FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
February 12, 2006
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Pila sa lottery, pila ng kahirapan

Hindi biro ang magkaroon ng milyun-milyong piso lalo pa kung hindi mo na kailangan magbanat ng buto. Sabi nga nila para ka na ring politiko. Daig mo pa ang isang matinong politiko.

Ito ang dahilan kung bakit napakarami ang tumataya at tumatangkilik sa lotto. Araw-araw ang haba ng pila sa mga lotto center dito sa Cagayan. Iba’t-ibang mukha ang makikitang nakapila. Matanda, bata, lalaki, babae, may mayaman at may mahirap. Lahat sila may iba’t-ibang dahilan ngunit lahat sila ay nagbabakasakaling manalo.

Kasabay ng paghaba ng pila ng mga tumataya ay ang tumitinding pang-eenganyo ng goberyerno sa pamamagitan ng mga patalastas ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) sa taong bayan. Gumawa ang PCSO ng mga patalastas para sa radyo at telebisyon para hikayatin ang mga tao na lalong tumaya.

Naalala ko tuloy ang sinabi ng Task Force: Ultra na siyang nga-iimbistiga sa kinahinatnan ng unang anibersaryo Wowowee ng ABS-CBN na ikinasawi ng 78 katao. Sabi nila, tinuturing daw ng nasabing programa ang mga tao bilang hayop. Exploited daw ang mga ito. May punto sila. Dahil sa naglalakihang papremyo, umaasa at naghintay na lamang ang mga tao sa awa at kapalaran.

Ang punto ko naman, ano ang kaibahan ng ginawa ng Wowowee sa ginawa ng PCSO? Hindi ba nangangako rin ang PCSO ng mas magandang buhay sa pamamagitan milyun-milyong maaaring mapanalunan sa lotto. Galit ang PCSO sa Wowowee dahil “galit ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw.” Pareho lang nilang gingamit ang mga tao.

Sa tindi ng hirap ng buhay na nararanasan ng taong bayan ngayon, napipilitang kumapit sa patalim ang mga mamamayan para may pantawid gutom lamang.

Hindi sapat na manalo ang isa o dalawang tao upang mabago ang pamumuhay ng sambayanan. Hinuhuthot lamang ng PSCO ang pera ng mamamyan. Kung talagang taos- puso ang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mamamayang Pilipino, lalo na ang mga kapos-palad, bakit hindi na lang ilaan ang pondo sa pagbibigay ng serbisyo soyal at tulong sa mamamayan?

Katulad na lamang 37,704 na pamilya sa 28 bayan na apektado ng baha sa Isabela. Dalawang daang milyong pisong (P200M) produkto ng mga magsasaka sa Cagayan ang nasira samantalang P367.41M namang produkto ng magsasaka sa Isabela ang naanod ng baha.

Ang kalakhan ng mamamayan ng Cagayan Valley ay nakadepende sa agrikulrura. Malaking bahagi rin ng bigas na kinakain ng mamayang Pilipino ay mula rito. Maraming mamamayan sana ang makikinabang sa mga produktong sinira ng baha.

Natugunan din sana ang pangangailangan ng mga magsasakang naapektuhan ng baha kung hindi pansariling interes at kapakanan ang aatupagin ng pamahalaan.

Ang mga taong araw-araw na nakapila para tumaya ng lotto at nagbabasakaling manalo ay salamin ng kahirapan.

At kapag hindi natugunan ng kasalukuyang pamahalaan ang tumintinding kahirapan, darating ang araw na pipila ang mamamayan hindi sa harap ng lottery center kundi sa mga kalsada, sa harap ng Malacañang nakataas kamao habang sumisiagaw ng “Patalsikin si GMA!” #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com

Post your comments, reactions to this article


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next