FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY December 11, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Di nag-iisa ang Radyo Cagayano |
||
Flashback... Taong 2003 itinayo ang DWRC Radyo Cagayano — isang community radio station na matatagpuan sa Centro Baggao, Cagayan. Ito ay itinatag sa tulong, suporta at pagsisikap ng mga mamamayan sa lugar na nagpursiging maitayo ito. Sa panahon pa lamang ng pagtatayo, sumulpot na ang iba’t ibang porma ng panggigipit sa hanay ng mga magsasakang nagpupursigeng maitayo ito. Taong 2003 din nang pagtatagain si Joey Javier ng mga militar sa ilalim ng 17th IB. Siya noon ang tagapangulo ng Kagimungan (organisasyon ng mga magsasaka sa Cagayan na siyang tumatayong may-ari ng Radyo Cagayano). Hanggang ngayon ay hindi pa niya nakakamtan ang hustisya. Nadismiss ang kasong frustrated murder na isinampa sa mga militar, sa kabila ng mabibigat na ebidensiya kasama ang testimonya ng mga nakasaksi sa pangyayari. Ngayon... Mahigit dalawang taon na ang nakararaan ngunit hindi pa lubusang sumasahimpapawid ang Radio Cagayano dahil sa kung anu-anong panggigipit na kinakaharap nito. Ang masakit dito ay ang mismong barangay captain ng Centro Baggao ang tumututol dito. Siya pa sana ang dapat pangunahing humikayat sa mga tao na suportahan ang radio dahil ito ay isang government project. Baligtad ang nangyari, bagkus siya pa ang tumangging pumirma sa mga kailangang papeles para sa pagpapakabit ng kuryente at iba pang dokumentong kailangan para sa tuluyang pagsasahimpapawid ng Radyo Cagayano. Hindi rin niya nirespeto ang pirma ng mamamayan ng Centro Baggao na nagpapakita ng pagsuporta. Sinabi niya mismo sa harap ng lider ng mga magsasaka na ayaw niyang maitayo ang radyo sa kanyang lugar. Sa ngayon ay ginagawa ang lahat ng makakaya ng mga magsasaka kasama ang ilang mga indibidwal na nagpapahalaga sa interes ng maliliit na mamamayan. Makikita sa mga mata ng tao ang kasabikan na magkaroon ng sarili nilang radio station. Gusto nila ng radio station na sasalamin sa kanilang buhay at magpapakita sa kung ano ang totoong kalayagan nila. Gusto nila ng istasyon na hindi negosyo ang pangunahing nasa isip kundi mga programa at balita ang pangunahing ibinebenta. Pagod na sila sa mga istasyon na nakakaalala lang sa kanila tuwing kailangan sila katulad ng panahon ng eleksyon. Sa kalagayang hindi pinapakinggan ang hinaing at boses ng maliliit na mamamayan, hindi natin sila masisisi kung tahasan nilang sabihing ang mga commercial stations sa ngayon ay hindi nagsisilbi sa kanilang interes at kapakanan. Kung kayang patahimikin ng bala ng baril ang mga mamamahayag na nagsisiwalat sa kabulukan ng sistema at ng ilang indibidwal, hindi malayo at lalong hindi imposible na kaya nilang gawin ang karahasan sa community radio na tanging boses ng nagkakaisang mamamayan. Ito na ngayon ang nangyayari, hindi na pinapayagan ang anumang nagbabadyang masamang hangin para sa mga naghaharing uri. Hindi lang sa Radyo Cagayano pwedeng gawin ang ganitong panggigipit. Sa katunayan matagal na itong ginagawa. Sa mga pahayagan, sa mga militanteng organisasyon at pwersa, ang walang tigil na pagpatay sa mga kasapi ng media at marami pang iba. Nais ko ring linawin na ang Radyo Cagayano ay hindi itinatag at itinayo para kontrahin ang gobyerno. Bilang isang responsableng mamamahayag at mamamayan, tungkulin nating punahin ang mga maling gawain dahil pagpanig sa kasamaan ang pagsasawalang kibo. Hindi itinayo ang Radyo Cagayano para birahin ang mga opisyal ng pamahalaan nang walang dahilan. Ang Radyo Cagayano ay itinayo para bigyang boses ang maliliit na mamamayan. Ang paglaban sa mali ay laban ng lahat ng responsableng mamamayan. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |