FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY March 12, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Biktima ng pagtataksil ni GMA |
||
Iba’t-ibang ekpresyon ang mababakas sa mukha ng mga kababaihang dumalo sa isinagawang paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihang Anakpawis noong ika-8 ng Marso, lungsod ng Tuguegarao. Sa lahat ng mga sumisigaw ay agaw-atensiyon ang isang ginang mula pa sa isang malayong bayan ng Cagayan. Sa harap ng mga pulis ay buong-tapang na sinabi ni Fe Baria ng Tanglagan, Gattarrran, na ang kanyang anak na si Janet Baria, 15 taong gulang, ay pinatay ng mga elemento ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at 17th Infantry Batallion Philippine Army (IBPA) sa nasa nasabing lugar. Hindi napigilan ni Fe ang pagluha habang nagsasalaysay sa harap ng daan-daang tao sa rally. Garalgal ang boses, sinabi niyang inutusan niya ang kanyang anak na bumili sa tindahan noong Disyembre 22, 2005, bandang alas-kwatro ng hapon, ngunit hindi na uli bumalik nang buhay si Janet. Nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng CAFGU sa ilalim ng 17th IBPA at rebolusyunaryong New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar noong araw na iyon; at sa mga unang bugso ng mga putok ay tinamaan si Janet. Nagpapasaklolo ang biktima ngunit hindi man lang pinansin ng mga sundalo sa pangunguna ng commanding officer na kinilala bilang Sgt. Domingo. Dati nang mainit umano ang dugo ng mga CAFGU at 17th IBPA sa pamilya Baria dahil sila ang nangunguna sa pagtutol at pagtuligsa sa pagtatayo ng kampo-militar at CAFGU sa gitna ng barangay. Naniniwala ang mga ito na malaking banta sa kaligtasan ng mga tao sa baryo ang pagtatayo ng kampo. Idinagdag pa ni Fe na pinagbibintangan siyang kasapi o supporter ng NPA. Ang kaso ni Janet ay ilan lamang sa di na mabilang na kasong naitala laban sa pulis, army at CAFGU. “Imposibleng NPA ang nakabaril sa aking anak dahil tatlong beses na putok lang ang narinig namin mula sa sinasabi nilang kinaroroonan ng mga NPA. Nasa likod ng bahay ang mga sundalo at 15 minutes silang nagpaputok at volume fire pa,” nagngingitngit na salaysay ni Fe. Isa lang si Janet sa mga biktima ng marahas na kampanya ng estado laban sa sinasabi nitong kaaway ng pamahalaan. Iba’t-ibang kaso, iba’t-ibang porma ngunit lahat ay biktima ng karahasan ng estado. Hindi pa nakakamit ang hustisya para kay Janet at sa marami pang naunang mga biktima. Si Janet Baria ay hindi nakaligtas. Maagang kinitil ng gobyerno ang kanyang mga pangarap. Sa murang gulang ay tinuldukan na ng estado ang kanyang buhay. Lahat ng kritiko ng gobyerno sa ngayon ay itinuturing na terorista at komunista. Sadyang walang sinisino ang pamahalaan. Bata man o matanda, babae man o lalake, lahat ay gagawin mapangalagaan lamang ng estado ang interes nito. Sa kalunsuran, inaaresto, kundi man pinapatay, ang lahat ng kritiko, kabilang ang mga progresibong kinatawan ng mga militanteng partylist sa pangunguna ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela. At sa kanayunan pilit na binubusalan ang mga taong walang kasalanan kundi ang magtanong kung bakit sila naghihirap. Wala na nga silang makain, pilit pang binubusalan ang kanilang bibig ng bala. Kung ganito ang nangyayari ngayon sa ating lipunan, saan pa tutungo ang mamamayan? Binubusabos ang mga nasa lungsod kasabay ng pagpapahirap sa mga nasa kanayunan. Wala na talagang ligtas na lugar para sa mamamayang mahihirap. Kung huhulihin lahat ng mga kritiko ng pamahalaan, magkakaroon ng bagong rekord ang Pilipinas. Kailangang magpatayo ang pamahalaan ng pinakamalaking kulungan sa buong mundo dahil mahigit 80% ng mamamayang Pilipino ay kritiko ngayon ng pamahalaan. Iba’t-ibang mukha man ng mga tao ang nakiisa sa paggunita ng araw ng kababaihan lahat sila ay nagtatagis at nakataas-kamao habang isinisigaw ang pagpapatalsik sa ayon sa kanila ay numero unong pahirap sa hanay ng kababaihan sa kabila ng pagiging babae nito. Ayon sa kanila si GMA ay taksil sa bayan! # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com Post your comments, reactions to this article |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |