FOURTH ESTATE By MICHAEL AGONOY
NORDIS WEEKLY
June 12, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Education for sale

Pasukan na naman. Back to school para sa mga ilang may kaya samantalang back to farm para sa mga kabataang magsasaka at back to the streets para sa mga kabataang nasa lungsod na itinutulak ng kahirapan sa ganoong sitwasyon.

Patung-patong na ang problemang kinakaharap ng mamamayang Pilipino at sumabay pa rito ang di mapigil na pagtaas ng tuition sa iba’t-ibang paaralan. Mataas ang presyo ng mga bilihin ngunit mababa ang sahod. Mataas ang pamasahe, disempleyo at ilan lamang ang mga ito sa krus na pinapasan ng mamamamayan sa ngayon.

Dito sa Cagayan Valley, hindi nagpatalo ang iba’t-ibang eskuwelahan sa mga gimik nila para makaakit at mabigyang batayan ang pagtaas ng bayarin sa kanilang mga institusyon. Patalbugan sila para maibenta nila ang edukasyon sa mga paaralan nila.

Halimbawa, ang Cagayan Colleges of Tuguearao (CCT) ay naninindigan na makatwiran lamang ang 10% tuition increase. Ayon sa pamunuan, sa kabila ng pagtaas nila ay nananatili umanong ang CCT ang may pinakamurang tuition sa mga private schools dito sa Cagayan Valley. Nangatwiran pa ang administrator na 10 percent mula sa 100% pagtaas sa tuition ay mapupunta sa sahod ng mga guro at 20% nito ay mapupunta sa infrastructure. Ang tanong- nasaan ang nalalabing 70%?

Ang Cagayan State University (CSU) ay hindi rin nagpatalo. Bagamat nanatiling P100/unit ay masasabi nating mataas pa rin ito at tumabo pa sila sa pagtaas ng miscellaneous fees at laboratory fee. Nagbabayad ang mga estudyate ngayon ng P300/unit sa laboratory fee. Katulad ng ibang eskuwelahan, nangangatwiran ang administrator ng CSU na mababa pa ang singil nila kumpara sa ibang state universities sa bansa. Hindi pasanin ng mga estudyante ang pagpapatayo ng gymnasium, classroom o anupaman kaya hindi dapat sa kanila singilin ang mga ito. Ang CSU ay isang state university, pag-aari ito ng pamahalaan ngunit nakikita ang lahat ng manipestasyon na unti-unting tinatalikuran pamahalaan ang kanyang tungkuling bigyan ng magandang edukasyon ang kanyang mamamayan.

Sa iba pang mga pribadong paaralan at unibersidad dito, lantaran nilang ipinapakita at inaamin na kung gusto mong magkaroon ng magandang edukasyon ay kailangan mong gastusan. Ito ang dahilan ng Saint Paul University of the Philippines-Tuguegarao (SPUP) at University of Saint Louis-Tuguegarao (USLT). Nakakapanlumo at masakit isipin na ang mga pribadong paaralan na may koneksyon sa simbahan ay nagiging instrumento para lalong pabigatin ang krus na pasan-pasan ng lahi ni Mang Juan. Taliwas sa turo ng simbahan na tulungan ang mga mahihirap ang ginagawa ng mga eskuwelahang pinapatakbo ng simbahan. Sa mga paaralang ito, walang puwang ang karamihan sa mga mahihirap.

Sa school year lamang na ito, umaabot sa 80% ng lahat ng mga colleges and universities ang nagpropose sa Commission on Higher Education (CHED) para magtaas ng tuition.

Mula noon, ang edukasyon ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan katulad ng nakasaad sa Konstitusyon. Ang edukasyon ay parang isang kendi na kung wala kang pera, hindi ka makakabili nito at kailanman ay hindi mo na matitikman. Ipinangangalandakan ng pamahalaang may P1 bilyong pondo ang DepEd ngunit sapat ba ito? Ilan ang public schools sa buong bansa? Ilang public schools ang kulang sa class room? Sa ngayon, 1:60 ang classroom- student ratio. Hindi rin naipatupad ang DepEd Order 22 na nagbabawal sa mga public school na maningil sa nga estudyante.

Sa kabila ng napakataas na tuition na pinaghihirapan ng mamamayan ay ang walang kasiguruhang trabahong maibibigay ng pamahalaan at napakababang kalidad ng edukasyon. Paano kaya nasisikmura ng pamahalaan kasabwat ang ilang institusyon at simbahan na habang kumakamal ang mga ito ng pera mula sa paninda nilang “edukasyon” ay lalong nababaon sa kahirapan ang mamayang Pilipino?

Kasabay ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng edukasyon ay ang paglobo ng bilang ng mga kabataang hindi nakakatungtong sa kolehiyo. Sa kanayunan, ang lupa ang nagiging papel nila. Ang araro ang pinakalapis nila at ang kalabaw ang nagiging ka-klase nila. Dahil sa hindi na makapag-aral natututo sa ibang gawain ang mga kabataan sa mga sentrong bayan. Sa ganitong sistema ng edukasyon, saan pupulutin ang milyun-milyong kabataang hindi nakapag-aral hindi nakapag-aral? Ano ang bukas na naghihintay sa kanila? #

For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next