FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY May 1, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Cassava project, pilit na isinisiksik sa Cagayan |
||
Dati nang talamak at patung-patong ang kaso hinggil sa lupa sa Isabela. Kaliwa’t kanang land grabbing, napakataas na interes ng pautang at upa sa lupa, mababang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka sa kabila ng mamahaling farm inputs at marami pang iba. Ang kalbaryo ng mga magsasaka ay nadagdagan sa pagdating ng cassava project sa pangunguna ng dating pamahalaang Dy kasabwat ang panginoong maylupang si Danding Cojuangco. Dahil sa nakita ng mamamayan ng Isabela na ang proyektong ito ay anti-magsasaka, buong tapang nila itong hinarap at binigo. Sa kabila ng pandarahas, hindi nagpagapi ang mamamayan ng Isabela at sa bisa ng pagkakaisa ay hiniya nila ang proyektong cassava. Malinaw na hindi tinangkilik ng mamamayang lsabelino ang “sugar-coated” na cassava project ng sabwatang Dy-Cojuangco sa Isabela. lto ay dahil maagang nailantad ang tunay na pakana ng proyektong ito. Maagang nalaman ng taumbayan na ito ay hindi kailanman magsisilbi para sa interes ng mamamayan kundi para lang sa interes ng ilang indibidwal sa pangunguna ng mga Dy at Cojuangco. Sa kasalukuyan, dahil sa malakas na paglaban ng mga taga Isabela sa proyektong ito ay pansamantalang nanahimik sila sa lsabela at ang pilit nilang pinapasok sa ngayon ay ang lalawigan ng Cagayan. Pormal na ginawa ang launching ng cassava project sa Cagayan noong Abril 2I, 2005 sa bayan ng Iguig. Dinaluhan pa ito ni Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap at ni Cagayan Gov. Edgardo Lara. Ang proyektong ito ay walang pinagkaiba sa Isabela. Ito ay patunay lamang na tama ang pagsusuri na unti-unti nang inaangkin ni Cojuangco ang Pilipinas. Daang ektaryang lupain ng mga magsasaka sa Isabela ang gustong tamnan ng kamoteng kahoy samantalang 50,000 ektarya naman dito sa Cagayan ang planong tamnan. Ayon sa mapanlinlang na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Cagayan at ng DA, walang land grabbing na magaganap. Dagdag pa nila, mga tiwangwang na lupa ang karamihan sa mga tatamnan ng cassava. Ngunit kung susuriin natin, ang cassava project scheme ay isang ligal na paraan ng pagsasamantala sa mga maliliit na magsasaka. Una, ipapasok ng magsasakang gustong magtanim ng cassava ang titulo ng kanyang lupa sa isang kontrata. Sa Isabela, 25 na taon ang pinakamababang kontrata at ang Landbank ang magpapautang sa kanila. Walang maaaring pagbentahan sa mga kamoteng kahoy kungdi si Cojuangco lamang. Sa ganitong punto, tanging si Cojuangco ang magtatakda ng presyo. Kung ano ang gusto niyang presyo, siya ang masusunod. Kilala si Cojuangco bilang tusong negosyante, yumaman siya dahil sa pagsasamantala sa kanyang mga manggagawa. Ang mga magsasakang pumasok sa kontrata ay hindi maaaring umalis sa kanyang lupa hangga’t hindi natatapos ang 25 taong kontrata kaya sa ayaw at gusto niya ay kailangang magtanim siya ng kamoteng kahoy. Kapag hindi siya nakabayad sa utang, hindi na niya makukuha ang kanyang titulo. Ito ay nangangahulugan lamang na hindi na sa kanya ang lupa. Ito ay isang malinaw at ligal na paraan ng land grabbing! Ikalawa, kapag naipasok na ng magsasaka ang kanyang lupa sa kontrata, siya ay lalabas na manggagawa na lamang sa kanyang sariling lupa. Magiging monopolyo na ni Cojuangco ang pagpapatakbo sa lupa. Siya ang magdedeklara kung ilang beses na magtatanim ng cassava. Inamin naman ng DA na kamoteng kahoy ay gagawing dextrose, gawgaw, alcohol, alak, beer at marami pang iba na puro produkto ng kompanya ni Cojuangco. Kung sakaling magkaroon ng sobrang supply ng kamoteng kahoy para sa kanyang mga produkto, maaari niyang ipatigil ang pagtatanim. Ang sinumang nakapasok sa kontrata ay hindi maaaring magtanim ng iba. Dito lalong masasadlak sa hirap ang mga maliliit na magsasaka dahil hindi naman pwedeng alternative sa bigas ang kamoteng kahoy na ito dahil hindi ito pangkaraniwang kamoteng kahoy. Ito’y imported na kamoteng kahoy. Sinasabi ng pamahalaan na ang cassava project ay napakalaking tulong para maiangat ang naghihingalong ekonomya ng Pilipinas. Kailanman ay hindi tayo tumututol sa pag-unlad ngunit dapat isaalang-alang sana ng pamahalaan ang mahihirap na magsasaka. Sino ang pangunahing makikinabang at sino ang magiging kalunos-lunos ang kalagayan? Para kanino ang sinasabi nilang pag-unlad? Hindi ang cassava project na ito ni Cojuangco kasabwat ang pamahalaan ang sagot sa krisis na kinakaharap ng Pilipinas sa ngayon. Hindi pa nasasagot ng pamahalaan ang hinihiling ng mga magsasaka na tunay na reporma sa lupa ay heto at nakaamba na naman sa kanila ang dagdag ng problema. Bakit hindi na lang ipamahagi sa mga walang lupa ang sinasabi nilang tiwangwang na lupa na tatamnan ng kamoteng kahoy? Ang cassava project ay nagpapakita lamang kung sino ang pinapanigan ng pamahalaan. lpinapakita nitong nasa panig siya ng mga naghaharing uri. Marami ang inaagawan at walang lupa sa ngayon samantalang si Cojuangco ay halos sa kanya na ang buong Pilipinas. Nasaan ang Comprehensive Agrarrian Reform Program (CARP) ng ipinagmamalaki ng pamahalaan? Bakit hindi niya kayang kunin ang lupain ng mga malalaking panginoong maylupa para ipamahagi sa mga libu-libong maliit na magsasaka at manggagawang-bukid? Dahil sa mga ito, tuluyan nang nawawala ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
Tuluyan na ring dadami ang bilang ng mga indibidwal na makikiisa at makikibaka
para sa karapatan ng magsasaka sa lupa, maging sa karapatan ng iba pang
sektor. Hindi natin masisisi ang taumbayan kung sila ay maghanap ng anumang
paraang makapagbibigay-solusyon at ibaling ang lakas sa mga opsyong sa
kanilang pagkakaintindi ay napapanahon upang punan ang mga pagkukulang
ng pamahalaan. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |