FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
Nordis
Weekly, February 20, 2005 |
|
Home > Op-ed > FOURTH ESTATE > February 20, 2005 | To bottom |
Previous | Next |
|
Desperadong solusyon ni Pres. Arroyo |
||
Alam na nating lahat na ang isang pagkakamali ay hindi maaaring ituwid ng isa pang pagkakamali. Sa krisis ng kinakaharap ngayon ng ating bansa (sa kabila ng ipinangangalandakan ng pamahalaan na paglakas ng piso laban sa dolyar) ay kung anu-anong hakbang ang naiisip ng gobyerno para maisalba ang matagal nang naghihingalong ekonomya ng bansa. Isa sa naisip ni Pangulong Arroyo, kasama ang kanyang mga alipores, ay ang paggalugad sa mga nakatagong yaman ng bansa. Buong-layang binigyan ni Arroyo ng karapatan ang mga dayuhang korporasyon para magminas sa ating bansa. Huwag na nating tanungin kung naiisip ni Pangulong Arroyo ang kapakanan ng maliliit na mamamayan na maaaring madamay dahil alam na natin ang sagot. Sa mga nangyayari sa ngayon, bulag ang pamahalaan sa mga maliliit na mamamayan. Kasabay ng pagbigay ng administasyon ni Arroyo ng karapatan sa mga dayuhang korporasyon ay ang pagtalikod at pagkait ng karapatan sa mga Pilipino. Sabagay may milyon ba namang maibibigay ang isang simpleng mamamayan katulad ng naibibigay ng mga dayuhan? Ayon sa kontra-mamamayang Philippine Mining Act of 1995, 100% na ng kapital sa minahan sa Pilipinas ay puwedeng ariin ng dayuhang kumpanya sa ilalim ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA). Isandaang porsyento rin ng ganansya ay maaaring iluwas nito. Sino ang makikinabang kung ganun? Syempre ang mga nasa poder ang mga nagbigay ng pahintulot, ang kasalukuyang administrasyon kasama ang mga alipores nito sa kataas-taasang hukuman at sa mga ahensya ng gobyerno. Dito sa Cagayan Valley, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mamamayan laban sa mga mining projects ay pilit pa rin nila itong isinisiksik. Pinakabago ngayon dito sa Region 2 ay ang pagpasok ng Royal Northern Mining Corporation na pag-aari umano ng Dutch Government kasama ang ilang indibidwal na Australiano. Ang mining project na ito ay sumasakop sa bayan ng Claveria, Sta. Praxedes, Pamplona at Sanchez Mira, Cagayan at ilang bahagi ng Calanasan, Apayao. Sa resulta ng isinagawang Environmental Investigative Mission (EIM) na binubuo ng iba’t-ibang sektor noong Feb. 11-14 ay napag-alaman na ang mining project na ito ay may saklaw na 12,000 ektarya. Ayon pa sa mga mamamayan, taong 2004 nang unang pumasok ang mga nagmimina sa mga barangay ng Luzon, Sto. Niño, Tabbangan at Malilittao sa Claveria, Cagayan. Noong 1998, ayon pa sa mga residente ay nagsagawa ng sampling ang ARIMCO Mining Corporation. Sa inisyal na resultang nakuha namin, lumalabas na noon pa man ay may pagtatangka nang pumasok ang minahan sa lugar. Hindi lang nila ito lubusang maisakatuparan dahil sa mahigpit na pagtutol ng mga residente, pero ngayon, tila gagawin ng mga mining corporations na ito ang lahat para makapasok. Pero ayon naman sa mga barangay captain ng mga apektadong lugar, hinding-hindi sila makakapayag na makapasok sa kanilang lugar ang mga nagmimina dahil alam nilang banta ito sa kanilang kaligtasan. ldinagdag pa ng isang barangay captain na kung kinakailangan nilang humawak ng itak para mapigilan ang mining project ay gagawin nila. Mabuti pa ang mga maliliit na mamamayan dahil nakikita nila ang kahalagahan ng kalikasan at tinututulan nila ang pagmimina. Alam nila na malaking banta sa kalikasan, buhay at kinabukasan nila ang mining projects. Ang pamahalaan ay sadyang mapagkunwari, sinasabi nitong maka-kalikasan ito ngunit ang nilalagay ng kanyang mga proyekto ang kalikasan sa alanganin. Ang trabahong maibibigay ng mining project ay pansamantala lamang at hindi matutugunan ang pangmatagalang pangangailan ng mamamayan. Kapag ubos na ang mina sa lugar, iiwan ng mga dayuhang korporasyong pang-mina ang ginahasa nilang kalikasan. Mawawalan na rin ng trabaho ang mamamayan. Una nang naranasan ang ganti ng kalikasan sa Ormoc, sumunod ang Quezon at Aurora, huwag nating hayaang magyari ang mga ito sa Cagayan Valley. Kailangang hubaran na ng maskara si GMA! Hindi serbisyong totoo ang kanyang ginagawa. Hindi totoong ang ekonomiya ang isinasalba niya kundi ang popularidad niyang matagal nang walang ningning! # |
||
Home > Op-ed > FOURTH ESTATE > February 20, 2005 | Back to top |
Previous | Next |