FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
November 6, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Iba’t-ibang kwento ng undas

Tapos na ang araw ng mga patay. Muling natahimik ang bawat sementeryong pansamantalang naging pistahan ng mga buhay.

Bawat patay ay may kanya-kanyang kwento at dahilan ng kamatayan. May mga namatay sa sakit, sakuna, katandaan, may mga nagpapakamatay dahil sa kahirapan at suliranin, at may mga namamatay dahil sa kabayanihan. Sa mga sementeryo dito sa Cagayan katulad sa ibang lugar ay parang nagpasiklaban ang mga tao sa pagdedekorasyon sa kanilang mga patay. Makukulay ang bawat puntod na may iba’t-ibang bulaklak at mamamahaling mga kandila.

Ang iba ay bagong pinta, pero iyan ay para sa mga mamamayan at may kaya sa buhay samantalang hahangaan mo ang mga namamatay na mahihirap dahil sa kung hindi man maganda ang puntod, ang iba ay wala maliban sa krus na nakatayo at nagkasya na lamang sa bulaklak na gawa sa papel at isang mumurahing kandila. Hindi ko tuloy maiwasang mag-isip na hanggang sa kamatayan at libingan ay makikita pa rin ang pagkakaiba ng mayaman at mahirap, na hanggang sa hukay ang mayayaman ang pinagpapala at ang mahihirap ay nananatiling kahabag-habag.

Sa mga sementeryo nitong nakaraang undas, may mga ibat-ibang kwento. Naniniwala ang mga matatanda na sa tuwing sasapit ang undas ay nagpaparamdam ang mga buhay lalo na ang mga may gustong ipahiwatig katulad ng mga napagkaitan ng hustisya. Para sa akin, kung totoo ito, malamang sa mga sementeryo at kahit saan mang lugar ay bumangon na ang halos lahat ng mga patay dahil karamihan sa mga napaslang ay hindi pa nila nakakamtam ang hustisiya. Kung totoo man ito malamang na bumangon na sila para sila na mismo ang maningil dahil sa katotohanang napakabagal ang pag-usad ng katarungan sa atin.

Ang kwento ni Dante Bitagun ay kuwento ng isang lider magsasaka sa Echague, Isabela na dinukot at pinatay ng mga military noong huling bahagi ng 2001. Hanggang ngayon ay hindi pa niya nakakamtam ang hustisya. Ilang taon ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay wala pang nakikitang linaw ang kanyang kaso.

Matatandaang si Bitagun ay dinukot sa kanilang bahay isang madaling araw ng buwan ng Abril, dinala sa Alfonso Lista, Ifugao at doon natagpuan ang kanyang bangkay na ihinukay sa buhangin. Lumabas sa otopsiya na positibong tinortyur muna ito bago pinatay. Patunay ang bakas ng pagkakatali sa kanyang kamay, leeg at mga pasa sa katawan. Sabagay, hindi ito nakapagtataka dahil ilan na ba ang pinaslang?

Ilang magsasaka na ba ang nagbuwis ng buhay? Nagkaroon ba ng hustisiya para sa mga biktima ng martial law, ang Mendiola Massacre, at mga pinaslang na lider ng union sa Hacienda Luisita massacre? Marami pang iba, sadyang napakarami at kulang ang buong pahayagang ito kung isa-isahin natin. Ang mga mamamahayag na pinasalang hanggang ngayon, ni isa wala pang naresolba.

Buti pa ang mga biktima nina Rigor Olalia ng Ilagan, Isabela at dating Cagayan Governor Rodolfo Aguinaldo dahil maaari nang manahimik ang kanilang mga biktima dahil sa pagpaparusa sa kanila. Ang kamatayan ng dalawang ito ay hustisya para sa mga napakarami nilang biktima samantalang ang kamatayan ng mga lider magsasaka at lahat ng mga nagtatanggol sa karapatan at demokrasya ay pagkitil ng karapatan at pagkait ng hustisya hindi lang sa kanila kungdi maging ang malawak na mamamayang Pilipinong pinagsasamantaan.

Tahimik na ang mga sementeryo ngayon pero may mga sementeryo pa ring hanggang ngayon ay magulo pa rin. Ito ang sementeryong pinamamahayan ng mga ilang multong buhay na walang ginawa kungdi ang mangulimbat at magnakaw ng kaban ng bayan. Sila na inakala ng mamamayan na santo at santa kaya iniluklok sa pwesto. Sila ang mga taong masahol pa sa multo dahil hindi lang pananakot ang ihinahasik nila sa taong bayan kungdi unti-unti nila tayong pinapatay dahil sa mga salot at kontra-mamamayan nilang patakaran! #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next