FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY December 18, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Krisis-mass |
||
Ilang tulog na lang pasko na! Pero hanggang ngayon, tila walang buhay ang paskong ito para sa mga mamamayang Pilipino. Dati-rati dito sa Cagayan Valley ay nakikipagsabayan ang mga mamamayan sa mga ibang lugar sa pagandahan ng mga kalye at bahay sa pamamagitan ng pagsabit ng mga naggagarang christmas lights at lanterns. Ngayon, kapansin-pansin na tila wala na sa isip ng mga tao ang mga bagay na iyan dahil katulad sa ibang lugar dito sa Pilipinas ay ramdam din ng mga Cagayano ang walang katulad na krisis na matagal nang humahambalos sa kanila. Sa ngayon, tila piling – piling bahay na lamang at establisyimento ang may mga mamahaling Christmas lanterns at lights. Yung talagang mga maykaya at malalaking pulitiko na lamang ang nakakakitaan ng mga ito. Si Aling Flor, walong taon nang nagtintinda ng karne sa palengke ay umaayon sa paniniwala ng maraming mamamayan dito na talagang iba ang paskong ito kumpara sa mga nagdaang pasko. Ayon sa kanya, hindi katulad nang dati ang bentahan ng isda at karne. Sinabi niya na ang dati niyang suking mga simpleng tao ay nahihirapan nang makabili ng paninda niya. Sa kasalukuyan, umaabot sa P100-P120 ang isang kilong manok at P130-P150 naman ang karne ng baboy. Si Aling Lina, katulad din ni Aling Flor ay anim na taon nang nagtitinda ng prutas sa palengke. “Eksakto lang ang kita namin pero mas madalas na lugi kami. Nabubulok ang paninda namin kung di namin ibenta sa mababang presyo kaya sa ayaw at sa gusto namin, ibinebenta namin sa mababang presyo.” Ayon naman kina Manong Boyet at Manang Marilou, mag-asawa at may apat na anak. “Ang mga importanteng bagay na lamang ang tinitiyak naming mabili dahil sa sobrang pagtitipid namin ngayon. Mahal na lahat ang mga bilihin – bigas, gamot at lahat-lahat na, pati na nga tuition ng mga bata mahal na rin. Sahod na lang ang hindi tumataas” Marami pa akong nakausap sa pamamamasyal ko sa palengke at lahat sila ay nagsabi ng kahirapang dinaranas ng sambayanan. Mapa-maliit na tindera man, panggitnang negosyante at mga mamimili ay nagkakaisang sobra na ang krisis na dinaranas nila. Noon, ang isang karaniwang mamamayan ay nag-uulam ng tuyo at noodles sa umaga na may kasamang pandesal at kape. Sa pagdaan ng mga araw, nawala ang tinapay at kape. Sumunod na nawala ang noodles at ngayon, hirap na ang simpleng mamamayan na makabili ng tuyo at pati kanin mismo ay nahihirapan na rin silang makabili kaya madalas ay dalawang beses na lamang kumain ang mga maliliit na magsasaka. Ganyan katindi ang krisis na nararanasan ng mamamayan dito sa Cagayan Valley. Kaya ngayong paskong ito, nakikiisa ako sa paniniwala at sinasabi ng karamihan na walang dapat ipagsaya sa paskong ito dahil kumakalam ang tiyan ng mamamayan dito. Ang paskong ito ay pasko para sa mga malalaking pulitiko at mayayamang angkan dito samantalang hindi Christmas ang nararamdan ng karamihang mamamayan kundi KRISIS-MASS! Hindi magawang magdiwang ang mamamayang walang makain sa araw-araw. Hindi magawang magsaya ng mga magsasakang naaagawan ng lupa at pinagsasamantalahan ng mga dayuhan na kasapakat ng pamahalaan dahil sa globalisayon sa agrikultura. Hindi puwedeng matuwa ang mga manggagawang hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng matagal na nilang hinihiling na P125 across the board nationwide wage increase. Hindi rin magawang tumawa ang mga naulila ng mga pinaslang na mamamahayag at mga lider at miyembro ng mga progresibong organisayon na hanggang ngayon ay hindi pa nakakamtan ang hustisya. At higit sa lahat hindi makapagdiwang ng maligayang pasko ang sambayanang Pilipino hangga’t si GMA ay nasa puwesto at patuloy na nagsusulong ng mga kontra mamamayang proyekto. Paano nga ba sasaya ang Pasko ng mamamayang Pilipino kung mas matinding krisis ang naghihintay sa kanila sa darating na taon? Hindi ako manghuhula pero dahil sa E-VAT madodoble ang hirap na nararanasan natin sa ngayon. Iyan ay kung mananatili si GMA sa kanyang puwesto. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |