|
NORDIS
WEEKLY May 28, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Pahayag ng Task Force Doton mariing kinundena |
||
URDANETA CITY, Pangasinan (May 21) — Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)–Pangasinan at Tignay dagiti Mannalon a Mangwaya-waya ti Agno (Timmawa) ang pahayag ng Task Force Doton na hidwaan sa local na pulitika ang sanhi ng pagpaslang kay Jose “Apo” Doton, ang ika-124 na aktibistang pinatay sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) noong Mayo 16. Walang basehan ang pahayag ng Task Force Doton dahil hindi pa ito umano nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa kaso ni Doton. Dagdag pa ng mga nasabing grupo, ang pahayag ng Task Force ay nagpapakita ng agarang pag-abswelto sa administrasyong Arroyo. Ang pagkamatay ni Doton at ng iba pang mga lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon, panggigipit sa mga progresibong mambabatas at pagpapalabas ng mga mapaniil na polisiya at batas ay bahagi ng pagpapatupad ng kamay na bakal ng administrasyong Arroyo, giit ng Bayan-Panagasinan. Dagdag pa ng grupo, pilit pinapatahimik ng pamahalaang Arroyo ang mga kritiko nito sa pamamagitan ng dahas upang maprotektahan ang pansariling interes, ang manatili sa pwesto. Nasabi ng mga grupo na bago pa man ang pamamaslang sa mga lokal na lider-aktibista at maging sa kasalukuyan, patuloy ang harasment sa mga lider ng Bayan at mga kaalyado nitong organisasyon gaya ng paniniktik at pangunguha ng litrato. Tinuligsa rin ng dalawang grupo ang naunang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) ang pumaslang kay Doton dahil sa internal na “purging”. “Nililihis ng mga pahayag na ito ang tunay na pananagutan ng rehimeng Arroyo at ikinukubli ang patakaran nito gaya ng Oplan Bantay Laya na naglalayong durugin ang CPP-NPA at lahat ng diumano’y sektoral na prente nito,” pahayag ng Bayan. Matatandaang noong nakaraang taon ipinalabas ng AFP ang “ Know your Enemy” isang power point presentation na nag-uugnay sa mga progresibong organisasyon, organisasyon ng mga mamamahayag at relihiyoso bilang mga “prente” diumano ng CPP-NPA. Kaugnay nito sinabi ni Gen. Jovito Palparan kamakailan na dudurugin niya ang CPP-NPA at mga “prente” nito sa loob ng limang buwan. Si Doton, 62, ang pangkalahatang kalihim ng Bayan-Pangasinan, at tagapangulo ng Timmawa noong siya ay pinagbabaril ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo noong Mayo16 habang nakaangkas siya sa motorsiklong minamaneho ng kanyang kapatid na si Concio, 57, na kasalukuyang nasa ospital. Si Doton ang ika-124 na aktibistang pinatay ngayong taon, sa ilalim ng pamumuno ni GMA at ikalawa sa mga lider ng BAYAN-Pangasinan, kasunod ang pagpaslang kay Mariano “Kanor” Sepnio, ikalawang tagapangulo ng Bayan-Pangasinan noong Pebrero. Siya ay inilibing noong Mayo 27. # via NORDIS Post your comments, reactions to this article |
||
Previous | Next |