FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY April 3, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Tuloy ang penitensya ni Mang Juan |
||
Tapos na ang mahal na araw. Sa ngayon, maaaring malapit nang maghilom ang mga sugat sanhi ng hagupit ng latigo sa mga taong nagpenitensiya dahil sa paniniwala nilang ito’y nakakabawas kung hindi man ay tuluyang nakapawi ng kasalanan, at nakapagpahinga na rin ang mga galing sa bakasyon. Sa ngayon, balik na sa ang mga lansangan pagkatapos ng ilang saglit na katahimikan dahil sa paggunita sa mahal na araw. Balik sa dati ang lahat — ang magulong lansangan, maingay na palengke at pati ang mga taong sumandaling tumahimik, muling lumabas ang kanilang tunay na kulay, balik pagsasamantala sa lahi ni Mang Juan na tuloy ang kahirapang dinaranas. Sa ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang penitensiya ng angkan ni Mang Juan. Hindi man lang nabawasan ang krus na kanyang pinapasan bagkus ay lalong nadadagdagan dahil sa kainutilan ng mga taong namumuno. Lalo na sa panahong ngayon. Muli na namang tumaas ang presyo ng langis at gaya ng inaasahan natin walang nagawa ang pamahalaan. Isa pa itong VAT na anumang oras ay nakatakdang ipasa sa senado. Dito, wala na tayong dapat asahan pa kundi ang dagdag na hirap na papasanin ng taongbayan. Busy ngayon ang pamahalaan sa paglikom ng perang pambayad utang na hindi naman napakinabangan ng mamamayan. Kaliwa’t kanan ang pagtitipid nito at wala silang pakialam kung maghirap ang lahi ni mang Juan maisalba lang nila ang kanilang personal na interes. Magpahanggang ngayon ay hindi pa naibibigay ang napatagal nang isinisigaw ng mga manggagawa na P125 wage increase across the board nationwide. Maraming nagpenitensiya nitong nakaraang araw. May mga nagsasabing sila ay sinungaling, tamad, barumbado,babaero,lasenggo, palaaway at iba pa kaya sila nagpenitensiya. Nagtataka lang ako kung bakit hindi ito naisip ng ibang mga taong nasa gobyerno dahil maliban sa tamad, babaero,lasenggo,sinungaling ay magnanakaw, berdugo at mandaraya pa sila. Nagawang tiisin ng maliliit na tao ang hagupit sa sarili samantalang ang ilang makasariling opisyal ng gobyerno ay nagpapakasarap sa pagbakasyon sa ibat-ibang magagandang lugar. Sila ang dapat na ipako sa krus dahil sila ang isa sa dahilan ng krus na pinapasan at kung bakit patuloy pa rin ang penitensya ni Mang Juan. For comments and suggestions, e-mail d4thestate7@yahoo.com.# |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |