at Reynaldo Penalver) sa Gattaran, Cagayan sa katulad na kaso.

Iginigiit ng militar na kasama ang mga magsasakang naunang kinasuhan sa naganap na raid sa bodega ni Sofronio Calimarin ng Sentro, Baggao at ganun din ang mga magsasaka ng Sta. Margarita. Sinasabing kasama sila sa raid sa istasyon PNP sa Baybayog, Alcala, Cagayan gayundin sa mga kabataan na inaresto sa Gattaran.

Sa kabila ng pag-amin ng New People’s Army (NPA) na sila ang may kagagawan sa mga nasabing raid, tila bingi ang mga militar. Sinasabi sa pahayag ng mga NPA na ang mga nasabing raid ay kasama sa pagpapakita nila ng lakas at ambag na rin sa pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.

Desperado talaga ang militar. Bulag silang sumusunod sa utos ng kanilang amo. Ngunit kahit saang anggulo natin tignan ay hindi kailanman mabibigyan katwiran ang paghuli at pagdampot sa mga inosenteng mamamayan. Ang masakit pa rito ay hindi sila nabigyan ng tamang proseso. Basta na lamang sila ikinulong at hindi rin pinayagan ang media na kausapin sila.

Sir James Melad, PNP Cagayan provincial director, imposibleng hindi mo alam ang mga nangyayaring ito. Sabi ng mga pulis at militar sumusunod lamang daw sila sa mga nakakataas. Ibig bang sabihin sumunod lamang ang mga pulis sa inyo? At ikaw at ang 17th IBPA ay sumusunod lang din ba sa utos ni GMA?

Sana balikan ng mga militar at pulis ang isinasaad ng batas at ng International Humanitarian Law. Ang isang indibidwal na hindi kasali sa armadong paglaban ay hindi dadahasin. Ang mga magsasakang hinuli nila ay hindi kasali sa kahit anong armadong paglaban ngunit itinuring silang mga kriminal.

Sa mga pulis at sundalo, isaalang-alang sana ninyo ang inyong mga sinumpaang tungkulin. Huwag sana kayong maging bulag na tagasunod sa isang peke, korap at sinungaling na pangulo. Hindi ang mga magsasakang ito ang kalaban ninyo dahil tulad nila ay napagsasamantalahan din kayo. Dapat pairalin ang esensiya ng demokrasya. Ang isang tao ay mananatiling inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa batas. Ang mga magsasakang ito ba ay napatunayan nang nagkasala?

Ang matinong pulis at militar ay hindi bulag na tagasunod kundi mulat na tagapagtanggol sa karapatan ng nakararami. Ang matinong pulis at militar ay alam kung sino at kaninong interes ang kanyang sinusunod, para kanino ang pagsunod niya. Para sa mas malawak na bilang o para sa isang pekeng presidente na ang tanging layunin ay ang magtagal sa puwesto?

Uulitin natin, hindi ang magsasaka ang kalaban ng mga pulis at militar. Ang laban ng mga magsasaka ay laban niyo rin.

Maraming buhay na ang nawala. Maraming anak at pamilya na ang naulila, maraming mga magulang ang nawalan ng anak at anak na nawalan ng magulang. Sila ang mga mabubuting anak ng bayan na ang tanging hangad ay palayain ang bawat isa sa pagkakaalipin at kasama kayo dun. Sila ang mga martir dahil sa inyo at sa atin, sila ang namatay sa pamamagitan niyo.#

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next