FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY August 14, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kontrabidang gustong maging bida |
||
Nitong mga nakaraang araw ay naging mainit sa media ang balitang ikinu-konsiderang maging star witness ang dating gobernador ng Isabela na si Faustino Dy Jr. laban kay Pres. Gloria Macapagal-Arroyo sa usaping pandaraya sa nakaraang eleksyon at sa pagkakasangkot ng huli sa jueteng. Alam ng buong mamamayan ng Isabela kung anong uri ng mga pulitiko ang pamilya Dy kaya hindi nakakapagtaka kung isang araw ay tuluyang maging testigo ng oposisyon itong si Junior Dy. Isa siyang halimbawa ng tradisyonal na politiko kaya hindi nakapagtataka na kung saan siya makikinabang ay doon siya. Alam ng Isabelino na isa siya sa pinakamasugid na alipores ni GMA sa Region 2 at isa sa pinakamasunuring tagapamandila ng mga kontra-mamamayamg programa ng pangulo. Kumbaga, kung ano ang kulay ni GMA ay siya ring kulay ni Dy. Ang krimen na kinakaharap ni GMA sa ngayon ay siya ring krimeng kinasasangkutan ni Dy. Matatandaang ang pamilya Dy ang puspusang nagsusulong sa mga proyektong inaayawan ng Isabelino tulad ng cassava plantation at coal mining. Ang cassava plantation program na ito gaya ng naisulat sa mga naunang column ay isang iskema na sasakop sa 300,000 ektaryang lupain ng mga magsasaka. Ang malawak na lupaing sakahang ito ay tatamnan ng kamoteng-kahoy para sa kompanya ni Danding Cojuangco, isang kaibigan ni Dy. Ang coal mining project naman ay sasakop sa tatlong bayan ng Isabela – Cauayan City, Naguilian at Benito Soliven. Aagawin ang lupaing matagal nang tinitirhan at binubungkal ng mga magsasaka. Ang dalawang programang ito ay nangangahulugan ng sistematiko at ligal na pang-aagaw sa lupain ng mga magsasaka at pagkakait sa kanila na magkaroon ng karapatang magbungkal sa kanilang lupang pangunahing pinagkukunan ng kanilang ikinabubuhay. Ang pagtetestigo ni Dy laban kay GMA kung sakali ay paghuhugas-kamay na lamang sa patung-patong na kasalanan nito sa mamamayang Isabelino. Gusto niyang ibalik ang sira-sira na niyang pangalan sa mamamayan. Gusto niyang magpakabida muli. Ganunpaman, matagal nang nalantad sa mamamayan ng Isabela ang tunay niyang pagkatao. Katulad ng amo niyang si GMA kahit anong gawin nito ay hindi na maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa kanya. Kung ating matatandaan noong panahon ng eleksyon si Dy ay isa sa mga pinaniniwalaang nandaya. Si Garcillano ang nambinbin sa proklamasyon ni Grace Padaca na tumalo kay Faustino Dy sa pagka-gobernador. Natalo siya sa kabila ng kaliwa’t-kanang manipulasyon niya. Naniniwala ang karamihan na siya ang may pakana sa mga lantarang pandaraya noon tulad sa pagsalakay sa munisipyo ng San Mariano, Isabela at pagsunog sa mga balota noong kasagsagan ng bilangan at parehong pangyayari sa Jones, Isabela. Kung susuriin natin, hindi basta magagawa ng isang simpleng politiko ang mga naturang bagay. Bago tumestigo si Dy, dapat muna siyang magnilay-nilay kung siya ay karapatdapat. Sabi nga nila, kailangan mo munang linisin ang dumi sa sariling mukha bago mo linisin ang dungis ng iba. Pareho lamang sina GMA at Dy. May mga malalaking sirkumstansyang makapagdidiin na si GMA ay nandaya sa nakaraang eleksyon at ganun din si Dy. Sangkot si GMA sa jueteng, at si Dy ay minsang umamin na siya mismo ang opereytor ng jueteng sa Isabela. Hanggang ngayon ay alam iyan ng mga kapulisan ng Isabela. Tanungin natin mismo ang PNP provincial director Soriano. Kunsabagay, sabi nila, ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |