FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY January 16, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Para kanino ang coal mining at power plant sa Isabela |
||
Isa sa mga mainit na isyung kinakaharap ng mga mamamayan ng Isabela sa ngayon ay ang coal mining project at power plant ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa pamamagitan ng subsidiary nitong PNOC-Exploration Corporation. Ano nga ba ang nasa likod ng mga kontrobersyal na proyektong ito at ganun na lamang ang pagtutol ng mamamayan ng Isabela? Ating himay-himayin ang mga ito. Ang Isabela Integrated Coal Mine-Mouth Power Plant project ayon sa PNOC ang kauna-unahang proyekto rito sa ating bansa. Isa itong proyekto ng pagmimina ng karbon (lignite coal). Ang mga minang tulad nito ay matatagpuan sa mga bayan ng Benito Soliven, Naguilian, at Cauayan City. Kasama sa kontrobersyal na proyektong ito ang pagtatayo ng planta ng kuryente na may kapasidad na 57.5 megawatts. Itatayo ito sa barangay San Pablo, Cauayan City. Batay sa pahayag ng PNOC-EC sa mga isinagawa nilang public consultation, magkakaroon daw ng power shortage ang ating bansa sa taong 2007. Nararapat lamang umano na pakinabangan na ang mga tagong kayamanan ng Isabela tulad ng karbon na maaaring gamiting panggatong sa kuryenteng magsu-suplay sa buong lalawigan ng lsabela at karatig lalawigan nito. Kailangan daw ito upang lalo pang makaakit ng mga mamumuhunan sa loob at labas ng bansa dahil isa umano sa mga hinahanap ng mga kapitalistang dayuhan ay istableng suplay ng kuryente at tubig. Ayon pa sa PNOC-EC, kapag naisakatuparan ang mga proyektong ito, tiyak na ang paglago ng kabuhayan ng mamamayan ng lsabela dahil sa papasok ang iba’t-ibang negosyante. Bukod pa, ang mga benipisyong makukuha diumano ng mga maaapektuhang residente sa mga coal mining sites na nabanggit. Mabibigyan daw ng temporary relocation site habang nagmimina sa mga lupang kinatitirikan ng bahay ng mga tao roon. Babayaran daw ang taunang kita ng isang magsasaka na maaapektuhan ng paghuhukay ng mga mina sa kanyang bukid. Sisiguraduhin din daw ng PNOC-EC na bago maibalik sa mga magsasakang may-ari ng lupa na nabungkal na hindi maaapektuhan ang fertility ng kanilang lupain dahil wala umanong kemikal na gagamitin at ipapaibabaw pa rin ang tinatawag na top soil. Kaya nga raw progressive mining ang pamamaraan sa pagmimina. Sadyang napakaraming mga benipisyo ang ibinabandera ng PNOC-EC subalit gaano man katamis ang kanilang pananalita, nagkakaisang tumututol ang mga mamamayan sa mga nabanggit na lugar. Sa katunayan, nagkaroon na ng sindakan noong administrasyon pa ng natalong gobernador na si Faustino Dy Jr. Hindi ito nakakapagtaka dahil ganitong-ganito rin ang panlilinlang na ginawa nila sa pagpapatupad ng cassava project nina Danding Cojuanco at Dy. Nakaranas na ng matinding harassment ang mga mamamayan ng Benito Soliven partikular sa mga barangay Dagupan, Placer at New Magsaysay. Ngunit sa kabila ng mga ito, hindi nabuwag ang pagkakaisa ng mga mamamayan. Lalo pa silang tumapang at nanindigang tutol sila sa mga proyektong ayon sa kanila ay magsisilbi sa iilan lang at mga kapitalistang dayuhan. lniharap din ng mga pasimuno ng mga proyektong ito sa mga residente ang dalawang APC tank ng 5th ID ng Philippine Army kasama ang napakaramimg puwersa ng militar na sumira at nagwasak sa mga plakard ng mga magsasakang tumututol sa proyekto. Dahil sa lakas ng pagkakaisa ng mga mamamayan, nabigo si dating gobernador Dy at PNOC-EC na isulong ang proyekto. Dahil na rin sa nakita nilang tindig nga mga magsasaka, pansamantalang itinigil ng PNOC ang kanilang kampanya na isulong ang proyekto. Pero hindi dito nagtatapos ang paglaban ng mamamayang apektado ng proyekto dahil pagkalipas lamang ng ilang buwan, heto at bumalik ang korporasyon na animoy isang maamong tupa at anghel. Sabagay, pati nga demonyo ay kayang magkunwaring anghel di ba?!!! Marahil, napag-isip isip na nila na hindi makukuha sa puwersa o takutan ang pagkumbinsi kaya pagpasok ng buwan ng Disyembre, malumanay at maamong PNOC-EC team ang sumalubong sa mga mamamayan ng Benito Soliven, lsabela. Wala na silang mga kasamang mala demonyo at mababangis na politiko. Wala na rin silang mga kasamang mga militar, bagkus ay mga matatamis na dila ang kanilang dala. Hinarap at kinausap din ng PNOC-EC ang mga progresibong organisayon tulad ng DAGAMI, BAYAN, Bayan Muna-lsabela at AGHAM sa pag-aakalang makumbinsi nila ang mga ito subalit bigo at napahiya lamang ang mga ito. Nakita nilang hindi isinusuko ng mga progresibong grupo ang laban at kapakanan ng mga mamamayan. Kinausap rin nila ang simbahang Katoliko ng lsabela at Social Action Center ngunit, kagaya ng tindig ng nakararami, tinutuligsa rin nila ang proyekto. Makikitang desperado ang PNOC-EC na isulong ang proyekto. House-to-house at general assembly sa mga barangay ng Benito Soliven ang paraan nila upang makuha ang loob ng mga “anti”. Sa ngayon ay araw-araw dumadalaw sa mga bahay ang kanilang team at naglulunsad din ng barangay assembly sa mga nabanggit na barangay ng Benito Soliven subalit gaya ng inaasahan, mangilan-ngilan lamang ang dumadalo. Ayon mismo sa kapitan ng Villaluz, Benito Soliven, kakaunti lamang ang dumadalo dahil ayaw nang makinig ng mga residente sa mga paliwanag at pambobola ng PNOC-EC dahil hindi na raw mababago ang kanilang na pagtutol sa proyekto. Humigit-kumulang 50 katao lamang ang dumalo sa mahigit na 400 households. Sa pagiging maamo ng PNOC-EC bakit wa-epek pa rin ito sa mamamayan ng BenitoSoliven? Sa kabila ng mga matatamis na pangako, bakit hindi pa rin nila makuha ang tiwala ng mamamayan? lto’y isang manipestasyon lamang na walang tiwala ang mga mamamayan sa mga kinauukulan. Ayon sa kanila, pinapaasa lamang sila sa wala! Tama naman di ba? Kapal din ng mukha ng mga taong nasa likod ng proyektong ito dahil hindi pa rin sila tumitigil. Ang mga bagay na tinututulan ng mga mamamayan ng lsabela sa proyektong coal mining sa susunod na isyu. Abangan. # For comments, and suggestions e-mail at d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |