FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY April 17, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kaugnay ng oil price hike |
||
Kahit saan mang sulok ng Pilipinas ngayon, umaangal ang mamamayan sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Dito sa Cagayan Valley ay nakatakda nang sumambulat ang matagal nang ngitngit ng mga drivers. Magkakaroon ng serye ng kilos protesta ang mga drivers at operators sa pangunguna ng PISTON-CV kasama ang iba’t-ibang sektor ng lipunan. Isang mobilisasyon ng mga transport group ang magaganap sa Abril 18 kung saan muling igigiit ang pag-rollback sa presyo ng petrolyo at pag-scrap sa Oil Deregulation Law. Kung titingnan natin, mula noong naipasa ang Oil Deregulation Law noong 1996, nawalan na ng kontrol ang pamahalaan sa pagtatakda at rpag-regularisa ng presyo ng langis. Sa kabila ng mga naunang kilos protesta ng mamamayan at tigil pasada ng mga driver at operator ay wala pa ring tugon ang Arroyo administration sa problemang ito. Wala itong nagawa upang pigilan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina. Matatandaan na mula noong buwan ng Enero ng taong ito ay pitong beses tumaas ang presyo ng gasolina na sinundan ng mga serye pa ng price hike sa mga sumunod na buwan hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito hindi rin napigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Para sa mga driver, wala silang ibang magagawa kundi magtaas din ng pamasahe para makahabol at makabawi sa pagkalugi dahil nga sa sunud-sunod ng pagtaas ng presyo ng gasolina. Sa harap ng tumutinding krisis, hindi na makatarungang manahimik na lamang tayo. Habang nananatiling bingi at inutil ang gobyerno sa pagtugon sa interes at kagalingan ng mamamayan ay hindi mapipigilan ang taong bayan na gumawa ng paraan para maibsan ang kahirapang dinaranas. Hahanap at hahanap sila ng solusyon, katanggap tanggap man ito sa pamahalaan o hindi. At habang sinusupil ang pagkilos na mamamayan ay lalo lamang silang magpupursige para maipagtagumpay ang kanilang laban. Dapat maintindihan ng pamahalaan na makatarungan at makatwiran ang ipinaglalaban
ng ibat ibang sektor dahil sinasalamin nito ang kanilang demokratikong
interes. # |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |