FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY January 23, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Hinggil sa Calamity Demand ng mga magsasaka: Isang pagbusisi |
||
Madalas na larawan ng katatapos na kalamidad ang mga pumipila para sa tulong na relief mula sa pagkain hanggang sa rehabilitasyon ng lupang sakahan at taniman ng mga magsasaka mula paghingi ng kakainin hanggang sa binhing itatanim. Ang nakakatawag-pansin ay ang panawagan ng mga magbubukid ng Lambak Cagayan hinggil sa Calamity Demand. Ano nga ba itong calamity demand na hinihiling ng mga magsasaka ng Lambak Cagayan sa mga traders? Anong nagtulak sa kanilang malakas na panawagang ito? Bakit nila ito hinihiling? lto’y ba’y makatarungan at makatwiran? Sa magkakasunod na kalamidad, larawan ng trahedya ang mga tahanang nilamon ng putikan: ang mga bahay at pinagkukunan ng kabuhayan na dinaanan ng tubig- baha at tinangay ng malalakas na agos at putik. Dito sa rehiyon, hindi rin biro ang bilyong halagang pinsala na dulot ng mga nakaraang bagyo. Hindi biro ang milyon-milyong pisong halaga ng agrikultura na sinagasaan ng pagrelis ng tubig ng Magat Dam. Isa pang nakakagulantang ang parang limos na halaga ng relief na pagkain at ang sinasabi nilang pamigay na binhi na inerereklamo mismo ng mga LGU dahil hindi umano tumutubo. Ayon sa organisasyon ng mga magbubukid, Kagimungan, kinuha nila ang pulso ng mga kababayang magbubukid sa rehiyon upang sama-samang isatinig ang panawagang Calamity Demand. Ang calamity demand na ito ay unang tinawag ng mga magsasaka na “bura utang”. May paglilinaw lamang dito dahil naging estratehiya ng mga usurero ang hindi pagpapautang sa mga magbubukid sa mga panahong hindi sila makabayad ng utang dahil sa kalagayang wala talagang pambayad. Ang hakbanging ito ay hindi nangangahulugan ng tuluyang paglimot o pagbura ng mga utang ng mga magsasaka sa mga malalaking traders at landlords na pinagkautangan nila, bagkus, ang panawagan ay pagkilala sa sitwasyong dapat bayaran ang inutang sa panahong kakayanin. Kung ating matatatandaan, ang pagsisikap na muling makahabol sa taniman pagkatapos ng bagyong Igme noong nakaraang taon ay hindi na naganap matapos ng mga magkakasunod na bagyong Winnie at Yoyong. Ang dati nang hikahos na buhay ng mga magbubukid ay pinalala ng higit sa doble ng mga nakaraang kalamidad. Ang pagkabaon sa utang ay naging kumunoy na hindi maalisan. Ang calamity demand ay makatwiran at makatarungan lamang dahil sa isang obhetibong kalagayan ng mga magbubukid na hindi matatakasan. Hindi rin nila ito ginusto at lalong hindi rin naiplano. Magugunitang sunud-sunod na malalakas na bagyo ang humagupit sa buong bansa, at isa sa lubos na nasalanta ang ating mga taniman. Ang pinakabago ay ang sunud-sunod na bagyo bago matapos ang taon. Sa katunayan idineklara ng pamahalaan na under state of caalamity ang lalawigan ng lsabela at Cagayan. Sa ganitong sitwasyon, nabuo ang panawagang calamity demand na hinihingi ng mga magsasaka. Inililinaw sa calamity demand na 50% pataas ng mga nasirang pananim ay hindi magbabayad para sa kasalukuyang anihan. Kung mas mababa naman sa 50%, kukuwentahin ang halaga ng nasirang pananim at babawasin ito sa kapital na dapat bayaran. Ang mga magsasakang walang pambayad sa utang ay hindi pipiliting magbayad ng kanyang utang. Isusulong din ang panawagang itaas ang presyo ng produkto ng mga magbubukid. Ano nga ba ang hindi makatarungan sa panawagang pagpapagaan sa kasalukuyang hikahos na sitwasyon, lalo pa’t nagsikap na buhayin ang pamilya? Makatarungan ang panawagang calamity demand sa isang sitwasyong hirap na makabangon at nakakaranas ang magbubukid ng sunod- sunod na dagok ng kalamidad. Ang dating lugmok sa kahirapan at nakuba sa katatrabaho, ngayon ay hindi makaahon sa putikan ng pagkakautang. Ang bulnerableng kalagayan sa pagharap sa kalamidad ang nagpatindi sa isang pyudal at mala- pyudal na sitwasyon ng mamamayan. Ang kampanyang magsasakang ito ang isa sa mga inspirasyon para sa tuloy- tuloy na pagtataguyod ng interes ng mga magbubukid. # For comments, and suggestions e-mail at d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |