NORDIS WEEKLY
June 18, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

CARP na bogus tinutulan sa Ilocos

SAN FERNANDO CITY (Hunyo 9) — Humigit kumulang 300 magsasaka sa probinsya ng Ilocos Sur ang nagpiket noong Hunyo 9 sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) upang ipaabot ang kanilang mga karaingan. Bahagi ng naturang mga karaingan ang pagtutol sa pagkansela sa Certificate of Land Transfer (CLT) at Certificate of Land Ownership Award (CLOA) gaya ng sa mga magbubukid ng Lipit at Bato, Cabugao at Bacsil, San Juan, Ilocos Sur.

Ayon kay Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation), unti-unting naka-kansela ang mga CLT at CLOA na nagdulot ng ibayong kahirapan sa mga magsasaka at ibayong pagkamal ng yaman sa mga panginoong maylupa.

Ayon sa pahayag ng Stop Exploitation sa ika-18 taon ng Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), sa kabila ng pagsasabatas ng reporma sa lupa, nananatiling mailap para sa mga magsasaka ang pagkakaroon ng sariling lupang bubungkalin.

“Ang krisis sa ilalim ng rehimeng Arroyo ay nagpalala sa buhay ng mga magsasaka. Pabulusok ang halaga ng mga produktong agrikultural samantalang hindi na makabangon ang mga magsasaka sa gastos sa produksyon,” ayon kay Alfiler. Aniya pinaiigting din diumano ng rehimeng ito ang pagiging mabangis sa pamamagitan ng pinatinding operasyon ng mga pasistang militar sa kanayunan.

Kaakibat ng nasabing pagkilos ng mga magsasaka, naglunsad din ng serye ng dayalogo ang Stop Exploitation kasama ang mga magsasakang nakansela ang CLT at CLOA sa mga Municipal Agrarian Reform Office (MARO) sa Ilocos Sur. # Rod Tajon for NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next