EDITORYAL
NORDIS WEEKLY
May 1, 2005
 

Home > Op-ed | To bottom

Previous | Next
 

Mayo Uno

Nitong Araw ng Paggawa, ating binibigyang pugay ang mga manggagawa sa buong bansa sa kanilang patuloy na pakikibaka para sa kanilang mga demokratikong karapatan sa kabila ng panggigipit ng estado sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan nito sa mga kapitalista, lokal man o dayuhan, at paggamit ng dahas sa pamamagitan ng militar.

Ang pangyayari sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004 na kumitil sa buhay ng ilang manggagawa ng asyenda ay isang patunay sa pakikipagsabwatang ito. Gayundin, ang pangyayaring ito ay patunay ng buhay na alyansa ng uring manggagawa sa iba pang uri at sektor ng lipunan.

Patuloy na bumubuhos ang suportang moral at materyal sa mga piketlayn ng asyenda mula ng pumutok ang welga noong Nobyembre 2004.

Karagdagang sahod lamang ang hiling ng mahigit 5,000 manggagawa sa malaking panginoong maylupang pamilyang Cojuanco. Sa kabila ng higanteng tubo ng asyenda, P9.50 lamang kada linggo ang sinasahod ng mga manggagawa sa ilalim ng mapanlinlang na iskema ng Stock Distribution Option (SDO).

Ngunit hindi patitinag ang mga manggagawa ng asyenda. Nakahanda sila para sa matagalang pakikibaka. Ilang buhay na rin ang naibuwis, maging ng mga taga-suporta ng welga gaya nina Tarlac City Councilor Abelardo Ladera at Fr. William Tadena.

Sa Kordilyera, naghahanda naman ang mga manggagawa ng Lepanto Consolidated Mining Company (LCMC) na mag-welga matapos ipagkait ng management ang panawagan ng mga minero para sa karagdagang sahod at benepisyo. Sa loob ng 66 taong operasyon ng LCMC, malaking pinsala na ang naidulot nito sa mga mamamayan ng Kordilyera at Ilocos. Animnapu’t anim na taon na rin nitong pinagsasamantalahan ang mga manggagawa nito sa pamamagitan ng mababang pasahod, kawalan ng benepisyo at union busting. Sa welgang idinaos ng mga manggagawa ng LCMC noong 2003, nakamit nila halos lahat ng kanilang mga kahilingan maging ang pagkakabalik sa trabaho ng mga opisyal ng kanilang mga unyon. Kung kaya, hindi magdadalawang-isip ang mga unyon ng LCMC na muling magsagawa ng welga. Dahil sa nagkakaisang-lakas, napatunayan nilang makakamit ang kanilang kahilingan.

Unang nabuklod ang KMU sa rehiyong Kordilyera sa hanay ng mga minero sa kalagayang tadtad ng pagmiminas ang rehiyon.

Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng pakikibaka at tagumpay ng mga manggagawa sa bansa. Sa patuloy na pagsasamantala ng mga kapitalista at ng estado, marami pang unyon ang nakaambang mag-welga.

Ang mga pakikibakang ito ay pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pamamagitan ng pagtataguyod ng tunay, palaban, makabayan at militanteng unyonismo.

Para sa ika-25 na taon ng pagkakatatag nito, nananawagan ang KMU sa mga manggagawa sa buong bansa na anihin ang mga aral mula sa kanilang mga tagumpay maging sa mga panahong nagkaroon ng kabiguan. Ipinanawagan rin nito ang patuloy na pagpapatupad ng tunay na unyonismo sa kabila ng bigwas ng mga nagsasamantala.

Laging naisasantabi ang makasaysayang papel ng manggagawa sa pag-inog ng lipunan at sa paglikha ng kasaysayan. Sa isang banda rin, laman sila ng mga awit at tula ng mga makabayang manunulat at artista.

Sa bahagi ng mga peti-burges, may pangangailangan pa ring pag-aralan at intindihin ang ugat ng tunggalian ng manggagawa at ng kanyang amo, at ng pakikialam ng estado dito. May pangangailangan pa ring intindihin ang taunang pagdaraos ng kilos protesta tuwing Mayo Uno.

Sa pagkakataong ito, ipinapaabot natin ang ating pakikiisa sa pakikibaka ng lahat ng manggagawa na siyang lumiklikha ng tunay na yaman ng bansa. #


Home > Op-ed | Back to top

Previous | Next