FOURTH
ESTATE By MICHAEL AGONOY |
NORDIS
WEEKLY May 15, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Maliban sa pagiging ina, sila’y mga babae |
||
Happy Mother’s Day sa lahat ng mga ina! Ngayong buwan ng Mayo, sama-sama nating gunitain at kilalanin ang kadakilaan ng ating mga ina sa pagbubuo ng isang responsableng pamilya at isang malayang lipunan mula sa pagsasamantala. Maaaring para sa ilan, ang pagiging isang ina ay isang normal na tungkulin ng isang babae. Sabi ng iba “the essence of being a woman is being a mother”. Itinatak sa kaisipan ng maraming kababaihan ang konseptong ito. Ngunit sa mga nagdaang panahon, namulat na ang maraming babae sa ganitong kaisipan. Matagal na panahong nakulong sa apat na sulok ng bahay ang maraming ina, at sa mga panahong nakulong sila sa mga bahay, nawalan ng saysay ang kanilang kadakilaan. Hindi nila nagawang ibahagi ang kanilang galing at talino para sa paghubog hindi lang ng pamilya kundi ng lipunan. Ang kanilang kadakilaan ay una nang nakita mula sa kanilang pagbubuntis. Hindi madali para sa isang babae na magbuntis ng siyam na buwan. Buhay ng mga ina ang kanilang ibinububuwis para masilayan ng anak ang liwanag ng mundo. Ang mga ina ang naghihirap para hubugin ang kanilang anak, at sila rin, hindi ang dekadenteng kultura, ang pangunahing sinisisi kung nagiging barumbado ang mga kabataan. Ang mga ina ang nagsasakripisyo sa pag-iisip kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita ng kanilang mga asawa. Sila rin ang sinisisi, hindi ang mga mapagsamantalang kapitalista at mababang kalidad ng serbisyong pangkalusugan kapag nagiging sakitin ang kanilang mga anak. Ang mga ina ang naghihirap sa paghanap ng pinakamurang paaralan na papasukan ng mga anak. Ang mga ina rin ang sinisisi, hindi ang mababang kalidad at komersiyalisadong katangian ng edukasyon kapag hindi natututo ang mga anak sa paaralan. Tunay ngang dakila ang mga ina lalo na ngayon at unti-unti na silang lumalabas mula sa pagkakulong sa apat ng sulok ng kanilang tahanan at nakikiisa sa pag-aaral ng lipunang ginagalawan. Hindi na lamang nila pinag-iisipan kung paano i-budget ang maliit na kita ng kanilang asawa kundi pinag-iisipan at pinag-aaralan na rin nila kung bakit kinukulang ang kita ng kanilang mga asawa. Hindi na lang sila naghahanap kung saan sila makakamura kundi tinatanong na rin nila kung bakit ganito ang nagyayari. Sa ngayon, lipas na ang mga panahon ng mga kiming ina. Hindi na nila kayang sikmurain ang tumitinding krisis pangkabuhayan. Wala na silang panahon para tumahimik. Oo, dakila ang mga ina dahil hindi lang pamilya ang hinuhubog nila kundi pati isang malayang lipunan. Hindi nagtatapos sa pagiging ina ang pagiging babae. Ang mga ina ay hindi lang basta ina, sila’y mga magiting at dakilang babae.# For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |