FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
October 16, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Limos sa umaga, aliw sa gabi

“Bosing gusto mong pumunta sa langit? Virgin pa itong kasama ko,” diretsong sabi ng isang babae mula sa likuran ko isang gabi habang naghihintay ako ng sasakyan pauwi. Pagtingin ko sa pinanggalingan ng tinig, nakita ko ang dalawang babae. Isang nasa tamang edad at isang batang-bata na nasa pagitan ng 12-14 taong gulang.

Hindi na bago para sa akin ang ganitong senaryo dahil marami na akong nababasa at naririnig na ganitong bagay ngunit nagulat pa rin ako dahil hindi ko inakala na maging sa Cagayan ay ganito na ka-bulgar ang pagpuputa. Sa pagkakataong iyon, wala akong pagnanasang naramdaman. Bagkus habag at galit ang namayani sa akin. Habag para sa batang babae at galit sa mga mapagsamantala at sa pamahalaan mismo dahil imbes na tugunan nito ang pangangailangang pangalagaan ang kapakanan ng mga bata ay kinakasangkapan pa nila ang mga ito para sa kanilang pansariling interes. Hanggang ngayon ay inutil pa rin ang pamahalaan at ang mga ahensiya nito sa pagpapatupad ng mga mapagkunwaring batas para sa mga bata.

Ang senaryong ito para sa akin ay manipestasyon lamang ng lalong tumitindi at lumalaganap na krisis pangkabuhayan na matagal nang nararanasan ng taong bayan. Pati ang mga bata sa mga malalayong probinsiya ay nagagawa nang pikit-matang ibenta ang kanilang mga sarili para lamang mabuhay. Nagkaroon ako ng interes na magtanong pa sa kanila at nagawa naman nilang sagutin ang ilan sa aking mga tanong.

Mag-tiyahin ang pakilala ng dalawang bababe sa akin. Nagagawa nila ang ganu’n dahil walang pambili ng gatas ang bunsong kapatid ng batang babae at dagdag baon niya sa eskwelehan.

Sa panahon na hinahambalos tayo ng walang katulad na krisis, parang kanya-kanya nang diskarte ang lahat para mabuhay. Tanggap na ng lahat na wala nang dapat pang asahan ang mamamayang Pilipino sa pamahalaan kundi umasa na lang sa sarili. Kahit anong paraan ginagawa na, kahit ang katawa’y handa nang ibenta. Kawawa lang dito ang mga bata at katulad ng batang babaeng nakilala ko, pati na rin ang marami pang ibang isinasakripisyo ang dangal, katawan at pagkatao imbes na magkaisa at lumaban sa kaalipustahang nararanasan.

Palagi nating naririnig mula mismo sa bibig ng mga pulitiko at pinuno ng gubyerno ang paulit-ulit nilang sinasabi ang minsang sinabi ni Dr. Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero anong kinabukasan ang naghihintay sa mga kabataang ito kung ang gubyerno mismo ang hindi marunong kumilalala sa karapatan ng mga kabataan?

Sa katunayan, sa katatapos lamang na Human Rights Summit dito sa Cagayan Valley lumalabas ang napakaraming bilang ng paglabag ng karapatang pantao sa mga kabataan. Ang mga kabataang lumalaban ay pilit na binubusalan ang kanilang bibig. At mismong ang gubyerno, sa pamamagitan ng militar nito, ang gumagawa sa mahigit isang libong paglabag sa karapatang pantao. At karamihan sa mga ito ay nararanasan ng mga masa sa kanayunan.

Sa totoo lang hindi naipapatupad ang mga mapagkunwaring batas para sa pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan. Dito sa Cagayan Valley maliban sa lantaran nang pagbebenta ng katawan ay hindi mabilang ang mga kabataang sa murang gulang ay nasa lansangan at kabukiran imbes na nasa paaralan. Imbes na notebook at lapis, ang hawak ay diyaryo o basahan, kung hindi araro at kalabaw ang kasama sa bukid. Katwiran ng mga magulang, wala silang magagawa dahil ayaw nilang mamamatay nang nakadilat ang mga mata. Hindi natin masisisi ang ganitong mga katuwiran dahil nagdudumilat ang katototohanan. Sa kabila ng papalit-palit na pangulo ay wala pa ring pagbabago ang buhay ng sambayanang Pilipino bagkus ay lalo pang nababaon sa kahirapan.

Sa administrasyon ni Gloria Mcapagal-Arroyo (GMA) ay lalong nalubog sa kahirapan ang mamamayan. Sa muling pagtaas ng presyo ng petrolyo, hindi lang ang oil deregulation ang maibabasura ng mamamayn dito sa Cagayan Valley, kundi pati si GMA mismo!

Mas higit pa sa pagpuputa ang ginagawa ni GMA dahil mas nakakasuka’t nakakadiri ang administrasyon niya. Isinusuka siya ng mamamayan dahil sa pambubusabos at pang-iinsulto sa karapatan ng Pilipinong magkasroon ng pinunong pinili nila. Hinudas ni GMA ang sambayanan. Kung si Maria Magdalena ay napatawad ni Hesus mula sa pagbebenta niya ng aliw, at si Hudas ay nagbigti matapos makonsensiya, si GMA ay hindi mapapatawad ng mamamayang Pilipino, sa katunayan patuloy siyang pinapatalsik sa poder.

Pagkalipas ng dalawang araw mula noong makilala ko ang dalawang babae, sa hindi inaasahang pagkakataon, muli kong nakita ang batang babae hindi bilang isang pokpok kundi namamalimos sa bangketa, suot ang gusgusin at kupas na school uniform. Katulad ng batang babaeng ito na sa gabi ay nagbebenta ng aliw, unti-unting pinapatay at sinusunog ni GMA ang mga Pilipino sa impiyerno ng kahirapan. At habang naghihirap ang mamamayan, wala silang masusulingan kundi ang magkaisa at lumaban nang lumaban. At pagdating ng isang umaga, si GMA ay mamumulubi rin. #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next