NORDIS WEEKLY
July 2, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Kaso kontra sa mga lider-magsasaka, kinondena

VIGAN CITY (June 30) — Kinondena ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation) ang pagdawit sa anim na lider ng ligal at demokratikong kilusan ng mga magsasaka sa mga kasong kriminal.

Ayon kay Atty. Randy Kinaud, abogado ng anim, nagpila ng mosyon para madismis ng Regional Trial Court Branch 23 at 71 sa Ilocos Sur ang kaso laban sa mga lider-magsasaka na dalawang kasong murder, pagnanakaw at panununog.

Sinabi ng Stop Exploitation, pawang walang batayan at likhang-isip lamang ito ng mga elemento ng sandatahang lakas ng Pilipinas (AFP) at ng pambansang himpilan ng mga pulis (PNP) upang mang-intriga at idikit ang mga ligal at lehitimong organisasyong masa sa armadong pakikibakang inilulunsad ng New People’s Army (NPA).

Tatlong taon na ang nakararaan nang matatandaang idinawit ang ilang personahe ng Stop Exploitation sa mga nagpasabog sa himpilan ng pulis sa Sta. Lucia, Ilocos Sur. Inangkin ng Alfredo Ceasar Command (ACC) ng New People’s Army (NPA) ang nasabing pagsabog, ngunit ayon kay Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng Stop Exploitation, ipinagpipilitan ng mga pulis at militar na ang mga lider-masa ay kasama sa nasabing pangyayari.

Ayon pa kay Alfiler, mapatutunayan na walang kasalanan ang mga lider-magsasaka dahil sila ay mabubuting mamamayan at may malinis na rekord sa kani-kanilang mga lugar.

Sa pahayag na inilabas ng Stop Exploitation, ang pagdawit sa organisayon sa mga kasong kriminal ay bahagi ng Oplan Bantay Laya ng rehimeng US-Arroyo na naglalayong patahimikin ang mga masusugid na kritiko ni Arroyo. Dagdag pa nito, ang desperasyon ni GMA na manatili sa posisyon ang nagtutulak upang higit pang paigtingin ng kasalukuyang gobyerno ang pasismo.

“Hindi kataka-taka ang hakbang na ginagawa ni Gloria. Kasabay ng sunud-sunod na pagpatay at pagdukot sa lider-masa, ginagamit din nito ang legal system upang idikit ang mga pangalan ng mga lider sa mga kasong kriminal. Ngunit ang mga hakbang na ito ng administrasyong Arroyo ang magdudulot ng ibayong pagkilos sa mamamayan upang patalsikin na ang papet, pasista at korap na pangulong si Gloria.” pangwakas ni Alfiler.

Ipinila ang mga motion to dismiss dahil sa alegasyong ang mga kaso ay nagmumula sa iisang insidente. Didinggin ag naturang mga kaso sa Hulyo. # Rod Tajon for NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next