FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY January 29, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Ganti ng kalikasan |
||
Nararamdaman ngayon ng mamamayan ng Cagayan ang ganti ng kalikasan bunga ng paglapastangan sa kagubatan. Kasalukuyang binabaha ang mga lalawigan ng Lambak ng Cagayan. Lumulubog sa baha ang maraming bayan ng lsabela kahit sa konting ulan, gayundin ang maraming bayan ng Cagayan kabilang ang lungsod ng Tuguegarao, ang business capital ng Lambak. Ang lambak ng Cagayan ay mayaman sa mga punong kahoy noon at nakilala ito bilang isa sa pangunahing pinagkukunn ng mga troso sa bansa. Minsan ring naging pangunahing pinagkakakitaan ng mamamayan ang pagtrotroso lalo na noong 1980’s hanggang huling bahagi ng 90’s kung saan naging legal ang pagtrotroso. Dahil sa legalisasyon ng pagtotroso, malayang nakapasok ang malalaking kompanyang pag-aari ng mga dayuhan kasama ng mayayamang pulitiko ng rehiyon. Sila ang naghari sa pagtrotroso. Ang sabi nila noon, ang legalisasyon ng pagtotroso ay magbibigay ng hanapbuhay sa mga mamamayan ng Lambak. Subalit ang malalaking kompanya ang nakinabang ng husto. Ang mga lokal na mamamayan na dapat sana’y nakinabang sa mga yaman ng rehiyon ay naging mga manggagawa lamang ng mga kompanyang ito. Walang pakundangan nilang pinagsamantalahan ang likas na yaman ng Lambak. Kinalbo nila ang karamihan ng mga bundok nito. Nang maubos na ang mga puno, umalis ang mga ito at ngayon ang mga mamamayan ang nahihirapan sa epekto ng pagkasira ng kagubatan. Ang masaklap pa nito, ang naiwang maliliit na mga magtotroso ang sinisisi sa mga pagbaha. Sinasabing matigas daw ang ulo ng mga mamamayan ng Lambak dahil patuloy sila sa pagtrotroso. Ang totoo niyan, hindi sila ang umubos sa mga puno kundi ang malalaking mga korporasyon na may pera at kakayahang magtroso ng malawakan at maramihan. Kabilang na dito ang pamilya Dy ng Isabela at Enrile sa Cagayan. Ang pamilya Dy ang isa sa mga pangunahing magtotroso sa lsabela kasama ng mga dayuhang kompanya. Hindi pa nakontento ang mga gahamang kompanya, dahil sa pagka-ubos ng troso, pagmimina naman ang pinagiinteresan nila ngayon. Sa kabila ng malawak na pagtutol ng mamamayan, pursigido at pwersahan nilang isinusulong ang mga proyektong sa pagmimina. Kabilang na dito ang coal mining project sa Isabela sa pangunguna ni dating gobernador Faustino Dy. Nariyan din ang patuloy na tinututulan ng mga mamamayan ng Claveria at Sanchez Mira na proyekto ng North Royal Mining Company na suportado ng lokal na pamahalaan ng Cagayan. Sa mga nangyayaring ito, dapat magkaisa ang mamamayan. Matutong labanan ang direktang panghihimasok ng mga dayuhang kapitalista at sa pagpapagamit ng opisyal ng gobyerno sa mga ito. Dapat matuto ang mamamayan na humalaw ng aral sa mga karanasan sa nakaraan. Sa mga proyektong ito, hindi tayo ang makikinabang kundi ang iilang nasa pamahalaan at ang mga dayuhang kapitalista lamang. Kaya ang dapat nating gawin...”lubong salakniban! umili pagserbiyan!” # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com Post your comments, reactions to this article |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |