FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
April 9, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Lumang sayaw sa bagong panahon

Sadyang desperado na ang administrasyong Gloria Macapagal Arroyo (GMA) na manatili sa kanyang puwesto. Ginawa na niya ang lahat ng kanyang nalalamang taktika, malinis man ito o marumi, mapagkunwari man o lantaran. Ang importante sa kanya ay mapangalagaan ang kanyang pansariling interes.

Matagal nang usapin ang hinggil sa charter change (Cha-cha), at sa admininistrasyong GMA, mukhang gagawin niya ang lahat para maisulong ito. Tila ngayon pa lang natapos ang kompletong script para pursigidong isagawa ito. Sa ngayon, ito na lang ang nakikita ni GMA na paraan upang manatili sa pagiging pangulo ng Pilipinas.

Hindi na niya maawat ang mga tao na magtungo sa lansangan. Nahahati na rin ang militar at pulisya. Kung hindi umalma ang sambayanan sa PP1017, malamang hanggang ngayon ay hindi pa niya binawi. Nakita rin niya na walang epekto sa masa ang kanyang pagmamakaawa at paggamit ng mga matatamis na salita.

Mula sa kalunsuran hanggang sa mga kanayunan, tagus-tagos ang pagkadiskontento ng mamamayan kay GMA. Dito sa Cagayan Valley, alam ng mga tao na ang cha-cha ay isa lamang sa mga maniobra ni GMA para lalong pagsamantalahan ang mga mahihirap. Ito ay hindi na bago at hindi nakapagtataka sa isang katulad ni GMA na umaalingasaw ang baho ng kanyang administrasyon.

Hindi nakuha ni GMA ang 100% partisipayon ng mga barangay kapitan para sa pagtatalakay ng cha-cha. May mga barangay kapitan dito sa Cagayan Valley na hindi nagpadala sa pananakot at pera; hindi sila sumunod sa pambansang direktiba na magsagawa ng mga pulong para sa cha-cha.

Hindi cha-cha ang sagot sa kasalukuyang krisis ng ating bayan, at lalong hindi dapat manguna si GMA dito dahil siya mismo ay kuwestiyonable ang kredibilidad. Hindi tayo nakakatiyak na isasantabi niya ang kanyang pansariling kapakanan. Kailangan maging bukas ng mamamayan sa mga pagbabago ngunit hindi dapat hayaan na mga trapo ang manguna dito dahil kasaysayan ang nagsasabi na ang mga trapo ay kontra mamamayan!

Sa ngayon, di natin masisisi ang iba sa pagsasabing wala silang pakialam kung cha-cha o tango man dahil nawawalan sila ng pag-asa sa kasalukuang administrasyon. Sabagay ano pa nga ba naman ang aasahan nila sa ganitong sitwasyon?

Kung sinsero si GMA sa sinasabi niyang pagbabago, hinahamon siya ng taong bayan na magbitiw at saka bubuo ng isang konseho na tiyiyak sa representasyon ng bawat sektor para itayo ang transition council. #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next