FOURTH ESTATE By MICHAEL ANGONOY
Nordis Weekly, February 6, 2005
 

Home > Op-ed > FOURTH ESTATE > February 6, 2005 | To bottom

Previous | Next
 

Cagayan Valley, huwag hayaang maging susunod na Ormoc o Quezon!

Proteksyong pangkalikasan: Umili pagserbian, lubong salakniban!

Matunog na pinag- uusapan dito sa Lambak Cagayan ang iba’t- ibang isyu hinggil sa kagyat na pagbibigay relief o tulong sa panahon ng kalamidad. Kagaya ng tulong na iniaabot at inililimos ng mga ahensya ng gubyerno. Nitong huli, ang pinakamalinaw na reklamo ay ang pagbibigay ng binhi para sa rehabilitasyon na hindi tumutubo! Partikular sa mga binhing ito ay ang mismong ipinamahagi ng Department of Agriculture nang dalawin ni GMA ang Cagayan pagkatapos ng bagyo. Sa mga relief missions at kagyat na pagkain, may mga kaso na halos hindi makain ang ilang ipinamamahaging bigas at mga expired na de-lata. Mukhang mula sa malalaking pondo, napakaliit ang aktwal na nakararating sa mamamayan na napinsala ng kalamidad.

Samantala, sa kabilang banda, ang hakbangin ng iba’t- ibang sektor sa Lambak Cagayan ay ang kampanyang “Umili Pagserbian, Lubong Salakniban” na naglalayong nagkakaisang pagprotektahan ang kalikasan. Sa esensya ito ay ang sama- samang pagkilos para sa paglilingkod sa sambayanan, hindi lamang ngayon kundi maging pati sa susunod na henerasyon.

Tinutukoy ng iba’t-ibang sektor na dapat parusahan at panagutin sa mga mapaminsalang pagdaan ang mga malalaking proyektong nakakasira ng kalikasan. Halimbawa na rito ang malawakang konsesyon ng pagtotroso na ligal na pinatatakbo ng mga malalaking pulitiko sa pakikipagsabwatan at buong-buong pagpayag ng kasalukuyan at ng mga nakaraang rehimen. Sa rehiyon, tampok ang malalaking konsesyon ng pagtotroso ng mga kilalang pamilya Dy at Enrile na nagpakayaman sa pamamagitan ng paghuthot sa likas na yaman ng bayan.

Ang Magat Dam Project sa Isabela ay isa rin sa mga pangunahing dahilan ng daang milyong pinsala ng mga taniman at komunidad sa gilid ng Ilog Cagayan kapag walang pakundangan itong naglalabas ng tubig na walang abiso sa mga tao. Nilalamon ng malaking tubig baha ang pinaghirapan ng mga magsasaka at pinagkukunan nila ng kanilang ikinabubuhay.

Sa kabilang banda pangunahing prayoridad ng gobyernong Macapagal-Arroyo ang implementasyon ng mga proyektong pagmimina sa buong bansa. Sa iba’t- ibang bahagi ng rehiyon, napakalaking banta ng malawakang dislokasyon, kagutuman, at tuluyang pagkasira ng kalikasan dulot ng mga proyektong pagmimina sa tatlong probinsya sa kasalukuyan. Tampok dito ang pagtatayo ng planta at pagmimina ng karbon sa tri- boundary ng Cauayan- Naguilan- Benito Soliven sa Isabela sa ngalan ng “Coal-Mine Mouth Power Plant and Mining Project” na ipinupursiging ipatupad ng Philippine National Oil Corporation (PNOC- EC) katulong ang panrehiyong tanggapan ng MGB- DENR. Samantala, patuloy din ang pagpapatupad ng dayuhang kompanyang pagmimina ng ginto sa Didipio bahagi ng Kasibu, Nueva Vizcaya at Quirino na matagal nang nilalabanan ng mga katutubo. Sa Cagayan, mahigit 12,000 ektaryang lupain ang nakatakdang sirain ng proyektong pagmimina ng ginto at tanso sa mga bayan ng Claveria at Sta. Praxedes. Mapipinsala ng naturang proyekto ang daluyang tubig sa mga ilog ng Nagabaron, Cadcadir, Pata at Pamplona River na pangunahing magiging daluyan o drainage system ng basurang magmumula sa minahan. Malinaw din na ang lahat ng proyektong pagmiminang ito ay sa ilalim ng pamumuhunan ng mga dayuhang kompanya. Ang tubo at mineral ay buong- buo nilang iuuwi sa kanilang mga bayan. Habang ang maiiwang magsasaka ay mababaon sa kahirapan, kagutuman, dislokasyon at kawalan ng ikabubuhay.

Ganito ang larawan ng kalagayan ng Lambak Cagayan kung ang usapin ay ang malawakang panghuhuthot at pandarambong ng mga malalaking pulitiko at dayuhan sa yaman ng rehiyon.

Sa ganitong punto, kinakailangang magkaisa ang lahat ng sektor sa buong Lambak Cagayan na protektahan ang Kalikasan.

Naibahagi ng preparatory committee ng Kampanyang Umili Pagserbian, Lubong Salakniban na maglulunsad ng malawakang information dissemination at mga pag- aaral hinggil sa pangangalaga sa kalikasan. May mga pagsasanay din na ilulunsad hinggil sa “Disaster Management Orientation” sa mga komunidad at mga paaralan. Ang iba’t- ibang organisasyon ng mga magsasaka at kabataan ay maglulunsad ng mga serye ng tree planting sa iba’t- ibang komunidad. Gayundin, kikilos at magtutulong- tulong ang buong komunidad sa rehabilitasyon ng mga taniman na lubusang napinsala ng bagyo at mga pagbaha.

Ang panawagan ng iba’t- ibang sektor sa Lambak Cagayan: Cagayan Valley, huwag hayaang maging susunod na Quezon at Ormoc! Magkaisa sa pagprotekta sa Kalikasan, Umili Pagserbian, Lubong Salakniban!”#


Home > Op-ed > FOURTH ESTATE > February 6, 2005 | Back to top

Previous | Next