FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
November 20, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Magtanim ay di biro

(Paglilinaw: Ang napatay na lider magsasaka sa isabela na noong huling bahagi ng 2002 ay si Warlito Nagasao at hindi si Dante Bitagun. Si Bitagun dinukot din nung mga panahon na iyon sa Cagayan pero nakabalik ng buhay. Mga sundalo rin ang itinuturo niyang dumukot sa kanya. Paumanhin sa mga mambabasa at kay Manong Dante.)

Para sa mga magsasaka, napakainam ng panahon ngayon para magtanim. Oo, panahon na naman ng pagtatanim.

Dito sa Cagayan Valley, halos hindi magkandaugaga ang mga magsasaka sa paghahanda ng kanilang bukid at tumana. Madaling araw pa lang ay abala na sa bukid ang mga magsasaka. Dito na sila sisikatan ng araw hanggang magtakip-silim at du’n pa lang sila uuwi sa kani-kanilang mga bahay. Araw-araw ay subsob sa trabaho ang mga magsasaka kasama ang buong pamilya. Araw-araw ay kaulayaw nila ang kanilang araro at kalabaw. Sa kabila ng pagod ng mga magsasakang ito ay ang katotohanang hanggang ngayon ay subsob pa rin sila sa kahirapan at baon sa utang. Karamihan sa kanila ay wala pang sariling lupa hanggang ngayon at laganap pa rin ang pangangamkam ng lupa. Ang lupang minana ng mga magsasaka ay pilit na inaagaw ng mga malalaking negosyante at panginoong maylupa. Ang mga magsasaka dito sa Cagayan Valley ay walang nang ibang namana kundi ang kahirapan na kagagawan ng estado.

Dito sa Cagayan, wala kang ibang maririnig sa mga magsasaka kundi ang matinding kahirapan at pagsasamantala sa kanila. “Sagad kami manen ading saan mi pay nabayadan ti utang mi, baka guyudin da manen tay nuwang ko,” ito ang hinagpis ni Manong Boy isang magsasaka rito sa Cagayan.

Sa bawat cropping ay lumalaki ang porsyento ng utang ng mga magsasaka. Kapag nabagyo o natuyot ang kanilang pantanim at di sila nakabayad ay manganganak ang porsiyento ng kanilang utang hanggang sa magkaroon ito ng apo at apo ng apo ng utang hanggang sa hindi na sila makabayad. Ang isang libong utang ay maaaring aabot hanggang P100,000 di kasali rito ang pandaraya ng ilang traders lalo na sa mga magsasakang nawalan ng oportunidad na makapag-aral.

Ayon kay Manong Erning, isa ring magsasaka “Awan met mabalin mi ading nu saan kami nga umutang, saan kami makamula, nagrigat iti gumatang ti abono ken bin-i, saan mi kaya nga gatangen.”

Sa kasalukuyan, ang binhi ng mais ay mula P3000-3500 at ang abono ay mula P1000-1500. Totoo ang sabi ni Manong Erning, mahirap para sa isang simpleng magsasaka na hindi uutang. Kaya hindi sila makapagsaka kung hindi uutang. Kaya-pikit mata silang umuutang kaysa sa hindi sila makapagtanim.

Ang masakit pa rito pagdating ng anihan, halos hinihingi ang produkto ng mga magsasaka sa baba ng presyo. Noong una mas mahal ang puting mais kaysa hybrid corn na pag-aari ng Estados Unidos. Sinubukan ng mga magsasaka rito na magtanim ng puting mais, ngunit nang kalaunan, dumami na dahil mas mahal at maari pang kainin ay biglang tumaas ang yellow corn.

Ito’y isang malinaw na pangongontrol ng Estados Unidos. Malinaw rin na walang ginawa ang gobyerno para iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka. Imbes na suportahan nito ang produkto ng mga magsasaka buong puso nitong niyakap ang globalisasyon na siya ngayong nagpaparalisa sa produkto ng mga Pilipino.

Walang karapatan ang sinuman na magsabing tamad ang mga magsasaka kaya hindi sila umuunlad. Walang karapatan ang sinumang sabihan ang mga magsasaka na magsikap sila kung gusto nilang umunlad dahil matagal na silang nagsisikap! At lalong walang karapatan ang sinuman na tawaging tanga ang mga magsasaka dahil sila ang nagpapakain sa sambayanan. Ang pagpapahirap sa kanila ay kagagawan ng imperyalistang Estdos Unidos kasama ang lokal na ahente nila. Pinapanatili nilang atrasado ang agrikultura para mapanatili nila ang kontrol sa pagsasaka rito sa Pilipinas.

Buong-araw ay halos ilublob ng mga magsasaka ang kanilang katawan sa pagtratrabaho para lang mabuhay. Katamaran pa ba iyon? Katangahan ba kung dayain sila ng ilang mapagsamantalang traders? Kasalanan ba nila kung hindi sila nakapag-aral?

Taniman na naman. Naghihintay ang ganitong panahon hindi lamang ng mga magsasaka kundi pati ang mga mga trabaho. Ang panahon ng pagtatanim ay hudyat hindi para makabayad ang mga magsasaka sa utang kundi hudyat ng panibagong dagok sa hanay ng mga magsasaka at hudyat para sa panibagong pagsasamantala. Ang US kasama ang goberyno ang parang lintang naninipsip sa dugo ni Mang Juan. #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next