FOURTH
ESTATE By MICHAEL ANGONOY |
NORDIS
WEEKLY January 9, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Mga luma sa Bagong Taon |
||
Ano kaya ang maaari nating asahan ngayong 2005? Sa pagpasok ng Bagong Taon, napakaraming mga espekulasyon, prediksyon,at mga hula na maaari nating asahang mangyari. Ang lahat ng mga ito ay maaaring totoo sa paniniwala ng isang tao, pero iisa ang tiyak dito, maaaring makalimutan na naman (kung hindi magpupursige ang mga mamamayan) ang mga lumang isyu na hindi natugunan sa nakaraang taon. Hindi ito bago sa atin, dahil batid natin na kahit mismo noong nakaraang taon ay marami sa mga isyung ito ang hindi natugunan. Isa na rito ang sunu-sunod na pagkamatay ng mga mediamen. Ito’y isang hubad na katotohanan na hanggang ngayon ay wala pa ni isang kaso ng pagpaslang ang naresolba. Masasabi nating nabura o mabubura ng Arroyo government ang record ni Marcos sa loob ng humugit kumulang na 20 taon bilang pangulo. Ilang taon pa lamang ni Gng. Arroyo sa kanyang hiram na puwesto pero ilang mamamahayag na ang pinaslang? Sa kainitan ng isyu, sinabi ng kapulisan na kailangan na raw armasan ang mediamen bilang self defense. Hindi ko alam kung saan galing ang ideyang ito. Ngunit sa pagbibitiw ng nasabing deklarasyon, hindi ba nila naisip na tila pag-amin ito na hindi nila kayang resolbahin ang mga kaso kaya ipinapasakamay nalang nila sa mga biktima ang pagtatanggol ng sarili? Responsibilidad ng estado na pangalagaan ang mamamayan sa alinmang porma ng karahasan. Dapat mahiya sila sa kanilang sarili dahil sa kawalan nila ng kakayahang resolbahin ang ganitong kaso. Dapat kilabutan sila tuwing sinasabi nilang mabagal ang development ng kaso dahil hindi nakikiisa ang mamamayan. Bakit? Masisisi ba natin ang mamamayan kung nawawalan sila ng tiwala sa estado na may tungkuling pangalagaan ang mamamayan? Magagawa ba ng mamamayan na magtiwala sa gobyernong punung-puno ng katiwalian? Hindi ako masyadong nagtataka ung bakit ganito kabagal ang pagresolba ng problema dahil mismong ang gobyerno ang pinag-uugatan ng problema ng taongbayan. Nagyong Bagong Taon, umaasa pa rin ang mga kamag-anak ng mga mediamen at lahat ng biktima ng karahasan na makakamtan nila ang hustisya balang araw. Posasan man ang kamay ng isang responsableng mamamahayag, tatayo pa rin iyan upang damayan ang mga mahihirap. Igapos man ang kanyang mga paa, maririnig pa rin ang kanyang boses para isigaw ang katotohan. Kahit busalan ang kanyang bibig, may mata pa ring makakakita ng kabulukan ng sistema. Kahit piringan, may puso pa ring tumitibok para sa bayan at kahit hanggang kamatayan, may susulpot at susulpot para ipagpatuloy ang kanilang magandang hangarin at simulain. Sa kabila ng iba’t-ibang mukha ng karahasan at pasismo, alam kong kailanman ay hindi mawawala ang diwa ng demokrasyang ipinaglalaban at pilit na binubuhay ng mga taong nagmamahal sa kalayaan. # For comments, and suggestions e-mail at d4thestate7@yahoo.com |
||
Home > Op-ed | Back to top |
Previous | Next |