FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY April 24, 2005 |
|
Previous | Next |
||
May diploma ka ngunit kulang |
||
Sa taong ito, libu-libong mga mag-aaral ang nagsipagtapos sa kolehiyo. Libu-libong mga mag-aaral ang nakatakdang humarap sa isa na namang yugto ng kanilang buhay – ang pagharap sa hamon ng responsibilidad. Ayon sa pinakahuling report ng Department of Labor and Employment (DOLE), 11.3% ang unemployment rate ng ating bansa o 4.03 milyong Pilipino ang walang trabaho samantalang 16.1% o 5.1 milyong Pilipino ang may trabahong hindi akma sa pinag-aralan nila o underemployed sa madaling salita. Ang ulat na ito ay isinagawa ng DOLE noong Enero 2005. Bagamat hindi ito nakakagulat, hindi natin maiiwasang manlumo. Ang ibig sabihin nito ay libu-libong mga nagsipagtapos ang nanganganib kung hindi man ay nakatakdang masadlak sa kawalan ng trabaho na magbibigay sa kanila ng higit na kahirapan. Sa ulat na ito ng DOLE, para na ring inamin ng gobyernong Arroyo na wala itong maibibigay na magandang kinabukasan sa mga bagong nagsipagtapos. Katulad ng Commission on Higher Education (CHED) na bingi sa pagtugon sa demokratikong kahilingan ng mga estudyante, ang DOLE, ay inutil din sa pagbigay ng trabaho sa mamamayan. Kunsabagay, ano nga ba ang aasahan natin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa lalo na ngayong tumitindi ang krisis na kinakaharap ng sambayanang Pilipino? Ngunit ito rin naman ay dahil sa kapabayaan ng mga namumuno sa atin. Sa ganitong sitwasyon, walang ibang mapagpipilian ang mga bagong graduate natin kundi ang pumasok sa trabahong malayo sa kanilang pinag-aralan. Pumapasok na lang ang mga ito bilang operator sa call center; crew sa mga fastfood chains; waiter sa mga restaurants; sales lady, gasoline boy at kung anu-ano pa. Kahit kakapiranggot ang sahod basta makapagtrabaho lamang. Ang iba naman ay mas gugustuhin ang mangibang-bansa kaysa tiisin ang miserableng buhay dito. Wala nang dapat asahan pa ang mga bagong graduate sa kasalukuyang sistema ng ating lipunan. Ang pangarap nilang makapagtrabaho pagkatapos ng ilang taon sa paaralan para lang magkaroon ng magandang buhay ay mananatili na lamang pangarap hangga’t hindi sila kumikilos. Mananatiling hamon sa mga bagong graduate, ang paglikha ng magandang kinabukasan. Hindi garantiya na nakapagtrabaho sila para magkaroon ng magandang buhay. Habang nananatiling nakapailalim ang bansa sa kontrol ng dayuhang kapital at nakaupo ang mga kanilang mga alipures sa hanay ng panginoong maylupa na siyang dahilan ng pang-aapi at ibayong paghihirap ng mga mamamayan ay hindi tayo kailanman magkakaroon ng magandang buhay. Gaganda lang ang buhay ng Pilipino kapag napalaya mula sa kahirapan ang mga magsasaka sa kanayunan na bumubuo sa pinakamalaking populasyon at nagpapakain sa mamamayan; at nakaigpaw na sa pagsasamantala ng mga kapitalista ang mga manggagawa na siyang lumilikha ng ating mga pangangailangan. Kailangang kasabay rin ang pagpapalaya sa ating bansa mula sa kuko ng mga imperyalistang bansa. Nasa mga graduate at sa lahat ng mga kabataan ang lakas, talino at galing. Iambag sana nila ang mga ito para sa interes at kapakanan ng nakararami. Ialay sana nila ang mga ito para sa interes ng mga aping uri. Huwag sana nilang hayaang ang magandang bukas na pinapangarap ay mananatiling pangarap na lang. Likhain natin ito ngayon na. Baka hindi dumating ang bukas. # For comments & suggestions e-mail d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |