|
NORDIS
WEEKLY June 11, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Paigtigin ang diwang makabayan, ipaglaban ang tunay na kalayaan |
||
Sa ika-108 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, 2006, higit na kailangang pag-aralan ng bawat Pilipino ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Ang mga indikasyon ba sa ekonomiya at pulitika sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) ay tanda ng pagiging malaya? Kalayaan sa ekonomya Ang mga manggagawang Pilipino ay nanawagan pa rin ng P125.00 dagdag na sahod. Mas malakas at dumadagundong ang panawagang ito dahil sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin dulot ng 12% Value-Added Tax na ipinatupad noong Pebrero 2006 at sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Noong nakaraang taon, 19 na Oil Price Hikes (OPH) na umabot sa P 7.07/litro na pagtataas sa presyo ng langis. Tumaas ang presyo ng langis ng 30% noong 2005 kumpara sa presyo nito ng 2004. Mula 1996 nang ipatupad ang Oil Deregulation Law, umabot na sa 400% ang itinaas ng presyo ng langis. Mula Enero hanggang unang linggo ng Abril 2006, limang beses na ring tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Ang kambal na pasaning dagdag buwis at oil price hikes ang dahilan sa papataas na presyo ng mga batayang bilihin. Umabot sa 7.6% ang inflation rate noong Marso 2006. Sa kabila nito, patuloy namang nakakaltasan ang pondo para sa batayang panlipunang serbisyo. Kung ikukumpara ang alokasyon ng mga taong 1997-2000 sa 2001-2004, ang pondo para sa edukasyon ay bumaba ng 3.2%, kalusugan ng 24.5% at pabahay ng 61.0%. Dagdag pa sa pang-ekonomiyang realidad ang 4.8 milyong Pilipino na walang trabaho habang 8.4 milyon naman ang underemployed. Bangkarote rin ang lokal na agrikultura dahil sa polisiyang liberalisasyon, luging-lugi ang mga magsasaka na hindi makayang makipag-kumpetensya sa mga inaangkat na produkto sa ibang bansa. Sa pangkabuuan, bilanggo sa kahirapan ang mayorya ng mamamayang Pilipino. Patuloy na nakagapos sa napakatinding pang-ekonomiyang krisis. Patuloy na nararanasan ang kawalang kalayaan na magkaroon ng disenteng pamumuhay. Kalayaan sa pulitika Mula Enero 2001-Mayo 30, 2006, umabot na sa 607 ang naging biktima ng extrajudicial killings, 257 dito ay mga lider, miyembro at taga-suporta ng mga progresibong peoples’ organizations at party lists. Ilan sa mga biktima ay mga manggagawa (59 victims) human rights advocates (24), lider simbahan (13), kababaihan (60) at mga bata (43). Ang ibang kaso ng pagpaslang ay resulta ng mga operasyong militar sa kanayunan. Aabot sa may 200 magsasaka ang naging biktima ng indiscriminate firing at massacres sa mga lugar kung saan nagaganap ang counter-insurgency operations ng militar. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga kaso ng pamamaslang ay patuloy pang dumarami dahil sa kawalang aksyon ng administrasyong Arroyo na lutasin at patigilin ang pamamaslang na ito. Maging ang Amnesty International at Commission on Human Rights ay nababahala na sa kalagayan ng karapatang pantao sa ating bansa. Ang tagapagsalita ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na si Bp. Angel Lagdameo ay nagpahayag na rin laban sa pamamaslang na ito. Sinasabing sa pag-aaral sa motibo ng mga pagpatay, na ang nasa likod ng mga ito ay mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pa nilang ahente katulad ng Civilian Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at death squads. Malinaw na bahagi ito ng pambansang polisiya na patahimikin at wasakin ang mga progresibong organisasyon. Ang Oplan Bantay Laya ng AFP ang batayan ng mga pagpatay sa mga lider at miyembro ng mga peoples’ organizations na itinuturo nilang legal fronts ng New Peoples Army. Sa ganitong kalagayan, wala ng pagkakaiba ang pagtrato sa mga armadong grupo at sa di-armadong sibilyan na nasa parlyamentaryong pakikibaka at sumusunod sa kasalukuyang mga batas. Lahat ng hinihinalang makakaliwang organisasyon at maging ang mga pwersang anti-GMA ay itinuturing na ‘open target’ ng ganitong pasistang polisiya. Kumukitid at tahasang ipinagdaramot ang demokra-tikong espasyo para sa lehitimong pagpapahayag ng mga karaingan ng sambayanan. Halos lahat ng oportunidad para sa malayang pagpapahayag ay ginigipit ng kasalukuyang administrasyon. Ang panunupil sa mga lider ng progresibong party lists sa Kongreso, ang pananakot at pamamaslang sa mga lider-masa at aktibista ay nagpapakipot pa sa limitadong oportunidad para iparating ang mga aspirasyon ng mga maralita. Kalayaan at Charter Change Sa tindi ng krisis sa ekonomiya at pulitika, ang rehimeng Arroyo ay nagpakana ng Charter Change. Layunin nito na ilihis ang mamamayan mula sa hindi lehitimong pamumuno ng pangulo. Ang pagpapalit ng konstitusyon ang nakitang solusyon ni GMA upang makapanitili sa poder sa gitna ng malawakang panawagan para sa kanyang pagbibitiw at pagpapatalsik. Kung susuriin, ang laman ng Cha-Cha ay magpapalala sa dayuhang pandarambong. Pahihintulutan ng pagbabago sa konstitusyon ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga kalupaan, rekurso at public utilities. Mas magiging madali, sa mga foreign corporations na mangamkam ng lupa sa loob ng bansa dahil mas malaki ang kanilang kapital kumpara sa mga Pilipino. Susundan ito ng pagpapasigla sa pagtatayo ng mga mapanirang proyekto at industriya katulad ng large-scale mining na magtutulak sa malawakang dislokasyon ng mga magsasaka at maging ng mga katutubong minorya sa bansa. Samantala, ang pagsasapribatisa ng mga public utilities ay magre-resulta sa papataas pang singil sa mga serbisyong panlipunan katulad ng tubig, kuryente at transportasyon. Maging ang mga educational institutions ay ibubukas sa dayuhang kontrol, ito ay magpapahigpit sa kolonyal na oryentasyon ng edukasyon. Ibubukas din ang mass media sa dayuhang pagmamay-ari na nangangahulugan ng maka-dayuhang paghubog sa opinyong publiko. Pahihigpitin din nito ang katangian ng ekonomiyang dumedepende sa mga imported na produkto dahil sa kontrol ng dayuhan sa mga advertisements. Tatanggalin din ng panukalang Cha-Cha ang mga probisyon sa kasalukuyang konstitusyon na nagbibigay proteksyon sa kalayaang sibil ng mamamayan. Padadaliin nito ang deklarasyon ng Batas Militar na hindi na makwe-kwestiyon ng Kongreso at Korte Suprema. Malawak at masaklaw ang implikasyon ng Charter Change sa ekonomiya, pulitika at kultura. Kapag maipatupad ito ay higit na mababaon sa kahirapan ang mamamayan at magpapatuloy din ang panunupil sa ating mga demokratikong karapatan. Higit na mawawalan ng kalayaan at kasarinlan ang mga mamamayan sa pagtutuloy ng panukalang Charter Change. Ang ating panawagan Ang kalayaan bilang isang konsepto ay maisasabuhay lamang kung ito ay nararamdaman ng bawat mamamayan. Hindi sapat na sabihing malaya at demokratiko ang isang bansa kung nananatili ang tanikala ng kahirapan at panunupil. Hindi rin sapat na gunitain ang Araw ng Kalayaan sa balangkas ng kasaysayang hiwalay sa kasalukuyang kalagayan. Signipikante at napapanahon kung gayon, na gunitain ang Araw ng Kalayaan sa gitna ng nagpapatuloy na pakikibaka laban sa pagdarahop, sa panunupil,sa pampulitikang pamamaslang at sa Charter Change. Sa kagyat, ang napapanahong mga panawagang ito ay makakamit sa pagpapatalsik sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo na pangunahing nagsusulong ng mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakaran. Buhayin natin ang diwang makabayan, ating gunitain ang Araw ng Kalayaan sa gitna ng papalawak na kilusan para patalsikin ang papet, pasista at pahirap na rehimeng Arroyo. # Hunyo 12, 2006 Post your comments, reactions to this article |
||
Previous | Next |