FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
Nordis
Weekly, February 27, 2005 |
|
Previous | Next |
||
CHED Region 2, umaming inutil! |
||
Umamin ang Commission on Higher Education (CHED) Region 2 na inutil ang kanilang ahensiya dahil hindi nila kayang kontrolin ang pagtaas ng tuition fee sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa rehiyon. Ang pag-amin na ito ay nangyari nang harapin ng ilang opisyal ng CHED ang mga kinatawan ng estudyante mula sa mga eskuwelahan ng Saint Ferdinand College sa Ilagan, Isabela State University-Echague, University of Saint Louis-Tuguegarao, Saint Paul University at Cagayan State University. Ito ay kaugnay ng pagkilos ng humigit 500 estudyante mula sa mga nasabing paaralan noong Peb. 24. Sa pagkilos na ito, kinondena nila ang CHED sa pagsasawalang kibo nito sa walang humpay na pagtaas ng tuition fee at miscellaneous fees. Tila isang sisiw ang CHED na nasukol at walang nagawa kundi amining inutil sila dahil hindi raw karapatan ng mga unibersidad at kolehiyo na magtaas ng tuition fee para matugunan ang tinatawag nilang quality education. Kung gayon, ano ang papel ng CHED? Sabi nila, ang curriculum program lang daw ang kayang nilang saklawin. Sa katotohanan, napangiti ako sa kanilang pag-amin. Dinagdagan pa ng CHED dito ang kainutilan nang ikumpara nila ang edukasyon sa isang mamahaling bilihin. Pinamili pa nila ang mga estudyante kung ano ang mas gusto nila, ang sardinas na mumurahin o ang sardinas na de-kalidad? Sa harap mismo ng mga estudyante, sinabi nila na ang Batas Pambansa 232 ang nagbibigay ng karapatan sa mga kolehiyo at unibersidad ng karapatan na magtaas ng tuition. Inuulit ko ang tanong, ano ang tungkulin ng CHED? Anila, wala na raw silang pakialam kung maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral sa kolehiyo. Ipinapakita lang talaga nila kung ano ang tunay na kulay ng gobyerno, na wala itong pakialam sa kanyang mamamayan. Hindi bago ang senaryong ito dahil noong una pa lang ay alam kong wala nang maaasahan at matinong maisasagot ang CHED sa matagal nang isyu ng mga estudyante. Naniniwala ako na hindi na kailangan ng dialogue sa kanila. Ilang pakikipagkasundo na ba ang naganap? Hindi na mabilang. Hanggang sa pambansang antas, may mga dialogue na naganap ngunit may nangyari ba? Umasa lamang ang mga estudyante sa wala. Narinig ko ang sabi ng isang estudyante minsan. Sabi niya “Kung ganito ang ginagawa ng gobyerno, kung patuloy kaming pinagkakaitan ng karapatan, mabuti pa’y humawak nalang ako ng sandata”. Kung anuman ang gusto niyang sabihin, siya lamang ang nakakaalam na iyon nga ang tama.# |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |