FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY December 25, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Paskuhan sa kulungan |
||
“Agyaman kami” Ito lamang ang nasambit ng mga political prisoners at ibang mga bilanggo sa pagbisita sa kanila sa kulungan sa pangunguna ng Karapatan-Cagayan Valley. Sa kanilang mga mata makikita ang pananabik sa kanilang mga mahal sa buhay at pananabik na makalaya at makalabas sa rehas na bakal. Isang hayag na sikreto para sa atin ang buhay ng mga preso. Marami sa kanila ang nakulong dahil sa kasalanan ng iba. Ang iba ay napagkaitan ng karapatang ipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil sa kawalan ng pera. May mga bilanggong hanggang ngayon ay nagtatanong pa rin kung bakit sila nakulong. May mga sadyang kriminal at ang masaklap, may mga nakulong dahil sa prinsipyo, paniniwala at kagustuhang makalaya mula sa pagkakaalipin-sila ang mga tinatawag na bilanggong politikal. Dito sa Cagayan Valley umaabot sa lima ang bilanggong politikal. Ang mga bilanggong politikal na katulad nila ay nahuli, nabilanggo at hinusgahang kriminal dahil lamang sa kagustuhang mabuhay nang malaya ang nakararami. Imbes na pasalamatan ay ikinulong sila, kasama ang mga kriminal. Lahat ng mga bilanggong politikal dito ay hindi nabigyan ng tinatawag ng due process of law. Sinampahan sila ng kung anu-anong patung-patong na kaso. Ang mga nasugatang bilanggong politikal katulad ni Cristeta Miguel ay hindi nabigyan ng tamang serbisyong medikal sa kabila ng malubhang karamdaman. Ang mga batang magsasaka na pinaghihinalahang kasapi ng New Peoples Army (NPA) ay ikinulong sa kulungan ng mga matatanda at mga kriminal. Hindi man lang kinilala ng gobyerno ang karapatan ng mga batang iyon. Si Dante Guzman, namatay na siya sa loob ng kukungan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Tuao, Cagayan na hindi man lang nakapiling ang kanyang mga mahal sa buhay. Hanggang sa huling hininga niya ay napagkaitan siya ng karapatan. Hindi napatunayan na siya ay nagkasala. Wala ni isa sa mga kasong isinampa sa kanya ay napatunayan. Namatay siyang hindi nakamtan ang hustisya. Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 252 ang naitatalang bilanggong politikal sa buong bansa, 59 dito ay sa administrasyon ni GMA. Ang masaklap pa 167 sa mga ito ay mga matatanda at may sakit na nangangailangan ng kaukulang atensyong medical, 150 rin sa mga ito ay ilegal na naaresto at lahat sila ay nakaranas ng tortyur na pisikal at emosyonal. Pasko na naman pero hanggang ngayon ay wala pa ring kasiguraduhan kung magkakaroon ng linaw ang kaso ng mga bilanggong politikal na mga ito. Kasabay ng pagdaan ng mga pasko ay unti-unting paglimot ng pamahalaan sa kanilang mga karapatang sibil. Kung titignan natin walang balak ang pamahalaan na palayain ang mgabilanggong politikal na ito. Ilang pasko na nga ba sila sa kulungan? Samantalang ilang pasko na rin ang mga suwail at mapagsamantalang opisyal sa pagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Kailanman habang nananatiling bulok ang sistema ng lipunan, hindi maaaring bababa ang bilang ng mga bilanggong politikal na ito. Bagkus ay lalong dadami pa. At ang paglobo nito ay manipestasyon lamang na hindi totoo ang ipinangangalandakang demokrasya ng pamahalaan. Habang sinisikil at pinatatahimik ng estado ang indibidwal at grupong kritical sa kanya ay hindi natin matatawag na nabubuhay tayo sa demokrasya. Habang nasa iilang mapagsamantalang tao ang demokrasya, habang nasa kamay ng mayayaman ay demokrasya, kailanman ay hindi ito matitikman ng mga mahihirap. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com Post your comments, reactions to this article |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |